Thursday, November 25, 2010

Mga Hakbangin sa Pagpaplano Ng Negosyo



Nagbabalak ka bang magtayo ng sariling negosyo? Sa hirap ng buhay ngayon, anumang pagkakakitaan basta't sa malinis na paraan ay walang di-gagawin ang tao. Hindi biro ang magtayo ng negosyo kaya't mahalagang malaman ang pasikut-sikot sa aspetong ito upang magtagumpay at di-masayang ang pera, panahon at hirap na ipinuhunan. Kailangan mo lamang ang mag-ingat at magsipag.

Sa pagtatayo ng negosyo, may mga hakbanging nararapat isaalang-alang:

1. Una - tiyakin ang sariling interes, mapagkukunan ng mga materyales na gagamitin at ang mga pangangailangan ng pamayanan.

- Mayroon ka bang mapupuhunan?

- Mayroon ka bang kasanayan o karanasan sa pamamahala?

- Magkakaloob ba ng tulong teknikal at pinansiyal ang pamahalaan?

- Interesado ka ba sa negosyong itatayo?

- Maganda ba ang pakikipag-ugnayan mo sa iyong kapwa?

2. Ikalawa - Suriing mabuti ang target na pamilihan

- Kailangang-kailangan ba ng mamimili ang produkto o serbisyo?

- Ilan ang magkakakumpetensiya sa pamilihan?

- Gaano ang makukuha mong bahagi sa pamilihan?

- Sino ang iyong mamimili?

- Interesado ba sila sa produkto o serbisyong iyong ibebenta o ipagkakaloob?

- Posible bang makapagkaloob ka ng produktong may mataas na uri o mababang presyo?

- Makatwiran ba ang pakinabang na makukuha?

3. Ikatlo - Pumili ng angkop na lokasyon

- Malapit ba ito sa iyong magiging kostumer?

- May mga posibilidad bang magagamit tulad ng kuryente, tubig, transportasyon at komunikasyon?

- Malinis disente at tahimik ba ang lugar?

- May alternatibo bang lugar na maaaring magamit kung saka-sakaling mahal ang una mong napili?

- Malapit ba ito sa pinagkukunan ng mga materyales at iba pang suplay?

4. Ikaapat - Maghanda ng planong pinansiyal

- Ano ang iyong mga layunin?

- Magkano ang kakailanganing pera?

- Paano mo gugugulin ang pera?

- Saan ka kukuha ng pera?

- Anu-ano ang mga pagkakagastusan?

- Gaano katagal maibabalik ang puhunang inilagak?

5. Ikalima - Maghanda ng Planong Pamproduksyon

- Makatitipid ba kung uupa o bibili ng mga kagamitang pamproduksyon?

- Matitiyak mo bang mapauunlad ang disenyo o uri ng iyong produkto?

- Matutugunan ba ng mga pasilidad ang dami ng mga pangangailangan ng tao?

- Mayroon ka bang kontrol sa imbentaryo?

- Mayroon ka bang iskedyul ng pagpoprodyus o paggawa ng produkto?

6. Ikaanim - Maghanda ng Planong Organisasyonal

- Anong uri ng negosyo ang angkop?

- Alam mo ba ang mga kaukulang batas, polisiya at mga kinakailangan sa uri ng iyong negosyo?

- Batid mo ba ang mga pinsalang maaaring idulot ng uri ng iyong negosyo?

- Sino ang magiging opisyal at empleyado ng iyong negosyo?

- Ano ang kanilang mga tungkulin at pananagutan?

7. Ikapito - Maghanda ng planong Pampangasiwaan

- Ano ang iyong mga hangarin at layunin?

- Ano ang iyong gagamiting mga estratehiya o pamamaraan?

- Mayroon ka bang mga polisiya para sa iyong mga mamimili?

- Mayroon ka bang makukuhang taong makapagbibigay-kaalaman para sa iyong mga empleyado para sa kanilang propesyonal na pag-unlad?

- Ano ang iyong programa para sa iyong pananagutang panlipunan?

Ngayong nalaman mo na ang mga hakbanging nararapat isagawa sa pagtatayo ng negosyo, natitiyak kong makapagsisimula ka nang maayos at may katiyakan.

Alam mo na ba kung anong negosyo ang iyong itatayo?

2 comments:

Fast cash loan Philippines on May 16, 2011 at 10:31 PM said...

Buti nalang at nakita ko ang iyong blog may napulot ako aral namagagamit ko sa pagtatayo ko nang sarili kong negosyo.

sugar

Anonymous said...

ganun din ako.. slamat sa ganitong blog.. more power.

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved