A. -
Bukod sa panitikan, mayroon na ring musika ang mga sinaunang Pilipino. Hindi sila marunong bumasa ng nota o titik ngunit madali silang natuto sa pamamagitan ng pandinig. Marunong silang tumugtog ng tambol at gitara, at umihip ng plawta. Ang mga pangkat-etniko ay may kanya-kanya ring instrumentong pangmusika. Ang mga Tingguian ay may bunkaka o bilbil. Kilala rin ang gansa ng mga Apayao, kulintang at gabang ng mga Tausug sa Sulu, Barimbaw ng mga Tagalog, Wawa ng mga Ilokano, Torotot ng mga taga-Pangasinan at Lantoy ng mga Bisaya.
Mayroon ding mga awit sa mga pagdiriwang. Kabilang dito ang indulanin, ang talindaw na awit sa paglalayag, ang kumintang na awit sa panunuyo, ang tagulaylay na awit sa pagdadalamhati, at ang oyayi o hele na awit sa pagpapatulog ng bata. Kinagigiliwan din ng mga sinaunang Pilipino ang pagsasayaw sa saliw ng musika. May sayaw sila sa pakikidigma, pagliligawan at pag-ibig.
Mababakas naman ang pagkamakasining ng mga sinaunang Pilipino sa kanilang kagamitan, kasangkapan, sandata at palamuti at sa kuwebang ginamit nilang tirahan. Noong una, yari sa mga bagay na nakikita sa kapaligiran ang mga likhang-sining. Sa pagdaraan ng mga taon, nagkaroon ang mga ito ng hugis, anyo, disenyo at kulay. Natuto silang gumamit ng luwad, kahoy, metal, ginto at mamahaling hiyas. Isa sa mga kilalang disenyo ang sarimanok ng mga Maranao.
1 comments:
saan po mkikita ang dula tungkol sa sarimanok at halimbawa ng dulang parsa
Post a Comment