Thursday, November 25, 2010

Paano Ba Ang Magluto ng Bibingka?



Pagkain ang pinakamagandang pagkakitaan. Wala itong pagkalugi. Bakit? Kung ang ibang pangangailangan ay maaaring ipagpabukas, ang pagkalam ng sikmura ay hindi. Walang tanging hangad ang gutom kundi ang kumain. Tingnan mo ang mga restaurant, karinderya o fast food, hindi ba't laging puno ng tao?

Kung nagbabalak kang magnegosyo at di-naman kaya ang may kalakihang puhunan at umupa ng puwestong may kamahalan, maipapayo kong magtayo ka na lamang ng bibingkahan sa negosyong ito'y di-kakailanganin ang napakalaking puhunan at kahit sa harap lamang ng bahay ay maaari nang puwesto.

Buwan pa lamang ng Setyembre'y marami nang nagtitinda ng bibingka. Ito ay isang katutubong lutuing gustung-gusto ng mga Pilipino.

Alam mo ba ang paraan ng pagluluto nito? Narito ang mga hakbanging nararapat sundin.

Una, ang ihahanda ay yaong mga kinakailangang sangkap katulad ng 2 gatang na malagkit, isa at kalahating tasang asukal na pula, dalawang niyog na gagatain, isang kutsaritang asin, mantekilya, baking powder at dahon ng saging.

Pagkatapos maihanda ang mga sangkap ibabad ang malagkit at gilingin.

Ilagay ang gata sa kaserola o sa lalagyan at saka haluing mabuti ang mga sangkap.

Ilagay ang dahon ng saging na ginupit nang pabilog sa paglulutuan.

Ilagay ang pinaghalong sangkap ayon sa hustong dami.

Gatungan ang ilalim at ibabaw. Uling ang gamitin.

Kapag malapit nang maluto, buksan muli at ipahid ang mantekilya. Lagyan ng hiniwa-hiwang itlog na pula. Katakam-takam tingnan ang makulay.

Muling takpan at hayaang maluto.

Hanguin at ihain na may kasamang ginadgad na niyog.

Hindi ba't madali lamang ang magluto? Magsimula ka na sa iyong negosyo.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved