Maraming pagkakataon na napatunayan na ang talim ng panulat ay isang mabisang sandata sa pakikipaglaban. Ito'y napatunayan sa mga pakikibaka at pakikihamok ng mga Pilipino sa mga dayuhang sumakop sa ating bansa. Ito rin ang nagsilbing instrumento upang magising ang damdaming makabayan ng bawat Pilipino. Nag-uudyok upang kumilis at manulat ang bawat isa. Taglay nito ang damdamin ng isang manunulat.
Dahil sa panulat naging inspirasyon ng mga Pilipino ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Ginamit niya ang kanyang talino at kakayahan sa pagsulat upang maiparating niya sa atin ang tunay na kahalagahan ng pagpapamahal sa bayan. Ito ang ginamit niya upang pasiglahin lalo ang nag-aalab na damdamin ng mga Pilipino Para sa kanilang paninindigan at pagnanasang makamit ang inaasam na kalayaan. Ang nadaramang kalungkutan at karahasan ay nagsilbing ugat upang makamit ang inaasam na pagbabago sa pamahalaan.
Natigil ang talamak na sakit sa lipunan… nasupil ang maling pamamalakad ng pamahalaan… pagsasamantla sa kamangkamangan ng mga Pilipino. Ang mga hinaing ng mga mamamayan sa pagnanais na pakinggan sila ng mga makapangyarihan ang nagbunsod sa kanilang paghihimagsik. Ito ang nagpasigla upang lumaban at maihandog ang kalayaan sa Inang Bayan. Naging bukas at tapat ang paglalahad ng katotohanan laban sa paninirang-puri ng dayuhan. Ang tanging inaasam na pagbabago ay nakamtan ng mga Pilipino. Ito'y bunga ng matalim na panulat hindi lamang ni Rizal kundi pati na rin ng iba pang mga bayani.
Napatunayan ng mga Pilipino na kaya nating sumagupa sa bagwis ng mga kamao't sandata ng mga dayuhan. Kung kaya't ang kadena ng dusa at sakit ay nalagot at lumaya ang kaluluwa sa hapis. Ang kaluwalhatian sa puso ay tuluyang nakamtan.
0 comments:
Post a Comment