Malinaw ang batas ng Clean Air Act. Dapat sana’y matagal na itong ipinatupad. Lubhang nakakabahala nang talaga ang polusyon sa ating hangin. Kalusugan natin ang apektado nito. Mula sa maruming hangin na ating nalalanghap, nagdudulot ito ng sakit sa baga at iba pang kaugnay na karamdaman. Kamatayan ang hahantungan nating lahat.
Ang Clean Air Act ay malaki ang magagawang buti upang hadlangan ang panganib ng polusyon sa buhay natin. Nakakasulasok ang maruming usok sa hanging nagmumula sa ibinubuga ng mga sasakyan sa ating kapaligiran. Kaya, marapat lamang na isailalim sa “emission test” ang lahat ng mga sasakyan upang masukat ang antas ng dumi ng usok ng makina. Kaya lahat ng may-ari ng sasakyan ay dapat tumalima sa ipinag-uutos na ito ng batas.
Maraming sasakyan sa ating mga lansangan na dapat ng ma-phase-out, lalo na yaong mga 2 stroke engine motorcycle sapagkat talagang nakalalason ang ibinubuga nitong usok.
Isipin pa na hindi lamang maruming hangin ang ating problema. Nariyan din ang polusyon sa ingay na nililikha ng mga motorsiklo at mga nakabibinging mga tunog ng busina. Polusyon din ito sa pandinig. Maraming driver ang di-maayos magpatakbo ng kanilang mga sasakyan, kaya maraming aksidente ang nagaganap sa mga lansangan.
Kung ipatutupad ang batas na ito, totoong marami ang mawawalan ng hanapbuhay. Ayon sa datos, umaabot sa 1.02 milyon ang bilang nila sa buong bansa. Ngunit paano naman ang kalusugan ng mga tao?
Kailangang tanggapin ang katotohanan. Grabe na ang polusyong ibinubuga ng mga sasakyang nagyayaot sa mga daan at nararapat na itong gawan ng paraan upang masugpo ang polusyong nalilikha nito?
Kamakailan, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga tricycle driver upang labanan ang ilang probisyon ng clean air. Maaaring igalang ang kanilang protesta, ngunit dapat sigurong suriing mabuti ang hakbang ng LTO at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga probisyon nito. Kailangan talagang ma-upgrade di lamang ang mga tricycle kundi lahat ng mga sasakyang tumatakbo sa ating mga lansangan.
Malinaw ang probisyon ng Clean Air Act. Kailan pa tayo kikilos?
0 comments:
Post a Comment