Ang pag-unlad o paglaki ng isang ekonomiya ay nagpapahiwatig ng pagpapalawak ng kanyang kakayahang produktibo. Malinaw rito na ang tinutukoy ay ang pinagkukunang-yaman ng isang bansa, ang teknolohiyang ginagamit nito, ang mabisang paggamit ng mga pinagkukunang yaman at mga di mabatid na sanhi ng pag-unlad.
Kapag ang mga pinagkukunang yaman ng isang bansa ay lumalaki, tulad ng paglaki ng hukbong paggawa at pagdami ng pisikal na kapital, ang hangganan o kapasidad sa produksyon ng isang ekonomiya ay nadaragdagan at napalalawak. Ang mga manggagawa at yamang kapital ay mga pangunahing sangkap sa produksyon. Samakatuwid, kapag dumarami ang mga sangkap, lumalaki rin ang kakayahan ng isang ekonomiyang makapagprodyus ng mga produkto at serbisyo.
Bukod diyan, ang teknolohiyang ginagamit at wastong gamit ng mga sangkap ay mahalagang dahilan sa pagpapalawak ng hangganan at produktibong kapasidad ng isang ekonomiya. Kung ang isang bansa ay sagana sa paggawa ang mabisang paggamit ng mga sangkap pamproduksyon ay inilalahad ng teknolohiyang gumagamit ng matindi o may kiling sa paggamit ng sangkap sa paggawa.
Kung gagamit ito ng mga teknolohiyang matindi sa kapital malamang na di magamit ang saganang pinakukunang yaman ng isang ekonomiya at malinaw, mauuwi sa di lubos na empleyo ng mga manggagawa. Sa madaling salita, kung ang Pilipinas ay itinuturing na isang ekonomiyang sagana sa paggawa dapat lamang na gumamit tayo ng mga pamamaraan sa produksyon na gagamit nang matindi sa paggawa upang hindi masayang ang mga sangkap pamproduksyon tulad ng kapital.
Ang pag-unlad bunga ng pagbabago sa teknolohiya o pamamaraan sa produksyon ay makapagdudulot din ng pagpapalawak ng produktibong kapasidad. Halimbawa, magiging produktibo ang mangagawa kapag sila ay nag-aral at nakakuha ng malawakang pagsasanay. Ang dati-dating magagawa ng sampung manggagawa ay magagawa ngayon ng anim lamang na manggagawa bunga ng pag-unlad ng teknolohiya. Hindi lang iyan, hindi lamang kasanayan at edukasyon ang makapagpapataas sa produktibidad ng mga manggagawa, ang kanilang kalusugan at lakas ay may malaki ring kontribusyon sa kanilang produktibidad.
Tingnan naman natin ang nangyayari sa produktibidad ng kapital. Dahil mas mabisa ngayon ang mga kompyuter kung ihahambing sa adding machine, madaling makapagbigay ng mabilis at mahusay na serbisyo ang mga opisinang nangangailangan ng makina sa pagkukuwenta. Isang halimbawa ay ang pagbibili ng ticket sa mga eroplano na napapabilis sa pamamagitan ng kompyuter. Dahil dito ang isang taong maraming ginagawa ay hindi kinakailangan pang magbabad sa mga bilihan ng ticket. Ang mabisang pampulitikong tranportasyon bunga ng pag-unlad sa teknolohiya ay nakapagbibigay rin ng maraming oras para sa mga tao hindi lamang sa kanilang trabaho kundi sa kanilang sarili at pamilya. Ang mga makabagong makinarya sa paggawa ng tela ay mas mabisa sa mga luma at tradisyunal na pamamaraan ng paghahabi. Samakatuwid, ang pagpapaunlad ng produktibidad ng mga sangkap pamproduksyon ay nauuwi hindi lamang sa katipiran sa mga gamit nito kundi gayundin sa kapakinabangan sa mga ito kung lubusang gagamitin sa ibang gawain at makakukuha tayo ng lalong malaking kabuuang produksyon.
Sinasabing ang mga Hapones ay masipag at tunay na tapat sa kanilang mga kumpanyang pinagtatrabahuhan. Itinuturing nila itong pangalawang tahanan at ang tratuhan ng mga manggagawa at tagapangasiwa ay parang pamilya kaya nagbubunga ng malasakit at katapatan sa isa’t isa. Marami rin sa mga kumpanya sa Pilipinas ang naging matatag na bunga ng katapatan kaya linangin natin sa ating gawain ang pakikisama, pakikipagkapwa tao, kasipagan, pagbibigayan, bayanihan at katapatan sa ating mga gawain.
0 comments:
Post a Comment