Marami tayong kaugaliang Pilipino na pinahahalagahan, isa dito ay ang pagkakaroon ng kagandahang - asal. Kung baga sa mga hiyas – ang pagkamatapat, ang pagkamasunurin, pagkamatiisin, pagiging matimpi, pagkamapagkumbaba at pagkamapitagan ay sama-samang bumubuo ng mga magkakaugnay na mga butil ng hiyas ng pagkatao ng isang nilalang at ang tunay na pinakapalawit nito ay ang karunungang tumanaw ng utang-na-loob.
Sadyang nakaukit na ang ganitong ugali sa ating kultura. Isang dalub-isip ang nagsabi “ang tanging kasalanang maaaring magawa ng isang tao sa ibabaw ng daigdig ay ang huwag matutong tumanaw ng utang-na-loob.” Sa tinurang iyon ng palaisip ay mahihinuha sa atin kung gaano talaga kahalaga ang pag-aangkin ng katangiang matutong tumanaw ng utang-na-loob.
Higit kaninuman, ang dapat nating pag-ukulan ng pagtanaw ng utang-na-loob ay ang ating mga magulang. Ang mga anak ay maaaring maging suwail at maging masama, ngunit ang ganitong kahinaan bilang tao ay matatakpan ng kagandahang-asal na pagtanaw ng utang-na-loob sa taong sa ati’y nagbigay buhay.
Ang isang anak na hindi tumanaw ng utang-na-loob sa kanyang magulang ay isang anak na kasumpa-sumpa at hindi makakamit ng kapatawaran sa Diyos.
Kaya bilang isang anak, tungkulin nating tanawing isang tunay na malaking pasasalamat sa ating mga magulang ang pagbibigay sa atin ng buhay at pagpapakasakit upang mabigyan ng magandang kinabukasan.
0 comments:
Post a Comment