I.Introduksiyon
Ang Florante at Laura ang pinakadakilang pamana ni Francisco Balagtas sa kanyang bayan, ito ay naglalaman ng maraming aral at katotohanan ng buhay. Tinuligsa nito ang mga opisyales ng pamahalaan na tinawag niyang taksil. Ipinahihiwatig rin sa tulang ito na ang Pilipinas, noong panahong iyon ay hindi masaya. Ang mabubuti ay hindi nirerespeto at ang mga masasama naman ay hindi napaparusahan.
II.Talambuhay ng may-akda
Si Francisco Balagtas ay ipinanganak sa Panginay, Bigaa (na ngayo'y tinatawag na Balagtas), Bulakan noong ika-2 ng Abril, 1788 kila Juan Balagtas at Juana de la Cruz. Kilala rin siya sa pangalang Francisco Baltazar at Kikong Balagtas. Siya ay ikinasal kay Juana Tiambeng ng Orion, Bataan at sila ay nagkaroon pitong anak. Kahit noong siya ay musmos pa lamang si Kiko ay mahilig na sa Magaganda. Mahilig siyang panoorin ang berdeng kalikasan at makinig sa huni ng mga dahon. Nakikita niya ang mga bituwin sa taginting ng pagbabayo ng kanyang amang, isang Panday. Naririnig niya ang kanta sa tinig ng sapatos ng mga kabayo. Kahit noong siya rin ay bata pa, nararamdaman ni Kiko ang mga pang-aabuso sa kanyang bayan at mga kalupitan na dinanas ng kanyang mga kababayan sa mga kamay ng mga Kastila. Nararamdaman niya na may kamalian sa lahat ng mga ito, subalit ito ay hindi niya naiintindihan. Nabuksan lang ang kanyang isipan noong siya ay natutong umibig kay Celia, isang pag-ibig na gumulo sa kanyang buhay. Siya ay ikinulong ng kanyang matinding karibal na isang Hepe ng bayan. Isinadula niya ang mga kalupitang dinanas ng kanyang mga kababayan sa kanyang mga tula, pinakatanyag dito ay ang Florante at Laura. Ang Florante at Laura, na siyang obra-maestra ni Balagtas, ay naglalarawan ng mga kasamaang dinanas ng mga Pinoy noong panahon ng mga Kastila. Kahit na ang Albania ang tinuring lugar at ang mga tauhan nito ay puro mga pangalang banyaga, ang mga tinutukoy na bayani dito ay mga Pinoy, at ang mga pangyayari ay tunay na mga nangaganap sa ating bansa. Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga pananaw sa matuwid na pamumuhay at mga pangaral tungkol sa katarungan, pag-ibig, pag-galang sa mga matatanda, kasipagan, disiplina at pagiging makabayan. Ito ay naglalaman ng mga pangaral na naayon sa kasalukuyang panahon.
Kung kayat ito ay tinuturing na isa sa mga pinakamagandang tula at si Balagtas, ang manunulat nito ay tinuturing nating "Prinsipe ng Balagtasang Tagalog."
Dahil sa kanyang katanyagan bilang manunulat, ang kanyang pangalan ay naukit sa katagang ating ginagamit sa pagtukoy sa panunula ... "Balagtasan".
III. Batayan sa pagsulat ng may-akda
Ang Florante at Laura ay hango sa mga pangyayari noong panahon ng mga kastila. Wari’y isang paham si Balagtas sapagkat sa kabila ng mahigpit na pagsensor ng mga pare ay nakuha niyang malusutan ang panunuri ng mga ito.Nasubok ang kanyang pagkamalikhain sa pagkagamit ng tagpuan sa ibang bansa, mga tauhang ang nagsiganap ay pawing hari, reyna , duke, sultan, mga mahihirap na salita, mga magagandang kaisipang magpahanggang ngayon bukang bibig ng karamihan at higit sa lahat ay ito marahil ang naibigan ng mga sensor – ang pagtatagumpay ng kristiyano laban sa mga sumisikil sa maraming karapatan ng tao, karapatang magbigay ng pua at magtala ng mga katiwaliang nagyayari sa lipunan noon.
MGA PANGUNAHING TAUHAN
Florante
- tagapagtanggol ng Albanya at isang mabuting anak
Laura
- anak na babae ni Haring Linseo ng Albanya; babaing iniibig ni Florante
Aladdin / Aladin
- anak ni Sultan Ali-Adab ng Persya, isang moro na nagligtas at tumulong kay Florante
Flerida
- kasintahan ni Aladin na inagaw ng kanyang amang si Sultan Ali-Adab
Haring Linseo
- hari ng Albanya, ama ni Laura
Sultan Ali-Adab
- sultan ng Persya, ama ni Aladin
Prinsesa Floresca
- ina ni Florante, prinsesa ng Krotona
Duke Briseo
- ama ni Florante
Adolfo
- kalaban ni Florante, tinawag na mapagbalat-kayo
Konde Sileno
- ama ni Konde Adolfo
Menalipo
- pinsan ni Florante na nagligtas sa kanya noong siya ay sanggol pa lamang
Menandro
- matalik na kaibigan ni Florante, pamangkin ni Antenor
Antenor -
guro ni Florante sa Atenas
Emir
- moro/muslim na hindi nagtagumpay sa pagpaslang kay Laura
Heneral Osmalik
- heneral ng Persya na lumaban sa Croton
Heneral Miramolin
- heneral ng Turke
Buod:
Nagsimula ang kuwentong patula sa isang madilim na kagubatan. Nakatali si Florante, isang taga-kaharian ng Albanya, sa isang puno ng [[Higera], habang namimighati sa pagkawala ng kaniyang amang si Duke Briseo. Halos ikabaliw niya ang pagkakaisip na mapasakamay ng kaaway niyang si Konde Adolfo ang kaniyang minamahal na si Laura. Anak si Konde Adolfo ni Konde Sileno.
Narinig ng isang moro, na naglalakbay noon sa kagubatan, ang mga pagtangis ni Florante. Aladin ang pangalan ng moro, na naantig ng mga pananalita ni Florante. Dalawang mga gutom na liyon ang biglang umatake kay Florante subalit naligtas ni Aladin ang binata. Nawalan ng malay tao si Florante. Nagpasya si Aladin na pangalagaan si Florante hanggang sa manumbalik ang lakas nito.
Nang lubusang gumaling si Florante, nagulat siya noong una nang mapagmasdan ang morong si Aladin. Hindi siya makapaniwalang ang isang kalaban ng mga Kristiyano ang kaniyang naging tagapagligtas sa tiyak na kamatayan. Matapos ang ilang mga pagpapaliwanag, naging lubos ang pasasalamat ni Florante kay Aladin, at dito siya nagsimulang magsalaysay hinggil sa kaniyang buhay. Bilang anak ng isang prinsesa at ng isang tagapag-payong maharlika, lumaking masiyahin at puno ng pagmamahal at kalinga si Florante. Sapagkat mahilig ngang maglaro noong may anim na gulang pa lamang, muntik na siyang mapaslang ng isang buwitreng nagtangkang dumagit sa batong hiyas na nasa dibdib ni Florante. Sa kabutihang palad, nasagip siya ng pinsang si Menalipo, isang mamamana mula sa Epiro.
Sa edad na 11, ipinadala si Florante ng kaniyang mga magulang - na sina Duke Briseo at Prinsesa Floresca – sa Atenas, Gresya upang mag-aral sa ilalim ng kilalang guro na si Antenor. Sa Atenas niya natagpuan si Adolfo, na nagmula rin sa bayan ni Florante. Si Adolfo ang pinakamatalinong mag-aaral sa paaralan nang mga panahong iyon, subalit makaraan lamang ang anim na taon, nalampasan na ni Florante ang mga kakayahan, kagalingan at katalinuhan ni Adolfo. Nagtamo ng katanyagan at pagkilala si Florante, na lubhang hindi ikinatuwa ni Adolfo.
Habang gumaganap sa isang dulang pampaaralan, pinagtangkaang patayin ni Adolfo si Florante. Sa kabutihang palad, madaliang nakapamagitan si Menandro, ang kaibigan ni Florante. Dahil sa pagkaunsiyami ng balak, umuwi si Adolfo sa Albanya. Pagkalipas ng isang taon, nakatanggap si Florante ng isang liham mula sa ama na naglalahad ng balitang pumanaw na ang kaniyang inang si Prinsesa Floresca. Bagaman namimighati, naghintay ng dalawang buwan bago nakabalik si Florante sa Albanya. Sumama si Menandro kay Florante. Sa pagsapit nila sa Albanya, isang kinatawan ng kaharian ng Krotona ang humiling ng pagtulong mula kay Florante hinggil sa nalalapit na digmaan laban sa mga Persyano. Wala kakayahang tumanggi si Florante sapagkat lolo niya ang hari ng Krotona.
Sa kaniyang paglalagi sa Albanya, naimbitahan si Florante sa palasyo ng hari, kung saan nabighani siya sa pagkakakita kay Laura, ang anak na babae ni Haring Linceo, ang hari ng Albanya.
Sa pagpapaunlak sa hinihinging tulong ng Krotona, nakipagdigma si Florante laban sa heneral ng Persya na si Osmalik. Tumagal ang tunggali ng may limang oras. Nagtagumpay si Florante sa pagpatay kay Heneral Osmalik. Namalagi sa Croton si Florante ng limang buwan bago nagbalik sa Albanya para makita si Laura. Nang magbalik na nga sa Albanya, nagulat si Florante nang mapagmasdan ang watawat ng Persya na nagwawagayway sa kaharian, ngunit muli namang nagapi ni Florante ang mga kalabang Persyano. Nailigtas ni Florante sina Duke Briseo, Adolfo, Haring Linceo at Laura mula sa mga kamay ni Emir. Muntikan nang mapatay ni Emir si Laura. Itinalagang “Tagapagtanggol ng Albanya” si Florante dahil sa kaniyang naipakitang kagitingan at katapangan, isang bagay na lubhang ikinamuhi at ikinaiinggit ni Adolfo.
Muling ipinagtanggol at ipinagsanggalang ni Florante ang kaharian ng Albanya mula sa puwersa ng mga taga- Turkiya. Pinamunuan ni Heneral Miramolin, isang kilalang mananakop, ang mga taga-Turkiya. Naganap ang labanan sa Etolya, kung saan tumanggap si Florante ng isang liham mula sa kaniyang ama. Pinabalik si Florante sa Albanya, kung kaya’t naiwan sa pangangalaga ni Menandro, ang kaibigan ni Florante, ang hukbong pinamumunuan. Nang makauwi sa bayan si Florante, tinugis si Florante ng 30,000 mga kawal na sumusunod sa paguutos ni Adolfo. Nabilanggo si Florante ng may 28 araw. Sa piitan na lamang nalaman ni Florante ang kinahinatnan ng kaniyang ama at hari, na kapwa pinapugutan ng ulo ni Adolfo. Ipinadala si Florante sa kagubatan at itinali sa isang puno ng akasya.
Isinalaysay ni Florante ang kaniyang kaugnayan at pag-ibig kay Laura, nilahad rin niya ang pagkainggit sa kaniya ni Adolfo, at maging ang kagustuhan ng huling angkinin ang trono ng Albanya. Dahil sa mga ito, ibig siyang patayin ni Adolfo. Pagkalipas ng ilang panahon ng paglalakbay sa kagubatan, binanggit ni Aladin – na isa palang Persyano – ang katotohanan na katulad rin ng kay Florante ang kaniyang kapalaran. Pinagbintangan si Aladin ng sariling ama, si Sultan Ali-Adab, ni iniwan ni Aladin ang kaniyang mga alagad na naging sanhi ng pagkagapi mula sa kanilang kaaway. Inibig ni Ali-Adab na papugutan ng ulo si Aladin. Ngunit dahil sa pag-ibig sa kaniya ni Flerida, hiniling ng huli sa hari na huwag nang pugutan ng ulo si Aladin, sa halip ay palayasin na lamang mula sa kaharian. Bilang kapalit, pumayag si Flerida na magpakasal sa sultan.
Nagambala ang paglalahad ni Aladin nang makarinig sila ng mga tinig. Isang babae ang nagkukuwento hinggil sa kaniyang pagtakas mula sa isang kaharian at sa kaniya sanang pagpapakasal. Hinahanap ng babae ang kaniyang minamahal na kasintahan, isang paghahanap na tumagal ng may anim na taon. Sinabi pa nito na habang nasa loob ng kagubatan, nakarinig siya ng mga iyak ng paghingi ng tulong. Nang matagpuan niya ang isang babae na inaalipusta ng isang lalaking ibig gumasa dito, ginamit ng naglalahad na babae ang kaniyang pana para paslangin ang lumalabag sa puring lalaki. Nagpakilala ang babae bilang si Flerida.
Si Laura ang babaeng sinagip ni Flerida. Nagumpisa siyang maglahad ng kaniyang kuwento. Nang malayo sa piling niya ang kaniyang kasintahan, naging kaayaaya at bantog si Konde Adolfo sa mga mamamayan ng Albanya, kahit na pulos kasinungalingan naman ang ginagawa nito. Nagtagumpay si Adolfo na sirain ang hari sa mga mata ng mamamayan. Naangkin at naupo sa trono ng Albanya si Adolfo, kung kaya’t napilitang maging reyna nito si Laura. Isang hukbo na nasa ilalim ng pamumuno ni Menandro, ang kaibigan mula sa pagkabata ni Florante, ang naging dahilan ng pagkalupig ni Adolfo. Tumakas si Adolfo na tangay si Laura bihag, patungo sa kagubatan.
Matapos ang paglalahad ni Laura, nagsibalik sina Florante at Aladin sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Nagbalik si Florante at Laura sa Albanya, kung saan naging hari at reyna sila. Nagbalik naman sina Aladin at Flerida sa Persya, kung saan naging sultan si Aladin sapagkat namatay na ang kaniyang ama. Namuhay ng mapayapa at matiwasay ang dalawang kaharian.
V.Paksa ng Aklat
Ang pakasa ng aklat ay tungkol sa pinagdaanang mga pagsubok at nagging buhay nina Florante at Laura sa kaharian ng Albanya.
VI.Layunin ng may-akda
Layunin ng may-akda na maipaunawa ito sa mga bata ng maayos.Nangangailangan ng pagsusuri upang lubos na maunawaan ang mga bagay na tinutukoy sa loob ng taludtod. Palibhasa’y isa si Balagtas sa mga nagging biktima ng masamang kapalaran kung kaya buong linaw niyang nailarawan ang mensaheng nais niyang ipaabot sa mga mambabasa kaugnay ng kanyang nagging kasawian at karanasan.
VII.Ebalwasiyon
Ang Florante at laura ni Francisco Baltasar (na kilala din bilang Balagtas) ay isang obra-maestra sa panitikang Pilipino. Ito ay isang napakahalagang kontribusiyon kung saan ipinakita sa mga mambabasa ang larawan ng karanasan ng may-akdang si Balagtas.
VIII.Konklusiyon
Sa kabila ng lahat ng mga pagsubok ng pinagdaanan nina Florante at Laura, hindi nagtagal at nakasal ang dalawa at nagging hari at reyna sa Albanya. Samantalang siana Aladin at Flerida matapos magpabinyag ay pinag-isang dibdib at umuwi sa Persiya upang doon mamuno sa sariling bayan.
IX.Sanggunian
Agoncillo, Teodoro A. Sa Isang Madilim; SI Balagtas at ang kanyang panahon.Maynila: Surian ng Wikang Pambansa, 1947
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
_ tnx po :')
nice po ng music ^^
Post a Comment