(Kabanata XXII)
Ni Roman Reyes
22. Ang Kamaynilaan Noon
Nakaraan pa ang ilang araw at nasakop ng mga Yankee ang pulong Luzon ng Pilipinas; nagsi-urong sa lalong malayo ang mga kawal Pilipino, at ayaw pa ring sumuko sa kanila.
Ngunit ang mga taong-baya’y napilitang magsipagbalik sa kani-kaniyang tahanang sarili; napilitang napasukob sa watawat ng mga Amerikano, sampung mga pinuno at kinatawan ng Republikang nagitaw na sumandali, at bago ang lahat, ang kanilang sinabi, ang mga anak muna at sariling buhay, kung wala nang pag-iiwasan.
Ang ganyang mga muni-muni at pag-asang may iba pang panahon ang nakaakit sa kanilang pagbabalik at pagsalilong sa nasabing watawat.
Subali’t marami sa taong-bayan ang wala nang dinatnang pamamahay sapagka’t naging abo na nga; marami ng ulila sapagka’t namatay ang asawa o anak na bugtong sa kanilang pagtakbo, at mayroon din namang hindi na nagkitang magsing-irog, na nagkahiwalay sa pasimula pa lamang ng kanilang paglakad.
Datapwa’t higit sa kanila si Loleng, lalong mapait na paghihinagpis ang linasap nito; ito ang lalong kaawa-awa kung may bahay mang dinatnan, sapagka’t wala pa rin si Enrique na dapat niyang makatulong sa paghanap ng kanilang anak.
Naipagtanong na rin, kung sa bagay, sa mga kapitbahay niyang nangaroon na sa kanila kung hindi namataan si Nene, at gayon din si Enrique, sa mga bayan nilang inabot; nguni’t walang naisagot na sukat niyang ikagalak; sapagka’t sila ma’y hindi nagkaroon ng kahit balita.
“Saan kaya napasunod ang batang iyon?”
“Pagkawalang-loob na ama ni Enrique,” ang nasabi na lamang ng balana.
Pagkalungkut-lungkot ni Loleng nang pumanhik sa kaniyang bahay!
Bakit ang hagdan niyang itinaas nang bago siya umalis ay nakababa, nakabukas ang pinto, at nawala ang marami niyang kasangkapan, samakatuwid, magnanakaw ang nangahas na pumahik.
“Ay! Ang mga taong iyo, hindi na nahabag sa akin,” ang kaniya na lamang nasabi, at pagdaka’y naupo sa isa nilang papag, pagkabukas niya ng isang dungawang hindi man natinag sa pagkalapat; nagbuntung-hininga uli, sinapol ang isa niyang palad ang kaniya ring baba, at ang naalaala ri’y ang nawawagli niyang anak.
Ang mga taga-Pulong-gubat noon, gaya sa mga nayon nilang kalapit, ay pawang naguguluhan pa rin sa pag-aayos at pagliligpit ng nagkasabug-sabog nilang pagkabuhay, at nagsisigayak ang iba upang maghanap sa ibang bayan.
Nguni’t ano ang iniisip ni Loleng sa kaniyang pagkapangalumbaba? Ang maging musmos na pagkukuro, at pabayang pumansin sa damdaming tao’y dapat ding makasukat sa dinaramdam ng babaeng iyon, na ang iniisip niya’y kung saan siya magpapatuloy, at kung ano ang kaniyang magiging kabuhayan kung hindi na sila magkita ng nawawala niyang bunso.
At lalo pa kung gugunitain ng nakatatanaw sa kaniya, na ang bahay niyang iyon nang siya’y binibini, at noong nabubuhay pa ang kaniyang ama, ay isa na sa pinakamarikit sa nayon ng Pulong-gubat, isa na sa nakadidiwasa, at naging hantungan na matatamis na pagsuyo ng kabinataang masisigla sa pag-ibig, at saka ngayo’y naging bahay ng ulila sa hindi malamang kung saan naroon ang kabiyak ng dibdib at bugtong nilang si Nene; naging salat na salat sa palamuti at pagsinta, at walang naiwan kundi pawang bakas ng mababangis na lungkot; sinong pusong nalalabi sa nasabing bahay ang hindi malulunod halos sa kaniyang mga dinaramdam?
“Mataas na langit!” ang kaniya pang naipatuloy nang makalipas ng ilang sandali. “Isang buwan nang mahigit na nawawalay sa akin ang anak ko, saan ko kaya makikita? Ay! Ng buhay ko, na napakaaba sa lahat ng babae! Sa lahat ng nagkaasawa sa balat ng lupa!”
At pagkasandali pa’y pumasok na tila nahihintakutan sa kaniyang silid; pasubok na anaki may tao roong nagtatago sa kaniya, kumakaba ang dibdib, at lalo pang napahimutok nang makitang nakabukas din ang kaniyang baul, at wala na ang damit niyang mahuhusay.
“Naku, at pati pala mga damit ko’y ninakaw ng mga walang-hiya!” ang pamuling nabigkas at sukat ang napadaop-kamay.
Dapwa’t hindi siya nagtagal sa ganitong anyo, muling nagbuntung-hininga, pinili ang natirang mabuti-buti, binalot ng madali, nanaog pagkapinid ng pinto, at lumakad na namang mistulang hibang, na animo’y narinig ang tinig ng kaniyang anak sa dakong malayo, at siya ang tinatawag.
“Inang! Saan ka naroon, hindi ko tamaan ang umuwi, hindi mo na ba ako hinanap?” ang waring umalingawngaw sa kaniyang tainga.
“At saan ka paroroon?” anang mga pinagtagubilinan ng kaniyang bahay.
“Hahanapin ko ang anak ko, kahit saan ako makarating,” ang malungkot niyang sagot.
Salamat sa dating magagandang loob ni Aling Buro at ni Tomas, at siya’y pinabaunan ng manalapi, nang siya’y magpaalam.
At kung saan nga siya nagpatuloy? Bayaan muna siyang maghanap; sumagila tayo sa istasyon ng perokaril ng bayan ng B. at matyagin natin ang nagyayari sa kaniya.
Ang perokaril, na nagyayao’t parito sa Maynila’t Dagupan, na napasakamay rin ng mga Amerikano, mulang pasimulan ang digmaang hindi pa natatapos, at kanilang ginamit sa paghahatid-dumapit ng kanilang mga komboy, ay ipinag-aantay nila ng mga araw na iyon sa bayang nasabi, at naghahatid nang walang bayad sa balang ibig lumuwas, kung napasasakop sa kanilang watawat.
At matyagin pa natin ang naging pag-uusap ng tenyente ng kawal-Amerikano, sa nasabing Estacion, kung sa wikang Tagalog, at ng isang lalaking kasamahan, nang maraming nagsiharap sa kaniya, babae’t lalaki, matanda’t bata, at ibig na ngang magsiluwas.
“Mabuti ang naisipan ninyo,” anang nasabing pinuno. “Mabuti at humiwalay na kayo sa mg kababayan ninyong naghihimagsik; ang pasukob sa aming watawat ay maliligtas sa pagkabusabos; ang pamahalaan nami’y hindi mapang-aliping gaya ng mga Kastila; kami’y naparito upang iligtas ang mga bayang walang kalayaan, naintindihan ba ninyo?”
Isang ngiting magalang ang itinugon ng lalaking iyon, tandang napasasalamat sa gayon niyang narinig at mabuting pagkatanggap sa kanila.
“Nguni’t,” ang patuloy ng tenyente, “kayo pala’y tagarito, alinsunod sa inyo rin, ano’t luluwas pa kayo ng Maynila? Ayaw na ba ninyong magtira dito sa bayan ninyong sarili?”
“Ibig po namin; unang-una po ako,” ang sagot kausap, “at dinaramdam ko po nang buong puso, ang ganito naming pag-alis; nguni’t hindi pa kami makatigil sapagka’t pinipilit kami ng aming mga kailangan.”
“Anong mga kailangan ninyo?”
“Ang pagsunog po ng mga pamamahay namin at pati pa ng kaunti naming mga pag-aari.”
“Dito ma’y makapaghahanapbuhay kayo, at wala kayong sukat ikatakot!”
“Kung sa bagay po; nguni’t inaakala kong hindi makasasapat sa karamihan ng mga anak naming maliliit ang aming kinikita sapagka’t nalalaman din naming ang lahat, mayama’t mahirap, dito’y nagdanas ng pagkasunog.”
“Husto rin, kung sa bagay, ang iyong sinabi.”
“At dahil po roo’y mangingibang-bayan na muna kami, samantalang magulo ang lagay ng digmaan.”
“Kung gayo’y kayo ang masusunod. . .”
At siyang pagdating noon ng treng nanggaling sa gawing Dagupan, sila’y pinalulang madali, at nagpatuloy na nga sa kanilang pagluwas.
Pagkaaba ng pinaglulanan sa kanila!
Hindi ang kotseng talagang sinasakyan ng mga tao, kundi ang wagol na panghakot ng buhangin at mga kasangkapang ginagamit sa pag-aayos ng mga daang perokaril.
At animo’y kung ano silang tinutugpa sa laot ng dagat; gayon ma’y inari na nilang mabuti, at makararating sila agad sa Maynila.
Pagdaka’y pumatag ng upong tingkayad sa isang piling ang lalaking iyon, at kung ano’t ang napag-usapan nila ng tenyente ang napagmunimuni, habang tumatakbo ang kanilang kinalululanan.
Na, kung ano ang hagibis ng wagol at ang hanging halos makalula sa kanila, ay siya namang pag-uunahan sa kaniyang isip ng marami niyang nagugunita.
“Ang pagsukob daw sa kanilang watawat ay maliligtas sa pagkabusabos,” ang una niyang naibulong sa sarili, “at kaya raw sila naparito’y nang iligtas lamang nila sa pagkaalipin ang mga bayang walang kalayaan; samakatuwid, mabuti nga naman; nguni’t bakit nila kami nilusob, sa sila pala’y mabubuti? Kung wala silang lihim na iniimbot, aling sanhi ang nag-udyok sa kanila sa gayon, at hindi man nila pinakundanganan ang itinayo naming kasarinlan sa Malolos, sa kung sila rin ang magliligtas sa aming pagkaalipin?”
Tinutop ng isa niyang kamay ang kaniyang noo, at waring hindi niya maabot isipin ang gayong mga nangyayari. Nakalalampas sila ng iba’t ibang bayan nang wala siyang malay; at nakarating sila sa Maynila.
Malapit nang dumilim nang pumasok ng Murallon ang kanilang tren, at dito sila nagsilunsad.
At pagkuwa’y nagkahiwa-hiwala silang nagkasabay-sabay sa pagluwas na iyon; kung saan-saan sila nakituloy at nakitulog nang gumabi, at kinabukasa’y saka sila nagsihanap ng kani-kanilang matitirhan nang patuluyan.
Oh! Ang Maynila nang mga araw na nasabi.
Walang sulok ng kaniyang mga arabal na di pinasikpan ng kung taga-tagasaang mga tao; walang malalaking bahay at maliliit, na di may umupa, at pawa namang nag-apat na ibayo halos ang pagkamahal ng bayad.
Ang dating aapati’t lilimang piso’y naging lalabin-limahin at dalawampung walang tawad; ang lalabindalawahi’y naging mahigit pang tatlumpu, at ang mga ganito’y daang piso naman ang iuupa ng ibig tumahan.
“Kay papalad pala ng mga may paupahang bahay kung ganitong naghihimagsik ang bayan nilang sarili, sa pag-usig ng ikalalaya,” ang laging naipapakli tuloy na kahit sino sa bala niyang makausap.
“At tayong mahihirap ang napipiyapis at nabibigti halos ng kanilang pagkakapalad,” anang iba namang kanilang mapagsabihan.
“Mga walang-awa!”
At hindi lamang ang lahat ng iyan ang lalong ipinagdamdam ng kanilang loob; hindi lamang ang pagtitiis sa kamahalan ng lahat nilang binibili, at hindi rin ang kasungitan pa ng maraming may-ari ng tinitirhan nilang bahay, na pagdaka’y susi nito ang hinihingi, pagdating ng araw ng pagsingil, at di sila makabayad; kundi ang bagong kautusan noon, na pagtugtog ng ikaanim sa hapo’y wala nang makalalakad sa lansangan; wala nang makalalampas ng pinto, kahit ano ang kailangan sa labas.
“Ito ang lalong napakahigpit! Ito ang imilag tayo sa baga, at sa ningas tayo sumugba! Naghimagsik tayo’t nang tayo’y makalaya, at lalong pagkapiit ang ating inabot!” ang naging daingan naman saan man makimatyag nang mga araw na iyon.
Nguni’t hindi nagtagal ang gayong utos; nabago ring madali nang makalipas ang ilang buwan; maging magdamagan mang lumakad ang kahit sino’y hindi na pinansin ng mga pinuno; pinalaya ang lahat sa kanilang mga kilos; nakahinga silang mabuti sa gayong pagkainis, at sampung mga pahayaga’y nakapagsiwalat ng makabayang damdamin at ng linalayong ikabubuti ng mga mamamayan.
18 comments:
Wla po ba kayong pangkalahatang buod nyan? kasi ang hirap mag buod ng bawat kabanata eh ang haba masyado..sakit pa sa ulo.
ang ganda nman ng kwento nto
bkit poe wla unq akdang PAG IBIG
ano po ung buod ng kab. na ito?? kaylangan ko po kasi
ang taas hindi ba pwede i summarize
wala po bang mas maikli?
buod !!!!!!!!!
buod !!!!!!!!!!!!!!
wala nua bang mas hhba jan ????? axzarrr
utang n loob enge aq ng buod!
MARAMING SALAMAT^.^
ang tamad mo nmn edY gumawa ka po ng sarili mong buod .
try mo din po kayang magsipag ?
Hindi yung lahat na lng inasa mo na dito !
yun lng po sorry kng nasaktan man kita pero mas maganda na ang magpakatotoo aq xa xarili q (:
pamagat ng akda:________________________-
awtor:______________________
Teoryang:______________________________
I.tauhan/mga tauhan may pagkakakilanlan
____________________-
II.suliranin ng kwento
_______________________
III.Uri ng tunggalian
________________________________
IV.Genre ng panitikan
__________________________________________
V.buod.lagum
________________________________________
VI.Aral
_____________________________________
VII.mensahe
______________________________________________
VIII.PAgsusuri ayon sa teorya
___________________________________________________
paki sagot lang po sent lang sa fb antoy_atis@yahoo.com please
taas nun ah... pero nice!! ^_^
anu ano pa pong nobela meron kau? pwde po bng mlaman?
i paraphrase mo oi! tamad
wow ha! .. wagas kung maka request.. ! hindi ka naman tamad nuh?!
Hahaha magkabaliktad kmi,aq hinahanap ko po buong kwento sana po may umpisa akong makita ng aklat na yan. Salamat po sa pag upload ng kwentong ito.
Hindi po aq mkakita ng iba pang kwento about sa book na to. Halos isang linggo na ko sulat ng sulat pero itong upload mo lng po ang nkita kong matino. Bagamat buod din lng po pero mahaba na po yong nakopya ko. Ang swerte po nong ang kailangan ay buod lng.
Post a Comment