Isang araw ng Linggo'y nagtungo ako sa Maynila at namili ng mga libro. Natagalan ako sa paghahanap ng mga aklat na kailangan ko sa pag-aaral sapagkat napakaraming namimili. Isa pang dahilan ay masyadong masalimuot ang daloy ng trapiko at parang prusisyon ang usad ng mga sasakyan. Ginabi tuloy ako ng pag-uwi
Habang naglalakad patungo sa amin naulinigan ko ang mga yabag na papalapit sa akin. Bigla akong kinabahan. May taong sumusunod sa akin, naisaloob ko.
Noon di'y kumaripas ako ng takbo, ngunit mabilis din ang ginawang pagtakbo ng lalaki. Pagkaraa'y tumawid ako ng daan at natanaw ko nang nakasindi ang ilaw sa aming bahay. Walang anu-ano'y bigla na lamang akong sinunggaban ng lalaki.
"Sabi ko na't anak ka ni Kapitan, e," anang lalaki at napangiti ito. "Kaya kita hinabol ay upang ibigay ang librong ito na nalimutan mo sa dyip."
At ako'y nagtaka at nasiyahan sa nangyari. "Marami pong salamat," nasabi ko na lamang. "Napakabuti po ninyo."
0 comments:
Post a Comment