Tuesday, November 23, 2010

TITSER



(Kabanata I)

Ni Liwayway B. Arceo

Mula sa kinatatayuan ni Aling Rosa sa tabi ng bintana ay nakita niyang papasok na sa tarangkahan si Amelita. Hindi naikubli ng nag-aagaw na dilim at liwanag ang hapung-hapong anyo ni Amelita at ang hapis na mukhang pinalamlam ng pagod. Nguni’t hindi rin nakubli sa paningin ng matanda ang wari ay walang nadaramang pagod o hirap ang anak. Magaan din ang pag-angat at pagbagsak ng mga paa nito. Tila may kasiyahang walang kahulilip ang imbay ng kanang braso, at ang kaliwa ay may kipkip na aklat at makapal na kuwaderno.

Hindi man lamang kumibo si Aling Rosa nang humalik ng kamay si Amelita, bagama’t hindi niya nailihim ang nagpupuyos niyang damdamin. Natitiyak niyang napansin iyon ni Amelita: ilang saglit napatitig sa kaniya ang anak bago unti-unting ibinaba ang tingin.

“’Ala ‘ata ang Tatang?” mahinang tanong ni Amelita.

“Ewan ko!” paasik na tugon ni Aling Rosa. Sinundan niya ng tingin si Amelita nang pumasok ito sa sariling silid.

“Talagang pinakagaga sa lahat ng anak ko ang isang ‘to, oo! himutok ni Aling Rosa. “Maaari namang kumuha kahit anong mabuti-buting karera. . . nagpilit na maging titser lang! Ngayon. . . ano? Alila ng buong nayon!”

Bumabalik sa gunita ni Aling Rosa ang mga natupad na pangarap sa pagpapalaki sa kaniyang mga anak nang pumasok sa salas si Mang Ambo.

Bahagyang hinukot na ng panahon ang mga balikat ni Mang Ambo, katuwas ng malalapad at tila higit na matatag na mga balikat ni Aling Rosa. May ilang gatla na sa mga pisngi si Mang Ambo na hindi naging sagabal sa anyong kapita-pitagan: nagbibigay-tingkad iyon sa payak nguni’t kagalang-galang na anyo. Ang katalinuhang kumikislap sa mga mata ay pinatitingkad ng mga salit na pilak sa buhok. At ang tinig na mahina at banayad, kaibayo ng matigas at makapangyarihan at buung-buong tinig ni Aling Rosa.

“Oy,” salubong ni Mang Ambo sa kaniya, “dumating na ba’ng anak mo?”

“Oo, nar’yan na sa kuwarto niya!” matabang na tugon ni Aling Rosa.

“O, e ano’ng nangyari’t ganyan na naman ang mukha mo? Hindi raw ba siya sasama?” Sa pagsasalita ni Mang Ambo ay hindi mapag-aalinlanganang kilalang-kilala nito ang asawa.

“Ewan ko. . . hindi ko pa naman sinasabi!”

“Gan’on pala naman, e. . . ano’t parang bigung-bigo ka na?”

“Ku. . . e makita ko lang ang ayos ng anak mong ‘yan, pinagsisiklaban na ‘ko ng galit!”

“Bakit naman?”

“Naku, Ambo. . . ma’nong huwag ka nang magmaang-maangan! Hindi ba ikaw nga itong laging nakapupunang nangangayat na sa pagtuturo ang anak mong ‘yan? Pa’no laging pagod na pagod!”

Napatango si Mang Ambo. “Sa tingin ko’y nasisiyahan naman sa pagtuturo ang batang ‘yan, a. . . baya’n mo na lang! Pumayag ka na rin lang na ‘yan ang pag-aralan niya. . .”

“Bakit nga hindi pa ‘ko papayag, e sa nakita kong kahit patayin ko’y ang gusto rin niya ang susundin!” Gigil na gigil si Aling Rosa sa pagsasalita at lumilitaw ang mga ugat sa leeg.

“Baya’n mo na . . . talagang ganyan ang bunso!”

“Bunso!” Hinagod ni Aling Rosa ang buhik na nakalag sa pagkakapusod at padarag na ibinuhol uli ‘yon, at sinundan ng pagpalis sa ilang hiblang nalaglag sa noo. “Kung hindi ko lang inaalalang masisira ang linya ng ating pamilya sa pagkakaroon ng isang anak na hindi de titulo . . . kailan ako pumayag?”

Hindi kumibo si Mang Ambo. Hindi nito masasabing mali ang asawa. Nakita nito ang katuwiran niya sa pagpipilit na makata[pos ang mga anak sa pag-aaral at makakuha ng mga karerang tinitingala. Hindi sila mayaman, nguni’t sadyang hinahangaan sila ng buong nayon sa ginawang pagpapaaral sa mga anak.

Halos nahuhulaan na ni Aling Rosa kung ano ang nasa isipan ni Mang Ambo. “Ayaw ka lang maniwala sa ‘kin no’ng una at ‘ika mo’y mahihirapan tayo … o, ano’ng nangyari? Kung hindi natin iginapang si Norberto at naging inhinyero . . . papatusin ba ni Marina? Siyempre pang isang masalapi ring tulad niya ang kukunin ni Marina. O kaya, isang propesor din sa musika, paris niya. Pero hindi, e. Naibigan niya si Norberto dahil may sariling dunong at titulo. At nakatulong pa sa pagpapaaral sa mga sumunod sa kaniya. O, ano. . . hindi ba?”

Tumango si Mang Ambo. “Ang itinatanong ko lang naman e kung napag-usapan na ninyo ni Amelita. Sasama raw ba siya o hindi?”

“Pinag-initan na nga ako ng ulo nang makita ko ang itsura ng anak mo!” mariing sagot ni Aling Rosa.

“Bakit nga?”

“Parang nahuhulaan ko ang isasagot. Pihong sasabihin n’yan ay pagod siya sa maghapong pagtuturo!”

“Ikaw naman, oo! Hindi mo pa pala nasasabi, e . . . gumagawa ka na ng hula kung ano’ng isasagot. Tawagin mo nga! Aba, kung hindi siya makasasama kay Osmundo, masabi na agad. Mahirap nang maghintay sa wala ‘yong tao!”

“Sus, bakit naiba ang salita mo ngayon? Dati’y ikaw ‘tong nagtatanggol sa anak mo. Sa ‘kin ka pa nagagalit at ‘ika mo’y lagi ko na lang pinipilit ang anak mo!”

“Alam mo, Oy . . . inaabot na rin ako ng kahihiyan kay Osmundo! Kung pakiharapan mo’y parang may pag-asa ‘yong tao. E itong pag-uukulan ng pagpapagod, e hindi natin matiyak ang kalooban!” Hindi malaman ni Mang Ambo kung paano magpapaliwanag.

Bahagyang napawi ang pangungulimlim ng mukha ni Aling Rosa. Tinawag ni Mang Ambo si Amelita. Nang lumabas ito mula sa silid ay nakasuot na ng pambahay at hawak sa kanang kamay ang isang walang takip na fountain pen.

“Aba, narito na pala kayo, Tatang!” sabay ang paghalik sa kamay ng ama.

“May sasabihin daw ang Inang mo . . .” sa halip ay tugon ni Mang Ambo at sinulyapan si Aling Rosa.

“Ano ‘yon, Inang?”

“Kinukumbida ka ni Osmundo . . . may benepisyo sa kapitolyo. Dadaan daw dito ngayon. . .” Walang kagatul-gatol ang pagsasalita ni Aling Rosa.

“Ang dami kong trabaho ngayon, e . . .” matatag na tugon ni Amelita. Nguni’t napatungo.

“Aba,” biglang tumigas ang tinig ni Aling Rosa, “nakasagot na ‘ko. Mag-ayus-ayos ka na!”

“Pero, Inang . . .” Nangapos ang paghinga ni Amelita.

“Amelita!” Mariin ang pagkakabigkas ni Aling Rosa sa pangalan ng anak. “Bukod-tangi ka sa lahat ng anak ko, ha? Walang-hiya ka! Ikaw pa’ng bunso. . . ikaw pa’ng natutong sumuway sa lahat ng gusto ko!”

Tungung-tungo si Amelita.

“Hindi ba’t sa simula pa lang, ayoko niyang kinuha mong karera?? Ayoko, dahil magiging alangan ka nga sa mg kapatid mo! Hindi ka nahihiya n’yan? Ang Kuya Norberto mo’y inhinyero, ang hipag mo’y propesora. Ang Dikong Jose mo, abogado . . . kaya’t ang napangasawa, abogada. Ang Ate Lourdes mo, palibhasa’y parmasiyutika . . . madaling nakapag-asawa ng doktor. Ang Ditseng Felisa mo, doktora . . . nakapag-asawa ng doktor din! May kaniya-kaniya nang bahay, may kotse . . . e, ikaw?” at sinabayan ng surot sa mukha ni Amelita.

Hinawakan ni Mang Ambo sa braso si Aling Rosa at tinangkang hadlangan siya sa naiisip pa niyang isagawa. Nguni’t mabilis niyang pinalis ang kamay ng asawa.

“Baya’n mo nga ako!” at pagalit na hinarap si Mang Ambo. “Bakit, ito ba’ng ginagawa ko e para sa sarili ko lang? Hindi ba para sa kaniya? Ayan . . . hindi ako sinunod ng anak mong ‘yan, kaya’t siya lang ang hirap na hirap sa trabaho! Siya ang halos walang kinikita dahil abunadong lagi sa klase. Trabahong-alipin ang ginagawa!”

Nagtaas ang mukha si Amelita. “Nasisiyahan naman ako sa pagtuturo, Inang!” Mahina, nguni’t matatag ang tinig.

“Sasabihin mo nga bang nasisiyahan? Talagang hindi ka makapagreklamo dahil ikaw ang pumili ng karerang ‘yan. Pero may paraan naman para makalayo ka sa ganyang buhay. . .” Isang makahulugang tingin ang ipinukol ni Aling Rosa kay Mang Ambo. “Kung mapapangasawa mo si Osmundo.”

Napaungol si Amelita.

Tinapunan ito ng tingin ni Aling Rosa. Namumutla ang mga labi nito. Hindi mailihim ang pagkabigla.

“Bakit . . . hindi ba totoo ang sinasabi ko?” patuloy ni Aling Rosa. “Sa laki ba naman ng kayamanan ni Osmundo . . . sa lawak ng mga lupain at sakahan, kakailanganin mo pa ang magturo?”

Napansin ni Aling Rosa ang pagtigas ng kalamnan sa mukha ni Amelita. Nangilid ang luha sa mga mata nito.

“Matagal nang nakikiusap sa ‘kin si Osmundo,” patuloy ni Aling Rosa, “at palagay ko naman, napapanahon na para sumagot ka!” Nag-uutos ang tinig niya.

“Pero, Inang . . .” Nangangatal ang tinig ni Amelita nang magsalita, “hindi ko maaating sundin ang . . .”

“Alin ang hindi maaari?” agaw ni Aling Rosa. “Lahat ng gusto ko’y nasuway mo na, Amelita. . . pero ang isang ito’y hindi mo maaaring baliin!”

“Inang,” higit nang matatag ang tinig ni Amelita, “kailangang malaman ni Osmundo na ngayon na. . . na hindi maaari. . .”

Nagdilim ang mukha ni Aling Rosa. “Bakit hindi maaari? Bakit?” at niyugyog niya ang dalawang balikat si Amelita hanggang mabitiwan nito ang hawak na fountain pen.

Maging si Mang Ambo ay hindi nagkaroon ng lakas ng loob na damputin ang nabitiwan ni Amelita.

2 comments:

Anonymous said...

ano po ung mga talasalitaan sa kwento ng titser ?

Anonymous said...

pamagat ng akda:________________________-
awtor:______________________
Teoryang:______________________________
I.tauhan/mga tauhan may pagkakakilanlan
____________________-
II.suliranin ng kwento
_______________________
III.Uri ng tunggalian
________________________________
IV.Genre ng panitikan
__________________________________________
V.buod.lagum
________________________________________
VI.Aral
_____________________________________
VII.mensahe
______________________________________________
VIII.PAgsusuri ayon sa teorya
___________________________________________________

paki sagot lang po sent lang sa fb antoy_atis@yahoo.com please

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved