Thursday, November 25, 2010

MGA KALUPITANG DALA NG DIGMAAN



Malupit ang digmaan at maraming mapapait na karanasan ang sinapit ng mga Pilipino na magpapatunay sa mga kalupitang ito.

Nagsimula ang pagmamalupit na dala ng digmaan noon Pebrero 5, 1899. Ayon sa ulat ni Richard Henry Little, ninakaw ang bangkay ni Gregorio del Pilar. Ayon sa ulat, kinuha ng Amerikanong nakapatay kay Hen. Del Pilar ang suot nitong pantalon, sapatos, panyo, dayari, kuwintas at butones ng damit upang gawing souvenir. Hindi man lamang nila tinakpan ang bangkay na nakahubad at iniwan na lamang ito sa daan. Lumipas pa ang dalawang araw bago tinabunan ng ilang Igorot ang bangkay dahil sa ito’y nangangamoy na.

Mula naman sa ulat ni Korporal Richard O’Brien, sinasabing may tagubilin na lahat ng makikitang tao ay dapat nilang patayin. Pagdating sa isang baryo, gayon nga ang kanilang ginawa; walang puknat na pamamaril ang naganap. Isang matandang maysakit ang lumabas sa kanyang bahay at nagmakaawang huwag silang patayin ngunit hindi ito pinakinggan. Gayon din ang nangyari sa dalawang matandang lalaki na may dalang puting bandila, Isa namang ina na may kargang sanggol at dalawa pang bata ang minabuting pumasok na lamang sa kanyang nasusunog na tahanan at doon na namatay kaysa mabaril ng mga Amerikano.

Kabi-kabila rin ang masaker. Sa Balangiga, Samar, inuutos ni Hen. Jacob Smith na lahat ng taong maaaring humawak ng baril maging ito’y mga bata’y pagpapatayin kasabay ang utos ng panununog. Nakarating ito sa Estados Unidos at si Smith ay pinagretiro sa serbisyo bilang kaparusahan sa kanyang ginawa.

Libu-libong mga inosenteng sibilyan ang walang pakundangang pinatay at winasak ang buong kanayunan. Bukod pa rito, ang mga nahuling mga bihag ay nakaranas ng ibayong paghihirap sa pamamagitan ng water cure at rope cure. Ang bihag ay pipiliting painumin ng maraming tubig hanggang lumaki ang tiyan at saka ito yayapakan hanggang sa magsuka. Tinatalian ang leeg at baywang ng bihag at lalagyan ito ng kahoy sa pagitan, saka pipilipitin ang kahoy. Kahalintulad na ito ng garote.

Kung pinagmalupitan ng mga Amerikano ang mga Pilipino, ginawa rin ito ng mga Pilipino sa mga Ameikano. Sa kabila ng utos ni Aguinaldo na igalang ang mga bihag. Ilan sa pagmamalupit na ito ay ang pagtapyas ng tainga, at ilong, paglagay ng asin sa mga sugat, paninipa, pananampal at pagdura sa sinumang mahuhuling bihag na Amerikano.

Ito ang pagmamalupit na naging tugon ng mga Pilipino sa mga pagpapahirap ng mga Amerikano na itinuring pa naman nilang kapanalig, subalit ang mga ito pala ang hadlang sa pagkakamit ng kalayaang matagal na nilang inaasam-asam.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved