Tuesday, November 23, 2010

Canal de la Reina



(Kabanata 7-8)

Ni Liwayway A. Arceo

KABANATA 7 Daigdig ng Pagdarahaop

Canal de la Reina!

Naramdaman ni Leni ang gumapang na lamig sa kaniyang buong katawan, kasunod ang wari ay namamanhid na kilabot. Hindi pa ganap na nasasasanay si Leni na makasaksi sa mga huling sandali ng isang yumayao, sa mga sandali ng pakikipagtunggali sa kamatayan. Sinisimulan pa lamang niyang pagtibayin ang kanyang loob sa iba-ibang larawan ng buhay. Marahil, kung hindi sadyang likas na hilig ang maging manggagamot ay hindi na siya nakatapos.

“Mabuti pang maging general practitioner ka,” nagunita niyang mungkahi ni Caridad nang pinag-uusapan ang larangang papasukin niya. “Nawawala na ang G.P. na noong araw siyang respetado…”

Nauunawaan niya ang nasa isipan ng kaniyang ina. Siya man ay nakababatid na isang dahilan upang maging napakamahal ng pagpapagamot ay ang unti-unting pagkakaroon ng espesyalisasyon sa bawat uri ng karamdaman. Hindi niya nalilimutan ang sinabi ng isa niyang propesor. “Darating ang araw,” pahayag niyon, lakip din ang hindi ganap na pagsang-ayon, “ ‘yong espesyalistang titingin sa kanang butas ng ilong ay hindi na titingin at gagamot sa kaliwa. Gayundin sa mata: iba ang espesyalista sa kanang mata, iba sa kaliwang mata!”

May isa pang mungkahi si Caridad. “ O baka gusto mo naman, O.B.-Gyn?”

Napangiti si Leni. “Wala ngang lugi sa pagpapaanak at sa paggamot sa sakit ng babae,” sagot niya. “Pero interesting din ang Pediatrics, Ma!” Naramdaman ni Leni ang pag-iral ng kaniyang likas na pagkagiliw sa mga sanggol at bata.

“Doktora,” gambala sa kaniya ng lumapit na attendant.

Nang tumingin siya ay nakatakip na puting kumot ang kaniyang pasyente, nguni’t hindi nalingid sa kaniya ang patuloy na pagdaloy ng pula mula sa kinahihigaan niyon.

“Sa morge, ha?” mahina niyang tagubilin.

Nguni’t sa kaniyang isipan at nakapanikit ang nakita niyang direksiyon, at aywan niya kung bakit nakadama siya ng matinding paghahangad na mabatid ang iba pang bagay tungkol sa yumao, bukod sa nakita niya sa tala. Gulang : 20 Napabuntung-hininga si Leni. Napakabata para mamatay! Gawain: Labandera. Napailing siya. Wala na nga kayang iba pa?”

Hinahatak si Leni ng payak na pangalang Canal de la Reina upang magsuri pa, na hindi niya ginawa sa ibang pasyenteng nagamot na niya. Hiniling niyang makausap ang social worker na nagdala kay Paz Cruz sa pagamutan.

“Talagang indigent,” paliwanag ng social worker na nakipag-ugnayan sa mga nagsasanay na bagong-tapos na manggagamot sa pagamutang kinatatalagahan niya. “Talagang walang-wala,” patuloy pa. “Sayang at pati ang bata ay namatay…”

May nalasahang pait si Leni sa kaniyang bibig. “Naipit ang bata, e … dapat ay na-caesarian. Naiwan pa ang inunan…” paliwanag ni Leni, “at hindi alam ng hilot…”

“Kung nadala agad dito, Doktora… hindi kaya nagkaganyan?” usisa ng social worker.

“Palagay ko dahil mailalabas nang buhay ang bata at makukuhang duguin ang ina…” iiling-iling si Leni sa malaking panghihinayang.

“Pinilit ko nga lang asawa, Doktora. Wala sila kahit pamasahe, e. Saka parang hindi sila naniniwala sa ospital!”

“Hanggang sa panahong ito?” Hindi makapaniwala si Leni.

“Kung makikita n’yo lang ang kanilang lugar…”

Hindi nakaimik si Leni. Hindi niya maipagtatapat na nakita na niya. Mula sa kinapaparadahan noon ng kanyang kotse ay tinanaw niya si Caridad at si Junior sa pagtawid sa tulay na kahoy upang huwag lumubog sa putik gayong mainit ang araw. Iyon ang nakita niya, papasok pa lamang sa pook na iyon. At inisip niya kung ano pa ang maaaring kaanyuan ng pinakapusod niyon.

“Talaga bang… slums?” mahina niyang tanong makalipas ang ilang sandaling panunuyo ng kaniyang lalamunan.

“Higit pa!” mabilis na tugon ng kaniyang kausap. “Dito ko nakikita ang mga taong nabubuhay na tulad sa mga… hayop… tabing-tabi sa kaluluwa.”

At sa kaniyang diwa ay naguhit ang larawang binubuo ng mga pagsasalaysay ng social worker. Walang dakong may lupang tuyo na maaaring maayos na malakaran. Walang madaraanan kundi ang andamyong kahoy. Ang tawirang bato. Walang makikita sa paligid kundi putik. Burak. Mamasa-masang lupng natatambakan ng basura. Ang karaniwang barung-barong, tulad ng tinitirhan ni Paz Cruz ay walang iniwan sa isang malaking kahon, na ang pintuan ay siya ring bintana. Matigas na karton ang tabiki. O kahoy mula sa mga kahon ng mansanas at kahel. Yerong butas-butas na nabibili sa magbubulok. Ang sahig ay silat-silat na kahoy na halos nakadikit sa pusali. Sa kapirasong paligid niyon ay nagaganap ang lahat ng dula ng buhay, pati ang pasaglit-saglit na paglasap ng luwalhati ng pag-ibig.

“Malungkot ang kaniyang buhay,” tila nagbabasa ng isang malungkot na kuwento si Leni sa pagpapatuloy ng pagsasalaysay ng social worker. “Hiwalay ang kaniyang ama at ina. Hindi malaman kung nasaan ang ama. Ang ina, para mabuhay siguro, ay sumama sa ibang lalaki. Hikahos na hikahos. Paris din nina Paz. May trabaho kahit pa’no. Sa paghanap naman siguro ni Paz sa kaniyang sariling kaligayahan, sumama nang nagtanan sa naging asawang si Dado…”

“Ano’ng opisyo?”

“Kargador sa palengke. E, ang dami namang kapatid na sa kaniya umaasa. Naglalabada si Paz… ang hina naman ng katawan…”

Ang lalim ng buntunghininga ni Leni, na waring nararamdaman niya ang nadama ni Paz. “Kawawa naman… ’kala niya, solusyon sa kaniyang problema ang pag-aasawa! Sayang… Tila nakikita ni Leni ang pamumutlang ma-abu-abo ni Paz. Ang paghahabol sa hininga.

“Pa’no ngayon?”

“Pinasabihan na ang asawa…”

Sa mga inilarawan kay Leni ng social worker, at sa mga ibinalita ni Caridad tungkol sa Canal de la Reina, lalong tumitingkad sa kaniyang isipan na nag-iisang malaking bahay ang tinitirhan ni Nyora Tentay sa kanilang lupa, at ang nasa paligid niyon ay iba-ibang maliliit na bahay, na ang karamihan ay mga barung-barong, mga bahay na lata ang bubungan, hindi yero.

“Ang hirap sa lugar na ‘yan, parang hawak sila ng iisang tao,” patuloy ng social worker.

“Politko?” Napakalakas ang tinig ni Leni.

Umiling ang kaniyang kausap. “Isang usurera, na pati ang mga barung-barong na paris ng tinitirhan nina Paz ay siya ang umaagara.”

“Ano ‘yon?”

“Pag may uutang sa kaniya nang walang maibigay na prenda o kolateral, ‘yong barung-barong ang kukunin pag hindi nakabayad. Pauupahan naman sa iba. At maniniwala ba kayo … agawan pa? Ganyan kalubha ang pangangailangan ng tao sa puwang…”

“At ng kaalaman kung paano mapipigl ang pagdami ng anak nang hindi iiwasan ang buhay-may-asawa!” mabilis na sambot ni Leni. At sa kaniyang isipan ay nabuhay ang pulu-pulutong na mga batang gusgusin at payat, tulad ng inilarawan ni Caridad.

“Ewan ko nga ba,” sabi ng social worker, “parang walang pagpilian ang mga naroon. Iisa ang may hawak ng pera, at kung merong iba pa, hindi makaaagapay sa usurera. Tinatangkilik naman ng tao dahil walang matakbuhan…”

Lalong nagkakahugis sa diwa ni Leni ang anyo ni Nyora Tentay. “Pero masuwerte na nga rin si Paz,” halos ay pabulong ang kaniyang pagsasalita. “ ‘Yong kaniyang anak, nalibre na sa paghihirap…” Nguni’t sa kaniyang dibdib ay may nadarama siyang pintig na unti-unting sumisibol, na hindi niya nadarama. Puno ng kapaitan. Hindi ba maaaring pananagutin sa lipunan ang mga taong tulad ni Nyora Tentay?

Nakapanungaw si Nyora Tentay sa bintana sa ikalawang palapag ng kaniyang bahay. Nakatunghay siya sa hindi kalayuang dikit-dikit na mga barung-barong. Nagkakaingay ang mga lalaki na naghahakot ng malalaking tipak ng bato na inihanay sa putikang daanan patungo sa isang barung-barong. May nagtatayo ng mga kawayan na pagkakabitan ng makapal na trapal na sa kaniya rin inrkila. Ang mga babae ay naglilinis sa kalapit na barung-barong.

Ngingiti-ngiti si Nyora Tentay. Hindi pa natatagalang nabalitaan niya na namatay si Paz, gayong dinala sa ospital. At alam niyang hindi maglilipat-saglit ay mapupuno ng buhay ang dakong iyon.

Hindi na kailangang ilarawan sa kaniya ang mangyaayri. Magkakaroon ng isang mahabang mesa sa ilalim ng trapal. At mapupuno iyon ng nag-upong babae at lalaki, na hindi dumating upang dalawin ang bangkay ni Paz. Hindi rin upang makiramay sa naulila, kundi upang magpalipas ng mga sandali, kunwa’y naglalamay. May bingo. May domino. May baraha. Nguni’t ang paglalaro ay hindi upang itaboy ang antok, kundi upang magtayan at makipagsapalaran. At may aagos ding pera, laluna at may makapagdadala ng huwego ng madyong.

“Libre ba ang kape at matsakaw, e…” Kinakausap ni Nyora Tentay ang kaniyang sarili. At sa kaniyang tindaha din uutangin pati asukal at gatas. Alam niyang pati sigarilyo ay magiging mabili, gayundin ang mani at bubble gum.

“Nar’yan po si Dado sa ibaba…”

Biglang napalingon si Nyora Tentay nang marinig ang tinig ni Ingga. Ngunit siya. “Sige, susunod na ‘ko.”

Nguni’t hindi agad nanaog si Nyora Tentay. Hinintay niyang mai-alma ang trapal sa mga tukod na kawayan, at ngayon ay mayroon ng palapala sa harapan ng barung-barong nina Paz. At sa tingin niya, ang malaking bombilya ay ihuhulog mula sa bahay ni Dado.

Nasa loob na si Dado nang makapanaog si Nyora Tentay. Nakaupo ito sa isang bangko sa isang sulok, at waring nakalungayngay ang ulo.

“O. . . ano, Dado?”

Namumula at namumugto na ang mga mata ni Dado nang tumingin sa kaniya. Kumibot ang mga labi nito, nguni’t wala siyang narinig na tinig.

“Talagang ganyan, Dado…” Kapansin-pansin na dagling naging banayad ang tinig ni Nyora Tentay. “Nangyayari naman ‘yan sa lahat… una-una lang!”

Biglang sumubsob si Dado sa mga palad at humagulgol na tila bata. “Bigla po naman ito, Nyora Tentay… ang anak ko… ang asawa ko…”

“Kung bakit pinabayaan mo sa hilot ,e…”

“Wala nga po akong pera…at kung alam kong na susunod din si Pacing… di sana, hindi na muna inilibing ang bata… sama na silang mag-ina…”

“Kow… nangyari na, Dado!”

Minsan pang napahikbi si Dado, tulad sa isang musmos na napalo. “Hindi ko po naman akalain…”

“’Kala mo kasi, lahat ng nanganganak, paris ni Sioning Butete, na parang nasipon lang… isang singa, ayun… nakalabas na ang anak! Pero sa kabilang banda, tahimik si Paz… wala nang hirap. Pati ang anak mo… at ika naman, makakauwi ka na sa inyo. Pero, hoy… Dado, marami kang obligasyon sa ‘kin, ha?”

“Kahit ako na po ang masangla sa inyo, Nyora Tentay… pero kaya nga po ako narito ngayon, kailangan ko po ang pantubos kay Pacing…”

“Bakit, nakasangla na ba pati si Paz?”

“Ibig ko pong sabihin, hindi makukuha sa ospital si Pacing kundi punerarya ang kukuha. Hanapbuhay raw po ng iba…”

“E, bakit hindi mo na lang baya’ng ipalibing ng gobyerno! O iwan mo na ro’n para mapag-aralan…”

Napabulalas ng panangis si Dado.

“Teka… teka…. Wari mong mapaglamayan dito si Paz?” Lihim ang pagngiti ni Nyora Tentay. Sinasalat ng mga daliri ang kaniyang kanang kamay ang makapal na balumbon ng perang papel sa bulsa ng suot na house dress.

“Ngayon ko na lang po naman siya makikita, e… at huling pagsisilbi ko na, Nyora Tentay!”

“E, mukhang magsusugalan naman d’yan sa inyo, e… kumuha ka ng tong!” malakas na sabi ni Nyora Tentay. “Nang may maaprobetso ka naman. Aba, e… ako’ng unang mapepeste n’yan sa ingay, a! Saka pihong marami na namang mag-a-ambisyon d’yan na kakanta. Gigitara pa… pero hindi bale, alang-alang kay Paz!”

“Balato n’yo na iyon sa akin Nyora Tentay…”

“Siya… Siya! Bibigyan kita ng pera, Dado… pero maglinaw tayo, ha? Babawasan ko na agad ang tubo…”

“Huwag naman po!” mabilis na tutol ni Dado. “Iiwan ko naman ang barung-barong namin sa inyo, e… saka hindi ako aalis dito…hindi ako lalayo. Kayo na nga ang nagsabing umuwi na lang ako sa mga Inay ko…” at muling umiyak si Dado.

“Naku, puwede ba… bago ka magngunguyngoy, mag-usap muna tayo?” mariin nang sabi ni Nyora Tentay.

“O-opo…”

“Gawin mong uno-singkuwenta ang hulog mo araw-araw, imbes na singkuwenta lang, ha?”

“H-ho?”

“Aba, nagulat ka? E, pati ulo mo, nakabaon na sa utang sa ‘kin, e…”

Tinakpan ni Dado ng kamay ang magkabilang tainga at patuloy na humikbi.

“Aba, e… sige, isipin mong mabuti! Mahirap nang sumubo ako nang sumubo sa ‘yo at pagkatapos, e, maiwan ako ritong nakatunganga!” At ang perang hawak ni Nyora Tentay ay muling binitawan sa bulsa ng kaniyang house dress.

Napakislot pa si Nyora Tentay nang marinig ang panibagong silakbo ng hagulgol ni Dado. “Sandaling-sandali kaming nakatikim ng ligay… tapos, heto…”

“Kow,” at napaungol si Nyora Tentay. “Ang isipin mo’y ang sinasabi ko!” at ngingiti-ngiti si Nyora Tentay na pumasok sa tindahan. Nanunuot sa kaniyang pandinig ang impit na hikbi ni Dado. Hindi mailalarawan ng mga kataga ang pamimighati…

KABANATA 8 Pagkapit sa Patalim

Patuloy ang pagpapaypay ni Nyora Tentay ng kaniyang hawak na anahaw. Nguni’t nanunuot sa kaniyang pandinig ang patuloy na paghikbi ni Dado, na tila batang inagawan ng gustung-gustong pagkain. Kasunod niyon ang pagsinghot, at ilang sandali pa ay naramdaman niyang lumalabas si dado. Nagkunwari si Nyora Tentay na hindi ito napapansing sinundan siya sa kaniyang kinaroroonan.

“Nyora Tentay…” tila may bikig si Dado.

“Aba, o, ano?” nagkunwang nagtataka si Nyora Tentay. Hindi niya ito pinabayaang makalabas sa tindahan. Sinalubong niya agad ito, at pumasok silang muli sa kaniyang maliit na tanggapan ng panauhin.

“Sige na po…” Nakatungo si Dado.

“Anong sige?” sinalat ni Nyora Tentay ang balumbon ng salaping papel sa kaniyang bulsa.

“’Yon pong sinasabi n’yo… payag na ‘ko!”

“Sa’n nga? Sa’n ka payag?” Lihim na ngumiti si Nyora Tentay.

“Kung anuman ang gusto n’yo… kahit uno-singkuwenta na ang tulak ko araw-araw. Pero huwag n’yo lang aawasin agad ang interes. Talaga pong kailangan ko lang. Dosyentos-singkuwenta po ng serbisyo,e…”

Umungol si Nyora Tentay. “Kow… kundi ba naman sira ‘yang ulo mo, e… maaari namang ilibing na ng gobyerno si Paz… o kaya ipagbili mo sa eskuwela ng medisina! E, di kumita ka pa!…”

“Magiging kahabag-habag naman si Pacing, Nyora Tentay! Kung pumayag ako … naihabol pa siya sa ikasampung patay na ihuhulog sa isang malaking hukay…” Basag na basag ang tinig ni Dado. “Para po namang nagtapon na lang ako ng basura…”

“Siya… siya…” at sinalat niyang muli ang salapi sa kaniyang bulsa. “Baka naman mabalitaan ko na lang na wala ka na rito?”

“Iiwan ko nga po sa inyo ang barung-barong namin ni Pacing. Saka ro’n lang ako sa Inay ko… dito rin naman ‘yon…”

“E, siya sige at nang maiuwi mo na si Paz! Marami nang nag-aabang d’yan na gustong makapagkape!” at naupo si Nyora Tentay. Pinaupo rin niya si Dado. “Oy, ikaw ang maghawak ng papasok na abuloy, ha? Baka naman pauuna ka pa sa biyenan mong O.A…. walang mangyayari sa iyo! Baka ni ‘yong arkila sa trapal ko, hindi mo maibigay. Pihong ibibigay lang naman ‘yon ng biyenan mo sa lalaki niya! Sige… ikaw rin…”

“Mahiya naman sila…” mahinang sagot ni Dado. Bahagya nang maulinigan ni Nyora Tentay.

“Hiya? Wala nga n’yon ang mga biyenan mo, e… kung hindi ko pa alam!” at tumigas ang leeg ni Nyora Tentay. “Basta abatan mo… ‘yan ang sinasabi ko sa ‘yo! Maniwala ka sa ‘kin, pagdating n’yan sa inyo, hihimatayin pa kunwari ‘yan… puwe!” gumaralgal na naman ang lalamunan ni Nyora Tentay.

Binilang niya pagkatapos ang salaping kinuha ni Dado, at nang magpaalam ito ay hinabol pa niya ito ng tingin. Iiling-iling si Nyora Tentay, nguni’t lihim din siyang napapangiti, sa isang hindi mapag-alinlangang tagumpay ng kaniyang mga pagkukunwari…

Antok na antok si Dado. Naririnig niya ang pagkakaingay ng ilang kapitbahay na naghahanda ng tanghalian. Kagabi ay wala siyang itinulog, tulad din ng ilang gabi pang nagdaan, nang naghihirap si Paz bago isilang ang kanilang anak. Ngayon ay tila magagapi siya ng antok. Higit nang payapa ang kaniyang damdamin. Unti-unti na siyang nagiging makatotohanan. Natanggap na niya sa kaniyang sarili na si Paz ay patay na, hindi namuling mabubuhay pa. Sinisi niya ang kaniyang sarili kung bakit niya iniwan si Paz sa ospital, kaya hindi niya nakita ang pagyao nito. Nguni’t nakatighaw na rin sa kaniyang damdamin na wala siyang alaala ng mga huling paghihirap niyon. Napawi na pati ang kaniyang agam-agam, tulad nang pinagmamasdan niya ito bago dalhin sa ospital, na tila iniihaw sa pagkakahiga, nguni’t malamig na malamig naman ang palad.

“Dado… Dado…” Tila niya naririnig ang tinig ni Paz at bigla siyang napakislot. Napaangat ang likod niya sa pagkakasandal sa kahoy na tumba-tumba sa ulunan ng kabaong ni Paz. Biglang nawalang muli ang kaniyang antok.

Napalunok si Dado. Ilang ulit. Tumundig siya at tumayo sa tabi ng kabaong. Walang kurap na pingmasdan niya ang tila kandilang mukha nito, nguni'y ’ababakas pa rin niya ang kagandahan nitong nakatawag sa kaniyang pansin. Wala siyang maaaninaw na sumbat, bagama’t waring agunyas sa kaniyang pandinig ang tinig nito. “Ayoko ko pang mamatay, Dado… ayoko ko pang mamaya…”

Tinangka ni Paz na hawakan ang kaniyang palad. Nguni’t wala na itong lakas. Hindi niya mawari kung ano ang kaniyang naramdaman nang magsalubong ang tingin nila nito, at noon din ay ipinasiya niyang dalhin sa pagamutan ito.

Dahan-dahan siyang napalingon nang marinig niyang may tumawag sa kaniyang pangalan. At nang makita niya kung sino ang nasa pintuan ay halos hindi siya makapaniwala. Ni hindi ito makaunat sa kababaan ng kabahayan. Kumibot ang kaniyang labi. “Misis… Gracia…”

Nilapitan siya ng bagong dating. Ibig na namang mapabulalas ang damdmin ni Dado. Naramdaman niyang nangatal ang kaniyang mga laman. “W-Wala… wala na siya, Misis… wala na si Pacing…”

“Nabalitaan ko nga kay Tiyago dahil dinala ko ngayon ang kotse ko ro’n sa talyer ng amo niya. Mabuti nga ‘ka mo at hindi kagabi sinabi sa ‘kin dahil …”

“Wala nga pong maupuan man lang…”

“Hindi ‘yon, Dado… ayokong sumabay sa karamihan. Isa pa, iniiwasan ko rin namang magkita kami ng mayaman mong kapitbahay…” Mariin ang bigkas sa mga huling kataga. Puno ng kapaitan. Makahulugan. “Nang kusa akong lumayo… nang magkahiwalay kami ni Victor… ipinangako ko na sa ‘king sarili na tapos na ang lahat. Wala nang daang pabalik. Kung makikita ako ng nanay niya, baka isiping nagpapahabol ako…”

Napatango si Dado. “Hindi nga po nagbabago si Nyora Tentay… baka sobra pa ngayon! Kaya lang, wala namang magawa ang mga tagarito…”

“Baka sakaling madala niya sa hukay ang kaniyang salapi, e!” Kasunod ang isang mahinang hagikhik na alanganing ungol. Nguni’t may lakip na pangungutya. “Hawak namang pareho ang mga anak. Parehong walang gulugod. At gustong hawakan pati ilong ko. Aba, hindi na uubra ‘yon! Hawakan niya ang kaniya…”

“Misis Gracia,” at bahagyang tumalikod si Dado, “hindi niyo ba naalaala ang damit na ‘yan na suot ni Pacing?”

“’Yan ba ‘yong bigay ko sa kaniya no’ng nakaraang Pasko, Dado?”

“’Yan nga, Misis Gracia! Sabi niya no’n… nagbibiro… pamburol na raw niya! Ayan… nagkatotoo! Ang ganda nga naman kasi n’yan… talaga namang hindi siya magkakaroon n’yan kung sa ‘kin lang. Binago niya… bahagyang-bahagya lang naman, sa haba lang. Mataas kayo, Misis Gracia… pero halos pareho kayo ng katawan. Kaya lang ngayon… parang ang tagal niyang nagkasakit!”

“Huwag mong kalilimutan ang sarili mo, Dado. Baka ikaw naman ang magkasakit. O…” at hinawakan nito ang kanang palad niya at may iniipit. “Hindi na ako magtatagal. Baka maamuyan d’yan sa kabila na narito ako… mahirap na!”

“Wala po naman d’yan si Mister Vic,” sabi ni Dado. “Hindi ko na po nakikita!”

“Naku… wala na akong pakialam sa kanila. Kahit sa impiyerno siya magpunta… total ay mas minahal niya ang nanay niya kaysa sa anak namin… e, siya nang bahala. Baka ‘kala nila… hindi kami mabubuhay na mag-ina kung wala sila…”

“Alam ng lahat ‘yan, Misis Gracia…”

“O, sige, Dado, ha? Basta huwag kang mag-aatubiling pumunta sa ‘min… kung anu’t anuman. Alam mo naman ang lugar namin, hindi ba? Nar’on din kaming mag-ina… sa mga Mama!”

“Ihahatid ko na kayo, Misis Gracia. Sa’n ba kayo nakaparada?”

“Nasa repair shop nga ang sasakyan. Nagtaksi lang ako. Naghihintay ro’n sa labasan. Do’n na sa kabila ako nagdaan at lubog na d’yan sa harapan…”

“Saka baka po alatin ang drayber kung d’yan sa harap… kung hindi kasangga nina Bindoy…”

“Ibig mong sabihin, hanggang ngayon ang negosyong ‘yan ng mahal kong biyenan?”

“Mas malakas nga po ngayon, Misis Gracia… kasi may police protection na…”

Naulinigan ni Dado ang malalim na paghinga ng kaniyang panauhin. “Hanggang kailan kaya ang kanilang ligay?” Naramdaman ni Dado na muling hinawakan nito ang kaniyang kamay. “Hindi na lang ako sasama sa libing, ha? Talagang ayokong makita nila ako. Pero ipagpapamisa ko si Pacing!” at tuluyan nang nagpaalam ang kaniyang kausap.

Ang luhang kangina pa nakabakod sa mga mata ni Dado ay minsan pang gumawa ng landas sa kaniyang mga pisngi nang ibuka niya ang kaniyang palad at makita ang salaping papel na kulay-kahel na iniwan sa kaniya. “Pacing,” tila buhay ang kaniyang kausap, “talagang mahal ka ni Misis Gracia,” at hinaplus-haplos niya ang kabaong ng asawa. “Ibang-iba siyang talaga.”

Parang naglaho sa kaniyang balintataw ang lilimahing abuloy ni Nyora Tentay. Kasama pa niyon ang maraming pasaring. “Ayan, Dado… kahit lahat ng gastos mo, sa ‘kin nanggaling… may ambag pa rin ako! Alam ko namang hindi lalampas sa singkuwenta sentimos ang abuluyan dito!”

Lihim na sinisi ni Dado ang sarili. Hindi niya nagunita si Gracia nang mga sandaling kailangang-kailangan niya ang tulong. Magkasundong-magkasundo si Gracia at si Paz noon pa mang dalaga ang asawa. Anuman ang kailangan ni Gracia ay ipinatatawag si Paz. Tagatulong sa kusina kung may mga panauhin ito o kung gustong magkaroon ng kasama kapag wala si Victor. Malimit na si Paz ang kinakayag nitong kasama sa panonood ng sine kung hindi makakasama ang asawa. Alam niyang tutulongan niya nito, dangan at sa kaniyang kalituhan ay hindi niya nagunita si Gracia. Malayo ang tinitirhan ni Gracia. Mula nang umalis ito sa bahay ni Nyora Tentay ay namalagi na sa Quezon City.

“Pero kung hindi sila pinakialaman ni Nyora Tentay,” malimit ay nasabi ni Paz, “ay hindi magkakahiwalay si Misis Gracia at si Mister Victor. Talaga namang nagkakagustuhan ‘yong dalawa. Hindi naman basta-basta babae si Misis Gracia. Tapos sa karera, may kuwarta, maganda…”

“May kagaguhan si Mister Vic, e…” ayon ni Dado… “Lahat ng sabihin ng ina, pikit-matang sinusunod. Buti nga at pumayag si Misis Gracia na tumira sa kanila!”

Napakislot si Dado sa pagkakatayo nang maramdaman niyang may palad na dumantay sa kaniyang balikat. “Ano ba,” sabi ng kaniyang ina, “wala ka na bang gagawin kundi umiyak at magmukmok, ha? Nar’yan na ‘yan, e… hindi na mababagao pa…”

Kinagat ni Dado ang kaniyang labi. Mariin. Pilit niyang sinupil ang kaniyang luha. Lalo lamang siyang naaawa sa kaniyang sarili.

“Huwag kayong maglalabas ng marami, Misis… at hindi tayo sanay r’yan…” Nguni’t nakangiti si Attorney Agulto kay Caridad. “Baka mabaligtad ang aking ginagawa… Kung saan mauwi ang aking asunto”, dugtong pa.

Matapos bigyan ni Caridad ng maiinom ang manananggol at si Salvador ay naupo na rin siya upang tingnan ang mga papeles na inilalabas si Attorney Agulto sa dalang portfolio.

“Kung tanga ang kalaban ng matandang nasa lupa n’yo, talo na,e!” at inilahad ni Attorney Agulto ang isang malapad na papel. “Kinuha ko na ang lahat ng true copy ng sinasabi nilang papeles na hawak nila. Heto, e… pinalabas na ipinagbili n’yo ang lupa kay Prescioso…”

Nag-init ang mga tainga ni Caridad. Nakagimbal sa kaniya ang kaniyang narinig. Dinaanan niya ng tinginang papeles na binabanggit. “Naku, ang walang-hiya!” hindi niya napigilang sambit. “Tatak ng kanang hinlalaki ko kunwari ang pinaka-pirma ko? Ako?”

“Kaunting lamig, Dear,” nagtatawang sabi ni Salvador. “Hindi pa iyan grabe… sige, basahin mo ang affidavit!”

Inisa-isa ni Caridad ang bawat kataga. “Diyos, ko… malubha raw ako kaya hindi na ‘ko makapirma! E, ni hindi ako nagkasakit nang malubha!”

“Pinatay ka na nga, e!” Lalong naging malutong ang halakhak ni Salvador. Alam niyang pilit na pinalulubag nito ang kaniyang galit na nauuwi sa poot.

“Marunong ang nakialam d’yan, Misis,” amin ng abogado. “Alam ang sunud-sunod na hakbang. Tapos nga, dahil kunwari y ari-arian na ni Prescioso, ipinagbili naman kay Nyora Tentay. Kung hindi nga naman gan’on, pa’nong mapalalabas na nabili ‘yan ng matanda?”

Nangangatal ang buong katawan ni Caridad. Nakamata siya sa titulo diumano ng pagkakabili ni Nyora Tentay. Tatak ng kanang hinlalaki ang lagda. “Ito pa, tama!” nanggigigil na sabi ni Caridad. “Talaga namang isang tingin mo lang sa pagmumukha, malalaman mo nang no read, no write. Isang karetang A, hindi mababasa. At ‘yan namang si Osyong, nasa kabilang buhay na…” Nagtiim ang mga bagang ni Caridad. “Wala naman kaming ipinakisamang masama sa kaniya… kahit kay Tisya… sa buong pamilya nila!”

“Ang pinakamahirap lang sa lakad natin, Misis… no read, no write nga, pero puwerte ang atik! Marami tayong lalabanan… pero basta parehas lang, ngayon pa lang, sinasabi ko nang panalo na tayo!”

“Oo nga, Dear,” alo ni Salvador, “ako rin ay umaasang mababawi natin ang lupa!”

Tumunog ang telepono. Mabilis na tumindig si Caridad. Nasa kusina si Inyang at alam niyang hindi niyon pansin ang timbre. Marahan niyang inangat ang telepono. “Hello?”

“Magandang gabi po… maaari po bang makausap si Misis Angeles?”

“Sino ‘to?” Napakunot ang noo ni Caridad. Hindi niya nakikilala ang tinig. At bantulot din siyang nagpakilala.

“Si Ingga po ito…”

“Ingga… Ingga?” Kinakapa ni Caridad sa gumita ang nasabing pangalan.

“Pakisabi po… ito ang maid ni Nyora Tentay… ‘yong dinatnan nila sa tindahan!”

24 comments:

Anonymous said...

Parang maikli po ata... kumpleto po ba tong 7-8 o buod lang? Salamat :D

Anonymous said...

pwede pong i buod nyo po lahat? T_T

Anonymous said...

thanks...maganda yong site mo...kanina ko pa hinahanap ang canal dela reina..nandito lang pala...nice one!

creepolo@yahoo.com

Anonymous said...

ibuod pa

Anonymous said...

buod na ba ito o ito yung kabuuan ng kabanata?

Anonymous said...

buod nga. haha! 7-8 lng. :))
galing nyo!

wintot on February 26, 2011 at 5:32 AM said...

salamat :)
well it's quite long but i had a good time eading it :)
nandto sa site nyu lahat ng readings namin sa filipino.

Anonymous said...

hahaha....
tnx kua im enjoying reading it....
this pretty long summary....^^

Anonymous said...

ito yung paano yung pagkakasulat sa teksto namin...ee

Anonymous said...

Buti meron nito dito. Kahit medyo mahaba, okay na. :) Thanks alot! ♥

Anonymous said...

Ang haba .. copy paste ni author .. :)

Anonymous said...

PUTANG INA ANG HABA... BUOD LANG NG KUWENTO!!!

Anonymous said...

tnx!! nakatulong po :) T_T

Anonymous said...

hindi yan buod nuh...yan yung buong chapter 7 at 8...kung binasa niyo nga, malalaman niyo naman eh...kasi may mga dialog...

Anonymous said...

meron po bang kabanata 1 saka 2?

Anonymous said...

zz

Anonymous said...

wala na bang mas buod yan?

Anonymous said...

nakakabagot bxhin peo thumbxx up syoh kuya at least kht papano may ntulong kah
...add me sa facebook
ivy.sabelino@yahoo.com

Anonymous said...

kua lumalim eyebags ko sa haba ng kwento pero thanks at may ganito dito.. <_< kuya meron bang keep-in-touch reminder sayo pag inadd ka namin sa fb.. helpful ka kasi masyado wehh.. add me up big brother... fb: shizumi95@yahoo.com or Honey Shiellzy.. thanks ulit \m/d(*o*)b\m/

Anonymous said...

sakit sa bangs
medyo kulang kulang po

Anonymous said...

ano ang ibig sabihin ng kumibot ang mga labi?

Anonymous said...

Ang haba pa po.

Anonymous said...

pamagat ng akda:________________________-
awtor:______________________
Teoryang:______________________________
I.tauhan/mga tauhan may pagkakakilanlan
____________________-
II.suliranin ng kwento
_______________________
III.Uri ng tunggalian
________________________________
IV.Genre ng panitikan
__________________________________________
V.buod.lagum
________________________________________
VI.Aral
_____________________________________
VII.mensahe
______________________________________________
VIII.PAgsusuri ayon sa teorya
___________________________________________________

paki sagot lang po sent lang sa fb antoy_atis@yahoo.com please

Unknown on February 20, 2013 at 7:05 AM said...

ganyan din pinapaqawa samin eee ...
di ko alam ..:"(

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved