Maraming uri ng pamahalaan ang umiiral sa Asya at ang bawat bansa na bumubuo ng mahigit na 48 na bansa sa Asya ay may sariling sistemang pulitikal. Bagamat may pagkakahawig, ang mga sistemang ito ng pamahalaan, ang bawat bansa naman ay may kalayaang patakbuhin ito nang ayon sa kanilang istilo o pamamaraan tulad ng demokratikong pamahalaan ng Pilipinas.
Ang Pilipinas ay may tatlong sangay na nagtutulung-tulong sa pagganap ng mahalaga at makabuluhang tungkulin para sa kapakanan ng mga mamamayan at ng bansa sa kasalukuyan. Napakahusay ng ideyang ito ng pagkakahati-hati ng kapangyarihan upang higit na maging maunlad ang sistema ng pamamahala. Ang mga sangay na ito ay ehekutibo (executive) tagapagbatas o lihislatibo (legislative) at tagahukom o hudikatura (Judiciary). Iba-iba ang tungkulin ng mga sangay na ito subalit pantay-pantay naman ang kapangyarihan ng mga ito, kaya malaya silang makakilos nang maayos at walang kinikilingan.
Pangulo o presidente ang tawag sa pinuno at siya ang may pinakamataas na tungkulin sa bansa. Taglay niya ang kapangyarihan ehekutibo o pinunong pangseremonya ng bansa. Naluklok siya sa pamamagitan ng isang itinakdang halalan at nagtamo ng pinakamataas na boto mula sa mga botante. Ang paghirang ng mga miyembro ng gabinete ay kabilang sa mga tungkulin ng presidente. Ang mga ito ang matapat na kaalyado na tutulong sa kanya sa pagpapatakbo ng pamahalaan.
Isa pa ring uri ng pamahalaan sa Asya ay ang Monarkiya na dati’y namayani sa bansang Turkey, Tsina Arabs at India. Nasa kamay ng hari at reyna ang kapangyarihan. Lubos ang kapangyarihan ng hari at reyna kung makokontrol niya ang buhay ng kanyang nasasakupang mamamayan at siyay mamumuno nang ayon sa kanyang kagustuhan at sa takdang panahong nais niyang mamuno, na kadalasan ay tumatagal nang habambuhay.
Iyan marahil ang larawang nais iwasan ng pamahalaan ng Pilipinas nang umusbong ang pamunuan ng isang diktador o pangkat ng mga taong makapangyarihan at tinatawag na diktadura. Ang uri ng pamahalaan ay may simulain o ideolohiyang isinusulong at ipinatutupad. Walang kalayaan ang mga mamamayan sa ganitong uri ng pamahalaan. Nasisikil ang mga karapatang kumilos. Tikom ang bibig ng mga mamamahayag at mga taong kumakalaban sa pamahalaan. Bulag at bingi ang ilang pinuno sapagkat nasa kamay ng diktador na namumuno ng lahat ng pagpapasya at ng ilang grupong makapangyarihan.
Sa kapangyarihang taglay alin ang nanaisin ninyong umiral sa bansa: Ang kapayapaan sa kamay na bakal ng isang diktador o ang masalimuot na mundo ng kalayaan sa katiwasayan ng demokratikong pamahalaan?
0 comments:
Post a Comment