Thursday, November 25, 2010

RIZALISMO: SANDIGAN NG DIWANG FILIPINO



Kay tamis ng oras sa sariling bayan

Kaibigang lahat ang abot ng araw

At sampu ng simoy sa parang ng buhay

Aliw ng paninindim pati kamatayan.

Kung dahil sa bayan, kay tamis mamatay

Doon sa kasuyo ang baot ng araw

Kamatayan pati ng simoy sa parang

Sa walang pag-ibig, sa ina, sa bayan.

Mga katagang kayhirap malimutan… mga katagang nanunuot sa aking kalamnan… mga katagang gumising sa aking pusong nahihimlay… upang sa pag-usod ng panahon ay hindi malimutan ang pangalang Rizal ng ating sambayanan at ang Rizalismo ay maging sandigan ng diwang Pilipino at may kalayaan ng Pilipinas.

Ang mahigit na tatlong daang taong paniniil at pagsasamantala ng mga may kapangyarihang dayuhan, paghamak sa mga Indiyo, suliranin sa sekyulisasyon at maling pamamalakad ng pamahalaan ay mga santo ng unti-unting pagkakabuo at paglaganap ng damdaming makabayan. Naragdagan pa ito ng mga pangyayaing tulad ng pagkakabukas ng Pilipinas sa pandaigdig na kalakalan. Pagkakabuo ng gitnang uri… pagsapit ng diwang liberalismo… pagpapadala sa kapuluan ng liberal na gobernador, Carlos Ma. De la Torre… pag-aalsa sa arsenal ng Cavite at pagkakagarote sa tatlong paring martir, Gomez, Burgos at Zamora.

Sa biglang tingin ay tahimik at takot ang bayan dahil sa ibayong higpit at pagbabanta ng mga Kastila ngunit sa katotohanan, ay dito nagsimula ang pagpapahayag ng kanilang mapanlabang damdamin. Nagkaroon ng mga bagong kilusan sa pulitika at sa panitikan dito sa Pilipinas at sa ibayong dagat. Ang dating diwang makarelihiyon ay naging makabayan at humihingi ng pagbabago sa pamamalakad ng panmahalaan at simbahan.

Lubhang mahalaga ang pangyayaring naganap sa Cavite sa kasaysayan ng ating bansa. Nakuha ng mga paring Pilipino ang simpatiya at pagtataguyod ng mga Pilipino. Higit sa lahat, ito ang nag-akay at humikayat sa layunin ng mga gawain ni Rizal at ng kanyang masamang propagandista. Samakatuwid, ang pangalang Rizal ang pumailanglang sa langit-langitan ng digmaan. Isang digmaang hindi nabahiran ng anumang dugo manapa'y isang digmaang nagbukas sa nakapinid na isipan at natutulog na damdamin ng mga Pilipino upang mag-alsa laban sa mapaniil na kamay ng mga Kastila.

Kung ating bubuksan ang mga pahina sa aklat ng kasaysayan, ay hindi maikukubli na si Rizal ang naging instrumento para magising sa katotohanan ang Pilipino tungkol sa patuloy na paghagupit at paglatay ng latigo sa ating katauhan. Anupa't ang paghihimagsik ng kanyang damdamin ay lalo pang nag-alimpuyo nang patuloy tayong hinamak at inalipusta ng mga dayuhang ito.

At sa bisa ng kanyang matalim na pilantik na dila … ng kanyang matalinong … ng kanyang panulat umusbong ang diwang Rizalismo ng sambayanang Pilipino.

Ang diwang ito'y isang apoy na patuloy pa ring nag-aalab… isang alon na patuloy sa paghampas sa malalaking bato sa dalampasigan… isang unos na nagbabadya ng isang malakas na ulan… kidlat na gumuguhit sa kalangitan subalit sa kabila ng lahat ng ito'y nananalaytay pa rin ang malapot na dugo ni Rizal sa ating mga ugat na siyang nagsusugpong sa ating isipan at damdamin. Diwang patuloy na gagabay at aakay sa mga Pilipino na gumawa ng kabutihan para sa bayan. Ang ismong ito ang nagpapagunita sa atin kung paanong ang isang Rizal ay nakihamok upang ang kanyang bayan ay makalasap ng kasarinlan.

Kung akin lamang maiuukit sa ating puso’t isipan ang mga himaymay sa kalamnang isinulat hindi malayong susulong ang ating bansa. Sandigan ng kabataang Pilipino ang kanyang tulang “Ang Kabataang Pilipino” na pinatingkad ng kanyang makulay na pananalita at pag-asam na ang “kabataan nga ang pag-asa ng bayan.” Sa kamay ng mga kabataan nakasalalay ang kaunlarang pinakamimithi ng bawat Pilipino datapwa’t kung mag-kaminsa’y tayo’y nakahuhulagpos sa ating pagkakatangan. Bakit hindi natin harapin ang katotohanan na malaki ang ating magagawa sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay. Edukasyon… sining at kultura… pulitika… ekonomiya at iba pa.

Ang diwa pa rin ng Rizalismo ang nagsiwalat sa atin ng katotohanan ng tunay na pagkatao ng mga prayle. Ito’y masasalamin natin sa kanyang “Noli ME Tangere” at “El Filibusterismo.” Mga nobelang naglahad ng sakit ng lipunan… maling pamamalakad ng pamahalaan aat simbahan… depekto ng edukasyon sa kapuluan… paniniil ng mga mapagsamantala at pagnanasang pakinggan ng mga makapangyarihan ang hinaing ng bayan. Ituring natin itong isang dokumento na mag-aakay sa atin na tayo’y matutong manindigan at tumayo sa ating sariling paa.

Hindi rin matatawaran ang malawak na pag-iisip at masusing pag-aaral ni Rizal sa pamunuan ng bansa na nasasalamin sa kanyang sanaysay na “Pilipinas sa Loob ng Sandaang Taon” at ang sanaysay na ito ang ating naging panukatan sa buhay na kung gusto natin ng pagbabago, ang pagbabago’y kailangang magmula sa itaas upang maging kasiya-siya at tahimik ngunit kung magmumula sa masa’y magiging marahas at madugo.

Kay Rizal din namalas ang pagpapahalaga sa mga kababaihan kung kaya’t ito’y naging kalasag natin sa pagsasabing ang mga kababaihan sa ngayon at kailangang may paninindigan at may pagnanasang matutuhan ang mga makabuluhang bagay sa kanilang buhay. Ito’y pinatunayan niya sa kanyang “Liham sa mga Kababaihang Taga-Malolos”. Naninindigan din tayo sa kanyang mga tagubilin sa pagkakapantay-pantay ng tao, pagkakaisa, paggalang sa sarili at sa kapwa.

At salamat na lamang sa hangarin ni Rizal na ang lahat ay dapat na magkapantay-pantay sa ilalim ng batas a magkaroon ng kalayaan sa pamamahayag… pananalita… pagtiipon o pagpupulong at pagpapahayag ng kanilang mga hinaing sa dahilang ito’y tinatamasa natin sa kasalukuyan. Ang gawi at kilos natin sa ngayon ay bunga ng marubdob na pagnanasa ni Rizal na magbagong-ugali ang Pilipino at ang tanging lunas natin sa mga suliranin ay ang “tamang edukasyon at kalayaan.”

Sayang… sayang nga lamang at si Rizal ay maagang nawala, disin sana’y marami pa rin siyang magagawa para sa bayan… bayan na naghahangad ng kaunlaran at tunay na diwa ng kasarinlan subalit mga kabataan sama-sama tayong magnilay-nilay, ang kadakilaan ni Rizal ay isang panata na dapat nating iukit sa ating puso’t isipan. Ang kanyang adhikain ay buhayin natin at papag-alabin upang ang bayang Pilipinas ay sumulong man din at tayong Pilipino ay kilalanin.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved