ni Bb. Marilyn M. Lalunio
Naitanong mo na ba sa iyog sarili? Sino ako? Ano ako? Ano ang papel ko sa lipunang aking ginagalawan? Mayroon ba akong misyon na dapat gampanan? Ano ang maaari kong gawin?
Anuman ang mangyari, hindi magbabago ang pananaw natin na sa bawat panahon ay may pangalang kinikilala upang tanghaling bayani ng lahi. Akala mo ba sina Rizal, Bonifacio at Mabini lang ang karapat-dapat na maging bayani? Hindi. Ikaw, ako at tayong lahat ay maaaring maging bayani sa ating panahon sa iba’t ibang pagkakataon.
Kailangang tanggapin mo sa iyong puso’t isipan na ikaw ay isang bayani. Kung nais mo at gugustuhin mo. Pwede kang maging bayani. Hindi mo na kailangang makipaglaban at magbuwis ng buhay para sa bayan. Kapag nagawa mong maibahagi ang karunungang angkin mo sa ikauunlad ng iyong kapwa, ikaw ang bayani rin sa mata ng lipunan. . . sa mata ng Lumikha.
Dapat ka nang kumilos. Huwag sumuko, sa halip ay makipaglaban ka upang maabot ang tangi mong mithiin. Nakita mo siya na kailangan ng pagkalinga, ng pagmamahal, ng tulong. Di ba’t nariyan ka handang mag-alay ng kahit konting biyaya para sa kanya? Dahil kilala mo ang iyong sarili. Ikaw si Juan dela Cruz, isang Pilipino, maka-Diyos, makatao. Ibig mo’y makatulong at maging pagpapala sa mga nangangailangan. Kilala mo na ang iyong sarili. . . ikaw ay isang bayani.
0 comments:
Post a Comment