Friday, November 26, 2010

TURISMO: KATUWANG SA PAGSULONG NG BANSA



Perlas ng Silangan – ito ang bantog na tawag sa Pilipinas dahil sa taglay nitong kagandahan. Ito ang bansang biniyayaan ng maraming likas na yaman at kamangha-manghang yaman na gawa ng tao. Ang mga naninirahan dito ay likas na masayahin at may mainit na pagtanggap sa kapwa. Kilala rin ang bansang ito dahil sa maunlad na industriyang panturismo na may malaking naiaambag sa kabuhayan ng bansa.

Ang Pilipinas ay mayaman kung aspetong panturista ang pag-uusapan. Noong pumasok ang Bagong Lipunan naging isa sa mga pinakamalaking pinagkakakitaan ng ating bansa ng dolyar ang industriya ng turismo. Nangyari ito sa ilalim ng Batas Militar napabuti ang katahimikan at kaayusan ng Pilipinas. Ito ang isa mga naging balakid sa paglago ng turismo sa ating bayan. Nagpatupad ng ilang pgbabago ang naging Pangulong Marcos upang mas mapaunlad ang turismo, itinalaga niya ang Ministri ng Turismo sa ngayon ay nakilala sa tawag na Department of Tourism. Ang sangay na ito ang umaasikaso sa pagpapaunlad ng industriyang ito. Naglunsad din ng iba’t ibang proyektong panturista, ipinaayos ang magagandang tanawin upang mas lalong maging kaakit-akit sa mga turista. Niluwagan ng pamahalaan ang mga tuntunin ukol sa pagdalaw ng mga turista at binigyan sila ng tanging pagkalinga.

Ang mga hakbanging ito na pinatupad ay nakatulong nang malaki sa pagpapaunlad ng turismo sa bansa. Noong 1965, humigit – kumulang sa 84,000 mga dayuhang turista lamang ang dumalaw sa ating bansa . Ngunit noong 1974, umabot sa mahigit na 400,000 ang mga turistang bumibisita sa Pilipinas. Umabot na halos isang milyon ang mga turistang dumating dito noong 1979. Kasabay nito ay umusbong din ang kabuhayan ng ating kababayan sa bansa.

Patuloy ang naging pag-unlad ng ating industriya dahil sa larangan ng turismo. Bawat taon ay nadaragdagan ang bilang ng porsyento ng mga turista na dumarayo sa ating bansa upang mangapital ng mga negosyo. Sa ganitong paraan ay naging isa sa pinakamalakas magpasok ng dolyar sa kabang – yaman ng ating bansa ang mga negosyanteng dayuhan. Masasabing may mga panahon din na bumaba ang porsyento ng industriya ngunit agad din namang bumabawi dahil sa patuloy at walang humpay na pagsasagawa ng mga programa upang manatili ang industriya sa magandang kinatatayuan nito.

Isa sa mga proyektong inilunsad ay ang Balikbayan. Ang proyektong ito ng gobyerno ay naglalayon na hikayatin ang mga Pilipinong manirahan sa ibat ibang bansa na bumibisita sa Gitnang Silangan. Layunin nito na ipakita at ipagmalaki ang aktwal na pagbabago ng bansa sa ilallim ng panibagong pamamalakad. Binibigyan ng insentibo ang kababayan nating balikbayan sa pamamagitan ng tinatawag na tax amnesty at limampung porsyento sa kanilang pamasahe. Sa kabuuan, ang mga tumugon ay bilang na 35,000 at pawang nagmula sa Estados Unidos. Nagdagdag ng pasilidad ang gobyerno upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga turista hindi lamang dito sa Maynila, pati na rin sa karatig lalawigan. Sinikap rin ng pamahalaan na magkaroon ng mga pagbabago at pag-unlad para sa kalye, pasilidad para sa transportasyon, hotel at iba pang serbisyo na konektado sa turismo.

Hanggang ngayon ay itinuturing ang industriya ng turismo bilang isang sector na may pinakamabilis na paglaki. Sa bawat pagdating ng mga turista sa bansa ay malaki ang maidaragdag nito sa pambansang kita. Naitala na ito noong 1998 ay dumagsa ang may 2.7 milyong dayuhan at balikbayan na nagdala ng $3.2 bilyong kita sa bansa. Nakatulong din sa industriya ang matagumpay na pagdaraos sa bansa ng ASEAN Tourism Forum sa lungsod ng Cebu noong Enero 1998. Ito ang pinakamalaking tanghalan ng paglalakbay sa Timog Silangang Asya upang itaguyod ang turismo sa mga kasaping bansa ng ASEAN. Dinaluhan ito ng 1700 lokal at dayuhang kalahok mula sa 40 bansa. Layunin ng programang ito na magkaroon ng pinag-isang programa at proyektong pamumuhunan sa industriya ng turismo, gayundin ang pagsasagawa ng mga pagsasanay sa mga manggagawa sa industriya at pagpapalitan ng impormasyon samantalang pinananatili ang natatanging kultura at kalikasan ng bawat bansa.

Nagkaroon ng kahinaan ang industriya sa kasalukuyan nang dumapo ang sali-salimbat na suliranin sa bansa. Nagkaroon ng malakas na pagsabog sa New York na naging dahilan upang magkaroon ng pangamba ang mga dayuhan. Sumulpot din ang kaguluhan sa Mindanao at naging malaking takot ito lalo sa mga turista sapagkat itinuturing nilang isang panganib ang lugar na kung saan ay may pagtatangka sa kanilang buhay. Dahil sa mga pangyayaring ito ay unti-unting humihina ang industriya ng turismo. Nagkaroon ng takot ang mga dayuhang mangangalakal na naging dahilan upang mawalan ng hanapbuhay ang mga umaasa sa industriya ng turismo.

Malaki ang maitutulong ng turismo sa ating ekonomiya. Ilan daang milyong dolyar ang pumapasok ngayon sa ating bansa dahil sa mga turista. Dumami ang mga nabibigyan ng hanapbuhay dahil sa turismo. Nakikilala ang Pilipinas sa buong mundo bilang isang kaakit-akit na bansa. Naganyak ang maraming mga samahang pandaigdig na magdaos dito ng kani-kanilang mga pagpupulong. Ngunit ito ay nagbabantang magbago dahil lamang sa hindi pagkakaunawaan nang umusbong ang isang kaguluhan. Nanamlay ang dating payapa at papaunlad na ekonomiya dahil sa unti-unti itong pinapatay ng mga anay at salot sa lipunan.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved