Thursday, November 25, 2010

PLUMA SA GITNA NG HIMAGSIKAN



Bukod sa kagandahang taglay ng Pilipinas, ito’y isang bansa na pinamumugaran ng mga dinadakilang bayani… mga bayaning sa kasaysayan ay nag-iwan ng kabayanihan at kadakilaan… mga bayaning nagbuklod sa sambayanang Pilipino upang magkaisa at itaguyod ang kasarinlan ng kanilang abang bayan. Sa tanglaw ng mga dakilang gawain, umusbong ang pagnasang ang hagupit ng paghihiganti ay maisakatuparan. Bunga nito’y nagsupling ang isang himagsikan. Himagsikang nagpatingkad sa katapangang taglay ng mga Pilipino.

Himagsikang nagbigay – buhay sa Panitikan. Ngunit paano? Ayon kay Rufino Alejandro, malawak ang sinasaklaw ng panitikan at may bisa sa atin. Tinitinag tayo ng panitikan, binibigyan ng isang pangitaing lalong dakila, dinudulutan ng dagdag na karunungan, ginigising sa lalong malalim na pag-iisip. Sinariwa sa kanyang mga dahon ang mga pag-aapuhap ng kaluluwa ng tao, ang mga layunin nito, mga pagkabigo, mga pagtatagumpay at mga pagtitis.

Ang Panitikan ay itinuturing na isang sining. Ang karikitan ng isang obra maestra ay dulot ng makukulay na habi ng mga salita. Nilalarawan ang kadakilaan ng mga tauhan at ang katotohanan ng mga pangyayari. Ang pag-apuhap ng tao sa tunay na kaligayahan at pagtahak sa tamang landas ng buhay ay maaaninag sa gandang taglay ng Panitikan. Ang paglikha ng awtor ng mga persona sa mga piyesa ng literatura ng siyang higit na naglalapit ng ating mga sarili sa papel na ginagampanan ng bawat isa. Kahit na ang nilikhang katauhan sa persona ay isang antagonista.

Itinuturing ding salamin ng lahi ang Panitikan. Ang Panitikan ang naging salalayan ng ating mga dinadakilang bayani sa pagsisiwalat ng katotohanan tungkol sa katampalasan at kalapastangan ng mga dayuhan. Ang mapapait na karanasan ng mga Pilipino sa mga dayuhang ito ay naisabuhay at naisatitik sa mga panulat ng ating mga bayani. Ang nag-aalab at naghihimagsik nilang damdamin ay naitala nang walang takot at buong pagmamalaki.

Sino ang makalilimot sa itinuturing na tungkong-kalan ng mga Propagandistang Dr. Rizal, Marcelo H. del Pilar at Graciano Lopez Jaena. Si Dr. Jose Rizal sa kanyang itinuturing na dokumentong sosyal ang “Noli Me Tangere” na isang nobelang panlipunan at gumising sa natutulog na damdamin ng mga Pilipino para maghimagsik – ang – “El Filibustirismo” – isang nobelang pampulitika na nagsiwalat ng maling pamamalakad ng simbahan at ng pamahalaan. Hindi pahuhuli ang matalim na pilantik ng dila ni Marcelo del Pilar ng kanyang gagarin ang tunay na aklat – dasalan sa akdang “Dasalan at Tocsohan” na naglalaman at naglalarawan ng tunay na anyo at pagkatao ng mga prayle. Lalo pang pinaigting ang nag-aalab na damdamin ng mga Pilipino sa nobelang isinulat ni Graciano Lopez Jaena – ang “Fray Botod” na sa wikang Bisaya ay nangangahulugan ng malaking tiyan. Dito’y naglalarawan ang kalupitan at kasakiman ng mga Kastila. Maraming kapakinabangan nakuha sa ating bayan ngunit nang magmisa ay inalipusta ang mga Pilipino. Ang mga personang nilikha ay sumasagisag sa mga uri ng mamamayang nabuhay sa panahong iyon at ang mga pangyayaring naganap ay nag-iwan ng hapdi at kirot, higit pa sa sugat na nilikha ng isang mabangis na hayop sa kanyang kapwa hayop.

Hindi matatawaran ang kahusayan ng tungkong-kalan ng mga katipunero – Andres Bonifacio, Apolinario Mabini at Antonio Luna. Masasalamin sa kanilang mga isinulat ang pagnanasang mataguyod at makamit ang kalayaan kahit sa gitna ng kawalan ng pag-asa. Ang “katapusang Hibik ng Pilipinas” ni Andres Bonifacio. Ang mag-aangat sa ating kinalalagyan upang maghimagsik. Dito’y matamang inilarawan na wala ng lunas ang kahirapang dinaranas ng mga Pilipino kundi ang maghimagsik. Ganoon din ang “El Verdadero Decalogo” ni Apolinario Mabini at ang “Impressiones” ni Antonio Luna.

Ang paggamit ng pluma sa gitna ng kaguluhan ang naging instrumento ng ating mga bayani sa pakikipaglaban. Ang paghimagsik ng kanilang isinatitik ay bahagi na ng ating makulay na kasaysayan. Ang katumpakan ng kanilang mga isinulat ay mga hibla sa mga hinabing pangyayari sa ating kasaysayan. Higit nating naramdaman ang tunay na kahulugan at diwa ng himagsikan nang ang lahat ng ito’y magkaroon ng anyo sa ting Panitikan.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved