Marami ang nahahalina sa magagandang pook at tanawin ng ating bansa. Maraming turista ang nagmimithing makarating dito upang mamalas lamang ang mga ito.
Mayaman sa likas na kayamanan ang bansa. Ito ay ang lupain, halaman, hayop, isda at iba pang kayamanang-dagat, ang pinagmumulan ng enerhiya at ang magagandang tanawin sa ating kapaligiran. Dapat nating gamitin nang wasto at pangalagaan ang mga likas na yaman. Gayundin, dapat natin itong ipagmalaki sapagkat isa ito sa may malaking bahagdan na nakakatulong sa ating turismo.
Matatagpuan sa Hilagang Luzon ang bantog na tila Hagdang Taniman ng Banawe (Rice Terraces) na sinasabing "Ikawalong Kahanga-hangang Pook sa Buong Daigdig." Inuka ng ating mga ninunong Ifugao ang mga taniman sa tagiliran ng bundok may 2,000 taon na ang nakalilipas. Sa katutubong salita, ang tawag dito ay payew. Isinagawa lamang ang mga ito sa pamamagitan ng kanilang mga kamay at sa tulong ng luad at mga bato. Kung pagmamasdan mistulang isang higanteng hagdan patungo sa langit ang palayang ito. Kung pagdurugtungin ang bawat hagdan, maaari itong umabot sa mahigit na kalahati ng buong palibot ng mundo.
Ipinagmamalaki rin ng Pilipinas ang Bulkang Mayon sa Lungsod ng Legaspi, Albay sa Bicol. Kabigha-bighani ang kagandahan nito dahil ito lamang ang bulkang may pinakaperpektong taluktok sa buong mundo nang di pa naganap ang pinakamalakas na pagsabog nito.
Nakahahalina ang tanawin sa may Look ng Maynila. Makikita dito ang pinakamagandang paglubog ng araw sa buong mundo. Ang iba pang magagandang tanawing matatagpuan sa ating bansa ay ang Underground River at Tubat-tha Reef sa Palawan, Hundred Islands sa Alaminos, Pangasinan, Salinas Salt Springs sa Nueva Viscaya, Hidden Valley sa Alaminos Laguna, at Pagsanjan Falls sa Laguna, Lawa ng Taal at ang Bulkang Taal sa Batangas, ang pinakamaliit at pinakamababang bulkan sa buong mundo, Boracay sa Aklan, Sicogon sa Isla ng Panay, Chocolate Hills sa bayan ng Carmen, malapit sa Tagbilaran, Bohol at Maria Cristina Falls sa Lanao del Norte, ang pinakamalaking pinagkukunan ng tubig upang matustusan ang pangangailangan sa elektrisidad ng malaking bahagi ng Mindanao.
Totoong kailangang pangalagaan ang mga kayamanang likas ng ating bansa. Wala na tayong maipagmamalaki sa daigdig kung patuloy ang pagsasawalang-bahala ng mga kinauukulan gayundin ng mga mamamayan. Ang polusyon ay isa sa mga sumisira ng ating kapaligiran. Huwag nating hayaang tuluyang masira ang ating mga kayamanang likas di lamang para sa turismo kundi para sa mga susunod na
Pilipino sa susunod na mga henerasyon. Samakatwid, magkaisa ang lahat upang mapreserv ang kagandahan ng mga kahanga-hangang tanawin o pook sa ating bansa. Kung hindi natin ito gagawin, ang turismo ay babagsak at tiyak na maaapektuhan ang ating ekonomiya.
0 comments:
Post a Comment