Tuesday, November 23, 2010

Ang Tundo Man Ay May Langit Din



(Kabanata VIII)

Ni Andrew Cristobal Cruz

Hindi maputul-putol ang tawang marahan ni Victor. Hindi makatingin si Alma. Ibig na ibig niyang humungi ng paumanhin. Waring nadarama niya sa pagtatawa ni Victor ang inililihim nitong pagdaramdam. Pabiro man, nabigla siya sa sinabi niyang hindi ang klase ni Victor ang ipagseselos niya.

Tumingin si Victor sa orasang malaki sa lobby.

“Magta-time na,” wika ni Victor at saka lumakad papalayo patungo sa pasilyong palabas.

Nagngingitngit sa sariling sumunod si Alma. Ngayon lamang sila muling nagkabati ay si Victor naman ang nagdaramdam. Muntik na siyang tumakbo upang habulin si Victor. Ayaw naman niyang maging kapuna-puna siya. Lumakad na lamang siya nang mabilis at nilakihan ang kaniyang mga hakbang. Si Victor ay nakalabas na sa pasilyo at patungo na sa gusali ng Education.

“Totoo kaya ang sinabi niyang nagseselos ako?” naitanong ni Alma sa sarili. Hindi niya matiyak kung iyon ang dahilan at siya’y nagalit nang magsinungaling sa kaniya si Victor tungkol sa pagkakahuli nito nang dahil sa pakikipagkita nito sa dating katipan noong Sabado.

“Ba’t pa ‘ko nakasama-sama sa bowling,” may paninising wika ni Alma sa sarili. “Sana’y hindi ko na nabalitaan na si Victor ay may kasamang babae noong Sabado ng hapon.”

Sinundo siya ng kaniyang pinsang si Minnie noong Sabado pagkatapos ng klase. Iyon daw ang sinasabi niyang taga-Tundo ay nakita ni Minnie na naunang lumabas at nagmamadaling pumanaog sa hagdang malaki ng kilalang palamigan sa Quiapo.

“Ipakukumbida ko sana sa ‘yo,” sabi pa ni Minnie. “Ibig kong subukan, mapatunayan ang sinasabi mong hindi siya katulad ng ibang binata. Isasama natin sa bowling sa Quiapo. Naroroon na sina Johnny, Nick at Monching.”

Dumating sila sa Quiapo, sa palamigang may kasamang bowling alley. Si Nick na kapatid ni Minnie at minsang naipakilala na ni Alma kay Victor ang nakapagbalita. Hindi makapaniwala si Alma. Gayunma’y hindi siya nagpahalata. Panay sa kanal ang takbo ng kaniyang mga bola nang naibalita na ni Nick ang tungkol sa nakita niyang kasama ni Victor sa palamigan.

“Beautiful na beautiful,” sabi pa ni Nick, “alam mo na. Pati si Monching, muntik nang magbago ang paniwalang ikaw, Alma, ang pinakamaganda.”

Matagal nang may gusto si Monching kay Alma.

Hindi inabutan ni Alma si Victor. Hustung-hustong labasan na ng isang klase nang makarating siya sa gusali ng Education. Pumasok sa kanilang classroom si Victor. Magkatabi sila ng upuan sa may likuran.

Hindi nakatiis si Alma nang nagkaklase na sila. Pumilas siya ng isang dahon sa kaniyang kuwaderno at sinulatan iyon, pagkatapos ay tiniklop at iniabot ang kaniyang sulat kay Victor na nasa kanan niya.

Binuklat ni Victor ang kinuha niyang nakatiklop na papel. Malaking-malaking SORRY ang nakasulat doon.

Huling-huli ni Victor ang panakaw na tingin sa kaniya ni Alma. Hindi pinansin ni Victor ang sulat ni Alma. Sinulyapan niya ang nakatitik sa sulat subali’t walang mababasa si Alma sa kaniyang mukha.

Mayroon silang vacant period na tatlumpung minuto pagkatapos ng klase nila. Alas siyete na ulit ang pasok nila. Nang matapos ang klase, binigyan ni Alma ng daan si Victor. Daraan si Victor kay Alma upang makalabas. Nanatiling nakaupo si Alma at kunwari’y sinamsam ang kaniyang mga libro’t kuwaderno.

“Nabigla ako,” wika ni Alma, “sori”.

“Ang klase ko bang ito’y pinagkakausap mo pa?” kunwari’y nagdaramdam pa ring tugon ni Victor. Hindi pa rin nakahahalata si Alma sa pag-aartista ni Victor.

“A, ikaw ang bahala,” wala nang magawang sabi ni Alma, “sinabi ko nang nabigla ako, sori…”

Kinipikip ni Alma ang kaniyang mga libro’t kuwaderno, tumayo at lumabas sa kuwarto. Silang dalawa ni Victor ang huling lumabas. Umuna ng bahagya si Victor at saka nagsalitang may arte pang animo’y isang baklang malambot ang baywang at mga kamay, at nagboses babae siya.

“Masakit po ang inyong biro. Alam po naman ninyong hindi ako basta-basta.” Natawa rin si Victor sa kaniyang pagpapatawang iyon.

“Tigilan mo nga ‘yan”, saway ni Alma. “Baka mahipan ka ng hangin Maraming nakakakita sa ‘yo!”

Nakaramdam ng pagkapahiya si Victor nang mapansin niyang nakatinging nagtataka sa kaniya ang ilang mga kaiskuwela.

“Tena sa canteen,” anyaya ni Alma nang lumabas na sila sa gusali ng Education. “Ibo-blowout kita.”

“’Yan na naman!” wika ni Victor na itinaas ang boses.

“O, bakit?” pagtataka ni Alma.

“Ano, ano ‘ko? Bata?” paliwanag na nagtatawa ni Victor. “Pagkatapos mong saktan, sabihing ang klase kong ito’y hindi mo ipagseselos, palalamunin mo ko’t tapos na ang lahat ng pagdaramdam.”

“Naku,” parang nabubuwisit na sagot ni Alma, “lahat na lamang ay binibigyan mo ng kahulugan.”

“Aba’y sino ba sa ‘tin ang nagbibigay ng kahulugan sa walan, aber?”

“Ikaw.”

“Di ba imbestiga mo sa ‘kin sa lobby kanina, di ba sabi mo, kaya pumutok ang kilay ko’y dahil nag-away kami ni Flor.”

“Flor pala ang pangalan,” wika ni Alma.

Nagtabi sila sa upuang marmol sa ilalim ng mataas, malaki’t malaking puno ng akasya sa isang sulok ng malawak na bakuran ng pamantasan. Dumudilim na. Nakasindi na ang mga ilaw sa mga kuwartong aralan.

“Bakit ka nagsinungaling pa?” tanong ni Alma. “At bakit mo naman ako pagsisinungalingan?”

Nagkibit-balikat si Victor. Hindi rin niya malaman kung bakit nga niya pinagsinungalingan pa si Alma. Ipinaliwanag ni Alma kung paano niya nalamang kasama niya, ni Victor, si Flor noong Sabado kaya hindi nakarating agad. Ginamit pa ni Alma ang salitang ginamit ni Nick tungkol kay Flor. Beautiful na beautiful. Magandang-maganda raw si Flor.

“Kung ganoon,” nasabi ni Victor, “dalawang bagay ang dapat ipaliwanag sa ‘yo. Si Flor at ito.” Itinuro ni Victor ang kaniyang putok na kilay.

“Aba, kung ayaw mo, huwag!” sansala ni Alma at saka nagbibirong nagsalita. “Hindi kita pinipilit. Sino naman akong dapat mong pagpaliwanagan?”

“Mabuti na ang malinaw kaysa malabo,” sagot ni Victor. “Ano’ng malay ko, baka balang araw isurot ma sa akin at sukat ang tungkol kay Flor o kaya’y … patulan mo ‘ko, saka-sakali…”

“O, ikaw naman,” tudyo ni Victor. “Ang totoo’y sabik na sabik ka na. Kunwari pa ‘to…”

“Victor!” parang nangangaral na wika ni Alma. “Ayoko ng ganyan. Ginugulo lagi ang usapan.”

Hindi na nagbiro si Victor.

Naging magaan para kay Victor ang magtapat kay Alma tungkol kay Flor. Kailan man yata, kapag si Flor na ang kaniyang maaalaala, ang unang pumapasok sa ulo niya’y ang magaganda nilang pangarap. Kinitil ang mga pangrap na iyon ng isang pagtatalusirang naglangkap ng isang makamandag na kasiphayuan.

“Kapag naunawaan mo na pala ang isang bagay,” wika ni Victor, “kapag nawatasan mo na kung bakit ganoo’t ganito ang isang nilalang, babaguhin mo ang dati mong akala. Pati na’ng iyong sarili’y para mo na ring natuklasan.”

“Ibig mong sabihin,” usisa ni Alma, “hindi ka nagdamdam sa ginawa niya?”

“Nagdamdam? Aba, oo!” sagot ni Victor. “Sa simula, di kasi naman, ang sama-sama ng loob ko. Nguni’t iyon ay dahil sa hindi ko pa nauunawaan kung bakit siya nagkagayon. Kung bakit niya tinalikuran, wika nga, ang aming mga kuwan.” At tumawa si Victor.

“Sa kabila ng…?” hindi maituloy ni Alma ang kaniyang sasabihin.

Alam ni Victor ang ibig sabihin ni Alma. Wala siyang inilihim tungkol sa kanilang dalawa ni Flor. Gayunma’y pinili niyang mabuti ang kaniyang ginamit na salita: pagnanasang maging iisa, makilala ang kani-kanilang sarili, matagpuan ang sarili sa isa’t isa… malayang pag-uulayaw… ganoon ang mga pariralang ginamit ni Victor.

“Kung may nangyari, ewan ko,” wika ni Victor na natawa pa. “Balita ko, kapag Tatay na ang isang tao, hanapbuhay na lamang ang inaasikaso. Lalo na sa Tundo.”

“Ano ngayon ang gagawin mo?” tanong ni Alma.

“Tulungan siya,” walang gatol na tugon ni Victor.

“Kahit na, kahit ka niya. . .?”

Tumango si Victor, at saka nagsalita. “Nauunawaan ko na siya. Tapos na. Siya’y taga-Tundo. Ibig niyang makalayo sa estero; nakita niya ang paraan, tao lamang siyang mayroong mga kahinaan. Ano ngayon ang kaibahan ko sa kaniya, maliban sa paniniwala kong kaya lamang magiging matagumpay ang aking paglayo sa aming kapaligiran ay kung mailalayo ko rin ang ibang katulad ko, at hindi ang sarili ko lamang. Ewan ko, pero nagtitiwala akong ang Tundo man ay may langit din. Iyon ang aking hahanapin. Hindi lamang para sa aking sarili.”

“At kung mabibigo ka?” tanong ni Alma.

“May diperensiya ako kung ganoon,” sagot ni Victor. “Kailangang malaman ko kung ano, tapos ay kayod na naman, mag-upisa na naman.”

“At kung mabigo ka na naman?” ulit ni Alma.

“Teka nga muna,” baling ni Victor kay Alma at tiningnan niya itong mabuti bago magpatuloy sa pagsasalita, “palagay mo kaya’y mabibigo? Tapatin mo ako, sabihin mo sa ‘kin kung bakit. Palagay mo kaya’y mabibigo ako?”

Umiling-iling si Alma.

“Hanga ka sa akin, ano?” nagbibirong isip mo’y nagmamagaling na sabi ni Victor.

“Yabang lang,” wika ni Almang napatawa’t wala sa loob ay umambang papaluin si Victor.

Umilag kunwari si Victor at inilayo ang ulo. “Baka mo tamaan ang aking sugat,” wika niya

“Masakit pa ba?” tanong ni Alma. “Ano ba talaga ng nangyari?”

“Hindi ko na napigilan si Lukas,” sagot ni Victor. “Aba’y sumagupa ba namang nag-iisa. Ano’ng magagawa ko kundi sumabak na rin. Biruin mo, apat.”

“Di bale, sanay ka naman sa kuwan, sa bakbakan,” wika ni Almang noon lamang narinig ni Victor na gumamit ng salitang lansangan, bakbakan.

Natawa si Victor sa pagkakagamit ng salitang iyon ni Alma. Iba ang tunog niyon sa pagkakasalita ni Alma. Para siyang dayuhang gumamit ng salitang hindi kaniya.

“Nahahawa ka na yata sa ‘kin,” wika ni Victor. “Talagang hanga ka sa ‘kin, ayaw mo lang aminin.”

“Tumigil ka nga r’yan,” wika ni Alma. Mabuti na lamang, naisip niya, dumudilim na, kung hindi’y baka napansin na ni Victor ang pamumula ng kaniyang mukha. Tiningnan niya sa liwanag ang ilaw sa mataas na posteng bakal sa may likod nila kung anong oras na sa relong panggalang niya. “Malapit na ang time,” paalala niya.

“Inilalayo mo na naman ang usapan,” wika ni Victor kay Alma. “Sabihin mo na, hanga ka sa akin.”

“Hindi!” pakling iiling-iling ni Alma.

At saka kanina, o,” paalaala ni Victor.

“O, ano naman ‘yon?” wika ni Almang inaayos ang kikipkiping mga dala.

“Nagseselos ka kay Flor,” biro ni Victor, “di ba?”

Sumimangot si Alma. Halatang-halata ni Victor na pinipigil ni Alma ang pagtawa.

“Sumusobra ka na, Victor,” parang galit na wika ni Alma. Pero hindi rin niya napigilan ang kaniyang pagtwa.

Nahawa si Victor sa tawa ni Alma. Lumakad silang patungo sa gusali ng Liberal Arts. Ang susunod nilang klase ay Philippine history, ang kanilang major subject. Iyon ang pinagdadalubhasaan nila ni Alma, ang kasaysayan ng Pilipinas. Iyon, balang araw, ay kanilang ituturo sa haiskul.

“Nakapag-aral ka ba ng El Fili?” tanong ni Alma. Ipinababasa iyon ng kanilang propesor bilang tulong sa pag-aaral tungkol sa panahon bago dumating ang himagsikan sa Pilipinas laban sa mga Kastila.

“Kahit makirot ang kilay ko, nagbasa ako kahapon,” sabi ni Victor. “Ikaw ba, hindi? Ilang araw sa ‘yo ang libro, di ka nagbasa, o nakalimutan mo na?”

“May notes ako,” sabi ni Alma, “pero hindi ko nai-review kahapon.”

“Nanood ka siguro ng sine,” sabi ni Victor, “ o may party kang pinuntahan.”

Umiling si Alma.

“A, alam ko na!” natatawang wika ni Victor na nanghuhula’t nagbibiro. Alam ko na kung bakit di ka nakapag-aral.”

Tumingin si Alma kay Victor. “Bakit?”

“Iniisip mo kasi kung sino ang sinabi ni Nick na kasama ko noong Sabado. Nagseselos ka!” tudyo uli ni Victor.

“Sige na nga, nagseselos kung nagseselos!” kunwari’y nayamot nguni’t tumatawang sagot ni Alma. “Hanga naman ako sa ‘yo, oo!”

“Hayan, ha, inamin mo na,” paalaala ni Victor.

“Inamin ang ano?”

“Na hanga ka sa akin!” nagtatawang sagot ni Victor.

Biglang huminto si Alma sa paglakad. “Victor!” wika niyang humarap kay Victor at saka pumadyak. Nanlilisik ang mga mata ni Alma.

16 comments:

Anonymous said...

bkit gnyan un title ?

Anonymous said...

hi puh,gndang gbi,,

my tanong puh ako..

anuh puh ba ang moral lesson n2?

_jm
princessjm_08@yahoo.com

Anonymous said...

bacquet putol? alam nio bang nabitin aqoe sa qwentouh................
_alghie28

Anonymous said...

salamat:) sobrang nakatulong toh!!:)

Anonymous said...

..pede pong magtanong??wala po ba ung mga tanong at sagot na nsa batikan?? :))

Anonymous said...

tunay poh bang nagtamouhan sina victor at alma?anu poh ang mga damdaming nadarama ng bawat isa?

may mga dahilan poh ba ang paglayo ni victor kay flor?

paki sagot nmn poh..URGENT LNG....^_^

Anonymous said...

nasan ang summary ng kwentong to ? paki sagot namn pu ngayun din please !! salamat urgent lang po ^^

Ara Martirez on December 20, 2011 at 7:19 PM said...

TNUNG Q LNG POH...MERON POH BA KAUNG KOMIK STRIP NYAN??

Ara Martirez on December 20, 2011 at 7:20 PM said...

TNUNG Q LNG POH...MERON POH BA KAUNG KOMIK STRIP NYAN??

Anonymous said...

ang ganda po ahaha tn :>.

marcelino paglinawan said...

bkt po putol?? nasan po yung continuation?

Anonymous said...

Sana may buod!!

Anonymous said...

pamagat ng akda:________________________-
awtor:______________________
Teoryang:______________________________
I.tauhan/mga tauhan may pagkakakilanlan
____________________-
II.suliranin ng kwento
_______________________
III.Uri ng tunggalian
________________________________
IV.Genre ng panitikan
__________________________________________
V.buod.lagum
________________________________________
VI.Aral
_____________________________________
VII.mensahe
______________________________________________
VIII.PAgsusuri ayon sa teorya
___________________________________________________

paki sagot lang po sent lang sa fb antoy_atis@yahoo.com please

Anonymous said...

salamat po ng marami!
nakatulong po talaga ito ng malaki sa aking pag-aaral :D

Anonymous said...

ahmm ... may request lng po ko pede po ba magbigay po kau ng mas maikli pa pong dayalogo . thank you po ..

Anonymous said...

basahin nyo kasi. wag mag paka tamad. pasalamat kayo may ganito pang site

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved