Friday, November 26, 2010

SINO ANG BAYANING PILIPINO?



(Talumpati)

ni Bb. Marilyn M. Lalunio

Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, ah! mga kilalang bayaning Pilipino. Sila nga lang ba ang maituturing nating mga bayani? Sino nga ba ang bayaning Pilipino? Di ba’t ikaw? . . . ikaw na kabataang Pilipino? May talino, may lakas at may prinsipyo. Dapat alam mo iyan, kabataan! Isa kang bayani. Paano?

Sa paaralan, maging modelo ka. Marami kang maaaring gawin. Gamitin mo ang iyong talino sa mga kapakipakinabang na bagay. Mag-aral kang mabuti; tumulong ka sa mga gawain pampaaralan at makiisa ka sa mga proyekto upang malinang ang iyong kakayahan. Maging matulungin ka kay Sir at Ma’am, di iyan pagsipsip… iyan ang isa sa kagandahang asal. Pwede kang maging huwaran.

Sa tahanan, igalang mo si tatay at si nanay. Maging masunurin at maging mabait kang anak, mahalin mo at kalingain ang iyong mga kapatid. Mayroon kang magagawa… malaki ang iyong magagawa. Walang mahirap kung gugustuhin. Kung nais mong ikarangal ka ng iyong magulang, kumilos ka at maging responsible. Ipakita mo sa kanila na maasahan ka, dahil bayani ka.

Sa iyong komunidad,naghahanap ka ng bayani? Nariyan lang siya, IKAW. . . iyon. Kabataang may pakialam. Naghahangad na maging isang mabuting haligi ng lipunan. Huwag mong isipin na bata ka at wala kang magagawa. Maaari kang maging magandang halimbawa sa nakatatanda. Ang iyong sigasig, kalakasa’t talino. . . halina’t paunlarin gamitin para sa bayan mo. Di mo kailangang pantayan ang ginawa ni Rizal at Bonifacio para tawagin kang bayani. Ang ialay mo ang iyong sarili sa paglilingkod sa kapwa sa abot ng iyong makakaya, ay isang kabayaniham. Di mo kailangang magbuwis ng buhay para sa bayan upang bayani kang turingan. Huwag mong hayaan na sirain ng lipunang iyong ginagalawan ang iyong magandang kinabukasan. Iwasan ang malulong sa masamang bisyo na magbubulid sa iyo sa kapahamakan. Tama na ang negatibong pag-iisip na hanggang dyan ka na lang. Kailangang buksan mo ang iyong mata upang makita mo ang magandang bukas na sa iyo’y naghihintay.

Kaya halina, kabataang Pilipino. Gumising ka sa pagkakatulog, huwag kang magmukmok. Ikaw ay bayaning Pilipino. Tandaan mo ito, sabi sa Timoteo 4:12 – “Huwag mong bigyang-daan na hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, pagsikapan mong maging huwaran ng mga sumasampalataya sa pananalita, ugali, pag-ibig, pananampalataya at kabanalan.

Dapat taas-noo kabataang Pilipino, bayani ka… Ikaw ang Idolo! Harapin mo ang bukas… katatagan nitong bansa’y nasa iyong mga palad.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved