Sinimulang bombahin ng mga Amerikano ang kuta ng mga Hapones sa Davao noong Agosto 9, 1944 at sinundan naman ito ng paglunsad ng mga sundalong Amerikano sa Leyte noong Oktubre 20, 1944. Pinamunuan ito nina Heneral Douglas McArthur at Pangulong Sergio Osmeña, ang pumalit kay Quezon na namatay sa Saranak Lake, New York noong Agosto 1, 1944. Tinupad ni McArthur ang pangakong pagbabalik sa Pilipinas at hinikayat niya ang mga Pilipino na muling makipaglaban sa mga kaaway.
Lumunsad naman sa Lingayen, Pangasinan noong Enero 19, 1945 ang ilan pang sundalong Amerikano. Nabigla ang mga Hapon nang dumating ang mga Amerikano dahil sa inaakala nilang lulunsad ang mga ito mula sa Hilaga.
Sumunod na pinasok ng mga Amerikano ang mga bayan sa Gitnang Luzon at umabot sa Maynila. Nagpatuloy ang labanan sa karagatan. Naganap ang makasaysayang labanan sa Golpo ng Leyte noong Oktubre 23-26, 1944. Sa mga sumunod na labanan ay nasaksihan ang pagkatalo ng mga Hapones sa Surigao, Samar at Cape Engaño at iba pang bahagi ng bansa. Lahat ng paraan ay ginawa ng mga Hapones upang matalo ang mga Amerikano ngunit ang lahat ay nawalan ng saysay sapagkat kahit ang kanilang taktikang “Kamikaze” o ang pagpapabagsak ng mga eroplano sa mga barko ng mga Amerikano ay di rin nagtagumpay. Sa Maynila naman ay umurong ang mga Hapones na pinamumunuan ni Hen. Tomoyuki Yamashita sa pook na ngayon ay kilala sa tawag na Yamashita Lines sa Sierra Madre. Tumigil sila roon hanggang nang sumuko si Yamashita noong Setyembre 3, 1945.
Ang mga Hapones na naiwan sa Maynila ay naging malupit, kaya ibayong hirap ang dinanas ng mga Pilipino sa kamay nila.
1 comments:
galing po
Post a Comment