Friday, November 26, 2010

PAGSUSURI SA ISANG TIYAK NA TEXTO



Ang maging isang guro ay isang maselang gawain na kinapapalooban ng pananagutan sa tahanan, paaralan at sa pamayanan. Sa kamay ng isang guro nakasalalay ang kahihitnan ng isang hubad at musmos sa kabatirang nilalang. Sadyang napakalaki ng kanilang pananagutan kung kaya’t narararapat na siya ay magtaglay ng ibayong malasakit at debosyon sa pagtuturo. Ngunit ganito nga kaya ang nangyayari? May sapat nga kayang malasakit at debosyon sa pagtuturo ang ating mga guro? Hindi kaya nakalilimot o tandisang bumababa na sa dating mataas na pamantayan ang ating mga guro?

Ang maraming mga guro natin sa ngayon ay tumatangging magturo sa mga nayon o sa mga liblib na pook. Walang pang-akit angmga nayon dahil nga naman sa uri ng pamumuhay dito at kakulangan ng mga oportunidad sa pansariling kaunlaran. Kalimitan, ang mga gurong nakapagtuturo sa mga ganitong uri ng lugar yaong kulang sa kakayahan at kasanayan. Samantala, nasaan ang sinasabing magagaling na guro? Nasa mga lungsod. Nawiwili sa mga magagaang na wala sa kanayunan.

Paano nga kaya natin mapapaunlad ang buhay sa kanayunan samantalang ang gurong dapat sana’y humango sa kamangmangan ng mga mamamayan dito ay tumatanggi sa ganitong uri ng sakripisyo. Batid ng lahat na ang maging guro ay pagsasakripisyo. Ito ay isang larangan ng pagkakawanggawa. Isang pag-aalay ng pagmamahal sa mga kapuspalad na naghahangad na mainam ang buhay dala ng karunungang nasa kanilang mga kamay. May mga guro pa kayang nag-iisip ng ganito tungkol sa kabuluhan ng kanilang propesyon? Nasaan na kaya sila?

Ngunit ang sisi ay hindi dapat ibigay nang lubusan sa ating mga guro. Marahil, nararapat din namang bigyan ng pansin ang kanilang magiging kalagayan. Nararapat ding tumbasan ang kanilang pagllingkod. Bagamat hindi lamang sa sahod maaaring mabuhay ang guro subalit responsibilidad din naman ng pamahalaang bigyan sila ng mabuting kabuhayang bagay sa isang guro. Ang kagandahan ng kabuhayang ng guro ay, magiging pang-akit tungo sa higit pang pagpapasakit.

Pananagutan ang maging isang guro. Ito ang dapat maghari sa puso ng bawat isa.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved