Friday, November 26, 2010

ALAALA NG ISANG BAYANI



ni Bb. Marilyn M. Lalunio

“Ang mga Pilipino ay karapat-dapat ipagpakamatay” ito ay isa sa winika ni Ninoy Aquino. Siya ay isang simbolo ng makabagong bayaning Pilipino. Isang tao na ang hanap niya’y kapayapaan at pakikipag-unawaan ngunit ang iginanti sa kanya’y karahasan. Subalit sa kanyang pagkamatay maraming magagandang alaala na sa atin siya ay iniwan.

Narito ang salin ng ilan sa kanyang mga pahayag na sana’y ikintal natin sa ating isipan.

“Ako ay bumalik nang naaayon sa aking sariling kagustuhan upang mapabilang ako doon sa mga kababayan nating nakikibaka upang maibalik na muli ang ating mga karapatan at kalayaan sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan.”

“Kung nanaisin ko’y nasa akin ang kakayahan upang magbahagi at humingi ng pangangalagang pulitikal sa bansang Amerika, ngunit nadarama kong tungkulin ng bawat Pilipinong katulad ko na magtiis at magpakasakit sa piling ng aking mga kababayan, lalung-lalo na sa panahong ito ng krisis.’

“Ako ay hindi humihiling ng pangako ng kaluwagan mula sa kasalukuyang rehimen. Bumalik ako nang kusang loob na taglay ang malinis na kaloobang pinatibay ng paniniwalang ang katarungan ay di maglalaong siyang magwawagi.”

“Sang-ayon kay Gandhi, ang kusang loob na pagpapakasakit ng isang walang kasalanan ang pinakamakapangyarihang tugon sa pinakamabagsik na kalupitang ni hindi malirip ng Diyos at ng tao.”

Ang kanyang ipinahayag na ito ay mananatiling magandang alaala na dapat nating pahalagahan. Tunay na si Ninoy ay isang bayani. Winika nga ni Cardinal Sin “Si Ninoy ay isang bilanggo; ngunit ang nawala lamang sa kanya ay ang pisikal na kalayaan. Sa punto ng iba pang uri ng kalayaan – lalung-lalo na sa kalayaang moral, siya ay tunay na malaya.”

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved