Pagkatapos ng digmaan ay lalong nagpamalas ng kakayahan sa pagsulat ang maraming Pilipino. Naging tanyag ang panitikan sa Ingles. Ilan sa mga kinilalang manunulat ay sina Nick Joaquin, Edith Tiempo, Virginia Moreno at Emmanuel Torres.
Sa pagsulat naman ng tula sa wikang Ingles ay sadyang kinilala si Jose Garcia Villa sapagkat nagpasok siya ng mga pagbabago na lalong ikinaligaya ng kanyang maraming tagahangang mambabasa.
Samantala, ang mga manunulat naman sa Tagalog ay hindi rin nahuli sa pagpapamalas ng angking talino sa pagsulat. Sa ganitong pangyayari, tunay na hinangaan ng masang Pilipino ang panitik ni Amado V. Hernandez kaugnay ng mga makasaysayang pangyayari at mga talambuhay. Ilan sa mga ito ay ang “Isang Dipang Langit” na nalathala noong 1961, at “Bayang Malaya” noong 1970. Pinaniniwalaan din ng marami na ang tunay na pinakaromantiko sa mga manunulat at sa panahong yaon ay sina Carlos P. Garcia at Leon Pichay. Si Pichay ay tinaguriang “Hari ng mga Manunulang Ilokano”. Hindi rin nagpaiwan ang mga manunulang moderismo.
Samantala’y isang mapanghimagsik na samahan ng mga manunulat ang sumunod na nakilala sa larangan ng panitik. Ito’y pinasimulan ni Rolando Tinio. Magkahalong Ingles at Tagalog ang kanyang ginamit sa pagsusulat.
Lubhang dumami ang Pilipinong manunulat sa Ingles. Sinikap nilang magsulat ng mga tunay na pangyayari sa lipunan at matiyagang inilarawan ang pagmamalasakit nila sa kalayaan ng tao. Hindi nakaligtas ang panitik ni Demetillo sa ganitong layunin kaya sa kanyang “Barter in Panay” ay tunay na makikita ang isang patunay na bumabalik ang tao sa kanyang pinanggalingan.
Hindi maipagkakaila na ang manupil na batas ay nagbunga ng isa literatura na sadyang nagpapaliwanag tungkol sa pulitikal na pangyayari sa bansa habang kumukubli upang hindi mahuli at mapakulong. Tunay na nagawa nila bilang alagad ng panitik na pagsamahin ang sosyal na pananagutan at matulaing pangangatwiran.
Sa kabuuan ay napaghalo ng mga kasalukuyang manunulat ang pagiging makatotohanan sa kanilang paksa, paraan ng pagpapahiwatig at mga pinagtatalunang paksa na lubhang gumigising sa tunay na damdaming Pilipino.
0 comments:
Post a Comment