Madugo ang pinagdaanan ng mga Pilipino upang makamit ang kalayaang tinatamasa sa kasalukuyan. Mula sa paghingi ng reporma sa Espanya, pananakop ng kanluraning bansa, paghihirap sa kamay ng mga Hapon hanggang sa pagdurusa sa ilalim ng batas militar, totoong di matatawaran ang kagitingan ng mga mamamayang Pilipino na maghangad ng kalayaan.
Sa kabila ng mapangwasak na Ikalawang Digmaang Pandaigdig, bumangon ang Republika ng Pilipinas mula sa mga abo ng digmaan. Hindi biro ang dinanas nilang hirap sa kuko ng Agila, sa tanikalang gintong nagtali sa kanilang mga karapatan. Tula nila’y mga ibong nagnanais na kumawala sa hawla ng pagkaalipin.
Ang mga paghihirap nila ay nagsilbing hamon na mapagtatag ng isang matibay na Republika. At sa bisa ng itinadhanang Batas Tydings Mc Duffie ng 1934, nagkaroon ng kalayaan ang Pilipinas. Mula noong 1946 hanggang sa kasalukuyan patuloy ang pagsisikap ng bawat isa upang higit na mapatatag ang kalayaan at makapamuhay nang matiwasay!
Sa kasalukuyan nabubuhay tayo sa ilalim ng isang pamahalaang demokrasya. Ito ay mabuting sandigan ng isang bansang may kalayaan sapagkat ang kapangyarihang pulitika ay nakasalalay sa kamay ng maraming tao sa pamamagitan ng isang halalan. Sa ilalim ng isang demokrasya, ang kalayaan ng mamamayan ay napangangalagaan kung ang mga pinunong bayan ay hindi magmamalabis sa kapangyarihang pinagkatiwala sa kanila ng mga mamamayan, sila kaya ay naging isang diktador tulad ng mga lider na sina Carlo Magno, Napoleon, Musolini, Hitler, Ferdinand Marcos at iba pa. Kailanman sa panahon ng kalayaan at sa ilalim ng isang demokrasyang pamamahala, hindi maaaring magtagumpay ang pamamahalang kailangan ang awa at pag-ibig. Ang pamahalaan ay ukol sa bayan at ang bayan, ang dapat maging panginoon lagi ng pamahalaan.
Ayon kay Marcelo H. del Pilar, ang kalayaan ay kapangyarihang sumunod o sumuway sa sariling kalooban. Ito’y isang mahalagang biyaya ng Diyos sa tao, dahil sa kalayaan ay nakaiiwan ng masama at lumalakas ang loob ng tao na ipaglaban ang kanyang karapatan.
Sa ilalim ng isang demokrasyang pamamahala nagiging malalim at mabunga ang pagsasagawa ng mga kalayaan sapagkat ito ay buhay, buhay ng bawat nilalang, buhay ng lipunan at buhay ng isang bansang naniniwala sa demokrasya. Ang ating kasaysayan ang siyang mabisang patunay sa pagiging masigasig ng bawat Pilipino na mapanatili ang kalayaan at demokrasya.
0 comments:
Post a Comment