“Una sa tatlong mahahalagang gawaing pagbubuhusan ko ng panahon ngayong malaya na ako sa pabigat ng pulitika ay ang pagpapalakas sa ating ekonomiya, at paglikha ng maraming hanapbuhay… “ ani Pangulong Gloria Macapagal Arroyo matapos niyang ipahayag ang kanyang desisyon na talikuran na ang pagtakbo sa taong 2004 at pagtuunan na lamang ng pansin ang nalalabing labingwalong buwan ng kanyang termino.
Ekonomiya… para sa isang ordinaryong mamamayan, lubhang mahirap itong maunawaan. Hindi madaling maintindihan ang kaugnayan ng mga teknikal na termino sa ekonomiks tulad ng GNP, GDP sa kanyang buhay. Mas madali niyang makikita na walang pagkain sa hapag-kainan at wala siyang trabahong mapasukan na sana ay nakagpapaginhawa ng kanyang buhay. Sa ganitong sitwasyon ng ating bansa mahalagang pag-aaralan natin kung ano nga ba talaga ang nabanggit na layunin ng ating Pangulo. Pagpapalakas ng ekonomiya … pangangasiwa at pamamahala ng anumang may kinalaman sa ating buhay sa isang matalinong pamamaraan.
Sa pagtuklas ng matalinong pamamaraan na ito, marami na ang mga hakbang na napasimulan ng ating pamahalaan. Lubha namang kapansin-pansin na kaalinsabay nito ay ninais ng administrayon na patatagin din ang edukasyon. Ayon na rin sa mga pahayag ni GMA sa kanyang “7 point work agenda”, una na niyang nais na mapaunlad ang small at medium – scale industries (SME’s)” sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa “human capacity” o kakayahan ng bawat tao. Ano pa nga ba ang pinakamahusay na paraan kundi ang pagpokus sa edukasyon. Ito lamang ang pinakamatatag na sandigan ng isang tao upang makapamuhay nang maayos. Isang pangmatagalang solusyon na naglalayong mapabuti ang buhay di lamang ngayon kundi pati sa kinabukasan.
Tingnan na lamang natin ang resulta ng isang pag-aaral sa Brazil. Bagamat, sinasabi rito na ang isang taong karagdagan sa edukasyon sa bawat tao sa labor force ay nakadaragdag sa produksyon na mahigit sa 20 porsiyento. Isang napakahalagang kapital ang lakas-pantao at malaki ang epekto nito sa kabuuang kalagayan ng produksiyon. Ipinahayag din ng pag-aaral na ito na mahalaga na may sapat na edukasyon ang mga manggagawa at sila ay mabigyan ng pagkakataon na makasalamuha ang isa’t isa. Gayundin naman, sa mga bansang maunlad tulad ng Japan at Amerika, pangunahing tuon nila ay pataasin ang kalidad ng kanilang edukasyon upang lalo pang lumakas ang kanilang “work force”. Sa madaling salita, di matatawaran ang bilis ng kanilang pag-unlad sapagkat napagyaman nila ang kakayahan ng kanilang mga mamamayan at natuklasan ang lahat ng mga potensyal ng mga ito dahil sa paglinang sa kanilang edukasyon.
Tayo namang mga Pilipino ay itinuturing na mahuhusay na manggagawa. Ang atin din mga propesyunal ay iginagalang maging sa ibang bansa. Likas na masipag at matiyaga sa trabaho bukod pa sa may angking talino. Di maipagkakailang malaki ang kinabukasan ng ating bansa kung mapagbubuti lamang ang pagpapaunlad pa sa edukasyon.
Sa kasalukuyan, kapansin-pansin pa rin na iilan lamang ang nakapagtatapos ng pag-aaral. Malaking porsyento ng mga nagsisimula sa hayskul ang di nakaabot ng ikaapat na taon at higit na malaki ang bilang ng mga di-nakapagtatapos ng kolehiyo. Bukod pa dito, ang humihinang kalidad ng pagtuturo bunsod na rin ng kakulangan ng mahuhusay na guro. Sa kabilang pagsisikap ng pamahalaan na dagdagan ang budget para sa edukasyon, maliit pa rin ito kumpara sa inilalaan ng Pilipino, lalo na ang masa. Bumibigat sa bulsa ang pag-aaral at unti-unting nagiging pangmayan na lamang.
Sa madaling sabi, batid ng administrasyon ang ganitong katotohanan. Sa kinahaharap na krisis sa ekonomiya, edukasyon ang matiim na pinagtutuunan ng ating Pangulo. Minana na natin ang kahirapan. Panahon na para matuklasan ang pinakamabisang paraan na siya na ring sumagip sa iba pang bansa. Ang pagpapatibay ng edukasyon bilang sandigan ng ekonomiya. Kasama sa mga proyekto ngayon ang pagpapatayo ng higit pang mga public schools sa iba’t ibang lugar at ang pagpapairal ng mas mahusay na kurikulum para sa pag-aaral. Pinalalawig na rin ang mga scholarship program para maabot ang mga mahihirap na mamamayan. Kasabay ng pagpaparami ng trabaho sa bansa, kailangan din na maging handa ang mga mamamayan sa mga kahilingan ng nagbabagong panahon upang mapag-ibayo ang kakayahang makipagsabayan sa iba.
Malinaw ang kahalagahan ng edukasyon sa pagpapatatag ng ating ekonomiya. Nasimulan na ang pagtuklas sa pinakamatalinong paraan ng pamamahala sa ating kabuhayan… marapat lamang na ipagpatuloy ang pagpapatibay sa edukasyon.
0 comments:
Post a Comment