Friday, November 26, 2010

Paraiso Noon, Paraiso Ngayon?



Ginintuang araw ang kanyang mga sinag ang nagdulot sa aking mga mata ng sapat na liwanag upang minsan pa’y mamulat ang isang nilalang na tulad ko sa ganap na kariktan.

Isa nga bang katotohanan na sa isang tulad mo lamang matatagpuan ang malaparaisong kagandahan? Sa isang tulad mo lamang ba na halos ga-tuldok na lamang kung ihambing sa ibang bansa sa mapa ng daigdig masusumpungan ang pangalawang hardin ng Eden? Bukod kang pinagpala sa lahat ng bansa dahil maraming mga nilalang ang nabighani ng iwi mong kagandahan. Iba’t iba ang naglunoy sa bughaw na kabundukan, luntiang kaparangan at sari-saring hayop sa ilang.

Tinawag kang paraiso dahil sa taglay mong pambihirang kaanyuan na tila batubalaning umaakit sa napakaraming turista. Mga dayuhang naglaon ng panahon para libutin at sulyapan ang iyong natatanging kagandahan.

Sadyang nagsisiksikan ang napakarami mong panauhin dahil tunay na mahaba ang talaan ng inyong mga maipagmamalaking magagandang tanawin. Sa Luzon nariyan ang misteryosong pagyayapakan ng mga alon at bundok ng Sabtang Islands sa Batanes, gayundin ang pulu-pulutong na Hundred Islands na matatagpuan sa Pangasinan, Bulkan Taal sa Batangas, ang hugis balisungsong ng Bulkang Mayon sa Albay. Ang matayog na Pagsanjan Falls sa Laguna, at sadyang marami pa. Hayan din sa Bisaya ang mapuputing buhangin ng Boracay sa Panay Islands, ang malihim na Samal Islands sa Iloilo at ang tampok na tsokolate sa Bohol. Hindi rin patatalo ang Mindanao dahil mayroon din itong maipagmamalaking Darak Resort, ang Matubig sa Dipolog at ang lungsod ng mga bulaklak ang Zamboanga.

Masaya ka na sana sa mga paraisong kaloob sa iyo ng Poong Maykapal ngunit ang lahat ay nagwakas sa isang bangungot. Mula nang magkalaman ang lahat na diwa ng tao at unti-unting tinuklas ang sarili nilang talino, unti-unti ring iginugupo nila ang iyong paraiso. Una’y inalisan ka ng luntiang bubungan, pagkatapos ay isinunod ang matipuno mong mga haligi, maging ang orihinal na anyo ng inyong sahig ay walang habas nabinago. Hindi mo na rin maulinig ang mga paboritong alagad. Nasaan na nga ba ang Tamaraw sa Mindoro, Boot at Pilandok ng Palawan at gayundin ang Monkey-eating Eagle ng Mindoro.

Sayang ang ganda mo Pilipinas kung sa bandang huli’y unti-unti ka ring maglalaho. Sayang turismong pilit pinatataas ng mga nagmamalasakit mong nasasakupan kung tuluyang sisirain lamang ng ilang walang karapatan.

Gumising ka Pilipino! Gising ! Ikaw ang sagot sa daing at taghoy ng mahal mong Pilipinas. Alalahanin mong ekonomiya ang dahilan kung bakit nabuo ang iyong turismo. Ang turismong minsan mong hinangaan at tinawag na paraiso.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved