Dakilang pag-ibig…ito ang nag-uumapaw na damdamin mula sa kabanal-banalang puso ng Diyos. Ang paglikha ng sanlibutan, ang araw at gabi, ang mga ilog at karagatan, mga halaman at punung-kahoy, ang buwan at mga bituin, mga hayop at mga ibong nagliliparan sa parang, at ang kanyang kawangis. Ang walang hanggang pagmamahal na ito ang hangad Niyang ibahagi sa kanyang mga nilikha… sa tao.
Datapwat sa kabila ng lahat, sa kabila ng kabutihan ng Diyos ay nagkasala pa rin ang tao…tayo. Na siyang naging dahilan upang magkalayo ang relasyon ng Diyos sa kanyang nilikha. Naghari ang pagiging makasarili, kahalayan, kasinungalingan, kalaswaan, pagiging materyoso, pagnanakaw, kawalan ng respeto, digmaan at ang nakapanlulumo sa lahat ay ang kawalan ng pagkilala, pagtitiwala at pananampalataya sa buhay na Diyos. Dakilang Lumikha.
At sa ganitong uri ng kalagayan na ang Diyos ang tanging lumikha, tao namang tao ang patuloy na sumisira. Mga nay na nagpapabagsak sa moralidad ng tao. Tila walang kasiyahang nadarama sa puso at pag-iisip. Walang pagpapahalaga at patuloy ang pagkakaroon ng mga dila na sumisira ng buhay. Ngunit sino nga ba ang makatatalos sa wagas ng pag-ibig ng Panginoon, na bagama’t tayo’y hindi kaibig-ibig sa kanyang harapan, isang basahang walang maipagmamalaki, isang uod na maituturing ay patuloy Niyang kinaawaan at kinahabagan.
At sumilang ang pinakamabuting balita, na gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya’t ibinigay Niya ang kanyang bugtong na anak na si Hesukristo upang ang sinumang maniwala at manampalataya sa Kanyang bugtong na anak ay hindi mapapariwara o mapupunta sa dagat-dagatang apoy bagkus ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. At dahilan dito’y patuloy Siyang nanawagan at kumakatok upang iwan ng bawat isa ang bulok at makasalanang gawi ng buhay. Magmula sa kanyang piniling nasyon, ang mga Hudyo at ang kahabagan ay ipinagpatuloy maging sa mga Hentil at dito’y mapalad na mapabilang tayo, ANG PAMILYANG PILIPINO.
Ang pamilyang Pilipino na kung tagurian ay pinakamaliit na yunit ng lipunan subalit pinakamahalaga, pangunahin at pinakaepektibong nukleyo ng ating bansa. Ang pamilyang Pilipino na tunay na kumikilala at tumanggap sa Dakilang Maykapal…sa Panginoong Hesukristo bilang Tagapagligtas at gabay ng kanilang buhay. Ang Pamilyang Pilipino na sa tulong at kaawaan ng Diyos ay patuloy na nananalangin na sila’y bigyan ng karunungan at buong pusong ipahayag ang katotohanan, ang mabuting balita ng Panginoon.
Mga minamahal kong tagapakinig, mga magulang at kabataan, maging sa kasalukuyang panahon ng modernisasyon, sa panahong hinihingi ng revolusyunaryong syensya at teknolohiya na sa likod nito ay hindi lingid sa atin ang patuloy na isinisigaw ng masang Pilipino. Kahirapan, kurapsyon, kawalan ng hustisya, mga kabataang nalululong sa droga, diborsyo at terorismo ay magpapatuloy pa rin ang pamilyang Pilipino na itaas at iwagayway ang tunay na sulo ng katwiran. Walang pagkikibit-balikat, walang pag-aalinlangan at hindi “ewan” ang kasagutan. Ang patuloy na pagbabahagi ng pamilyang Pilipino sa tanging kasagutan ng kaayusan, pagkakaunawaan, pagkakaisa, pagbibigayan at pagmamahalan ng sambayang Pilipino, ang pagkakaroon ng tunay na Tagapagligtas sa ating puso at mananampalataya sa Dakilang Maykapal.
At sa ikatlong milenyo ay taas-noong ipagmamalaki ng pamilyang Pilipino ang pagkakaroon ng bansang may sariling diwa, bansang may katatagan at bansang may pananampalataya sa ating banal na Diyos.
0 comments:
Post a Comment