Editoryal
Nakalulungkot na sa paglipas ng panahon, matapos na masaibatas ang Clean Air Act ay muntik pang hindi maisakatuparan ang batas na ito dahil sa pagtutol ng mga maimpluwensiyang negosyante, pulitiko at tatlong higanteng kumpanya ng langis.
Kung tutuusin ilang taon din ang inabot bago nagging batas ang Clean Air Act. Salamat sa pagsisikap ni Bukidnon Rep. Nerus Acosta, ang Principal Author ng Republic Act 8749 kaya naisabatas ito. Kaya lang, makaraang maisabatas ito, hindi ito nabigyang pansin. Inagaw ng pulitika ang pagpapatupad nito. Ang Department of Environment and Natural Resources ang dapat sanang manguna sa pagbibigay ng suporta sa establisimento at ospital na walang takot na gumagamit ng incinerator, kahit na mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Wala ring ginawa ang Dept. of Transportation & Comunication (DOTC) at ang Land Transportation Office (LTO) Patuloy ang pagrerehistro ng mga bulok na sasakyan na pangunahing nagdudulot ng nakamamatay na usok. . Dapat sanay pinararaan sa emission test ang bawat sasakyang nagpaparehistro. Lalong dumarami ang mga tricycle na may dalawang strokes engines. Patuloy ang pagdagsa ng mga segunda manong sasakyan mula sa Japan, Korea at China. Ang mga sasakyang ito ang karaniwang pumapasada sa kahabaan ng EDSA at nagbubuga ng nakalalasong usok.
Ngayon, nakasalalay sa kamay ng bagong kalihim ng DENR na si Elisea G. Guzon ang kaligtasan ng bawat isang mamamayan laban sa nakalalasong hangin sa ating kapaligiran. Sinabi ni Guzon na mahigpit niyang ipatutupad ang mga probisyon na Clean Air Act at walang makapipigil sapagkat nakasalalay dito ang kalusugan ng mga Pilipino.
Sana nga’y wala ng hadlang sa pagpapatupad ng Clean Air Act. Hindi pa naman huli ang lahat. Magtulung-tulong tayo para sa ikakabuti nating mga Pilipino.
0 comments:
Post a Comment