Bawat tao sa mundong ating ginagalawan ay may bansang kinabibilangan. At bilang kabahagi nito ang tungkulin ng mga mamamayang nasasakupan nito ang malaman at tumulong sa kalagayang pangkabuhayan at ang mga suliraning kinakaharap nito. Nang sa gayon ay ambilis na mabigyan ng solusyon ang mga suliranin at hindi pa lalong mahirapan ang mga tao. Tulad na lamang ng bansang Pilipinas na nahaharap ngayon sa isang napakalaking krisis pangkabuhayan at pangkalakalan. Subalit ang maganda nito ay hindi pa rin nasisiraan ng loob abng ating pamahalaan na buhayin at pasiglahing muli ang naghihingalo nating kabuhayan.
Tunay na maituturing na yaman ng ating bansa ang mga masasagana nating lupain. Dito nagmumula ang ikinabubuhay ng milyun-milyong Pilipino. Tinatayang 55% ng mga Pilipino ay magsasaka. Dahil dito, nararapat na mas bigyan ng atensyon ngayon ng ating pamahalaan ang ating agrikultura. Naniniwala ang mga ekonomista na makabubuti ito dahil may malaking nagagawa talaga ang agrikultura sa muling pagbangon at pagsigla ng ating kabuhayan. Sa puntong ito, magiging daan ito upang lalo pang mapabilis ang pagtatanim at pagpapatubo ng mga produkto tulad ng bigas, mais, coconut, saging at asukal na siyang kailangan natin sa pakikipagkalakan.
Kung ating iisipin, may malaki ring maitutulong ang Filipino sa muling pagsulong ng ating kabuhayan. Oo, sila ang itinuturing na may pinakamalaking bahagdan ng pagpasok ng dolyar sa ating bansa ngunit kadalasan hindi sila nabibigyan ng halaga ng ating pamahalaan. Hindi ba’t isa sila sa mga dahilan kung kaya’t nananatiing matatag ang ating kabuhayan.
Ang pakikipagkalakalan natin sa ibang bansa ay lubhang malaking tulong din sa pag-unlad ng ating kabuhayan. Bagama’t ito ay nangangailangan ng malaking halaga ng salapi at masusing pag-aaral, ang wastong kaalaman sa kalakalan ang talagang susi na magbubukas upang ang ating bansa ay makaahon sa kahirapan.
Ibigin man nating magsarili sa larangan ng kalakalan at negosyo --- hindi natin tio maisasakatuparan. Naniniwala ang marami na ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa ang kailangan natin upang makaahon tayo sa pagkakalugmok sa buhay. Nararapat na hikayatin ng ating pamahalaan na magtayo ng negosyo ang mga dayuhan sa ating bansa. Marahil, ganito ang dapat gawin ng ating pangulo. Kinakailangan niyang makipagpulong sa ibang bansa, magbigay ng lupa sa mga magsasaka at mapanatili ang kapayapaan upang hindi matakot ang mga mangangalakal na magtayo ng negosyo dito. Naniniwala ang marami na makabubuti ito dahil marami ang mabibigyan ng trabaho. Muling sisigla ang ekonomiya at mababawasan na ang naghihirap at maghihirap.
Samakatuwid, ang muling pagbuhay sa naghihingalong kabuhayan ng bansa ay di lamang nakasalalay sa mga matatalinong tao sa lipunan. Ito ay nakasalalay sa mga kamay at tamang pagpapasya ng ating mga kababayan.
0 comments:
Post a Comment