Friday, November 26, 2010

Panitikang Pilipino



Isang nakalulungkot na pangyayari ang pagkawasak ng isipan at damdamin ng mga mamamayan. Ito'y nangyari nang ang ating bansa ay sakupin ng mga Kastila. Ang kultura ng ating mga ninunong katutubo ay hindi napagyaman. Sinunog nila ang mga talang pampanitikan na nagtataglay ng kasaysayan ng ating lahi at malawakang sinakop ang isipan ng mga katutubo. Ginamit nila ang sikolohiyang panrelihiyon upang maging madali ang pagpapalaganap ng pananampalatayang Katoliko. Ginamit din nila ang mga palabas, musika, ritwal at iba pa upang ganap na mabihag ang isipan ng mga mamamayan. Hindi pa ganap na nasiyahan, gumamit din sila ng pamaraang pisikal na pikit-matang tinanggap ng mga mamamayan.

Sa ganitong pangyayari, ang mga intelektwal na nasa Europa ay lakas-loob na bumuo ng isang samahan ng mga reformista upang maiparating ang mga hinaing sa Madrid kaugnay ng pamamahala ng mga Kastila sa Pilipinas at humiling ng mga pagbabago. Ang samahang Propaganda ay isinilang at nakilala ang mga pangalang pinamunuan nina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar at Graciano Lopez Jaena. Kanilang ginamit ang "La Solidaridad" upang mailathala ang kanilang kahilingan at naging simula ng panitikang may damdaming makabayan. Nalathala ang nobelang "El Filibusterismo" at "Noli Me Tangere" ni Dr. Jose Rizal na hindi lamang hinangaan ng mga Pilipino kundi ng buong mundo.

Lalong naging maalab ang damdaming makabayan nang maging bahagi ng panitikan ang mga akda nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at Apolinario Mabini na pawang humihingi ng kalayaan ng inang bayan at nagpapahiwatig ng walang katapusang pagmamahal sa bayan.

Di-nagtagal ay nakilala rin ang pangkat ng mga manunulat sa wikang Kastila tulad nina Jesus Balmori, Claro M. Recto, Epifanio delos Santos na pawang nagbigay parangal sa kabayanihan ng mga Pilipino lalo na kay Dr. Jose Rizal.

Pumaimbulog rin ang mahuhusay na manunulat sa Tagalog tulad nina Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus, Valeriano Hernandez Peña at mga kilalang mandudula. Sa panahong ito'y nalathala ang mga "tunay" na panitikang Pilipino.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved