Thursday, November 25, 2010

MAGAGANDANG POOK SA PILIPINAS



Maraming turistang dumating sa Pilipinas. Di nila malaman kung saang panig ng Pilipinas sila magtutungo. Tatlong kinatawan ang inanyayahan upang maglahad ng kani-kanilang lalawigan:

Kinatawan ng Palawan: Ang amin pong lalawigan ng Palawan ang nagsisilbing tulay sa pagitan ng kultura ng mga Muslim sa Borneo at mga tradisyon ng mga Kristiyano sa Luson at Bisaya. Pumapangalawa ito sa pagkakaroon ng pinakamahabang densiti ng populasyon na umaabot lamang ng 35.4 tao sa bawat kilometro kuwadrado. Panlima po ang ang Palawan sa pinakamalaking pulo sa Pilipinas. Mayroon itong dugtung-dugtong na mga pulo na nakabuo ng tulay na lupa na may habang 120 kilometro mula Borneo hanggang Mindoro. Bulubundukin at maburol ang Palawan. Maraming tourist spots ang makikita rito. Ang Puerto Prinsesa na kabisera ng Palawan ang pinakamalaking bayan at sentrong komersyal ng rehyon. Mayaman din ito sa yamang pangisdaan. Ito ang lalawigan na tahanan ng mga pekulyar na hayop gaya ng mouse-deer. Dito rin matatagpuan ang kuweba ng Tabon na indikatibo ng kultura ng mga tao sa nanirahan sa Palawan mga 32,500 taon na ang nakaraan. Naririto rin ang iba’t ibang beach resorts na kilala sa buong bansa. Higit sa lahat, ang aming lalawigan ay kilala sa kalinisan at pagtataglay ng disiplina ng mga taong dito’y naninirahan. Halina po kayo sa aming ipinagmamalaking Palawan.

Kinatawan ng Cordillera Administrative Region (CAR): Ang lunsod Baguio ang ginawang kabisera sa tag-araw (summer capital) ng Pilipinas pagkat malamig ang klima rito. Paborito itong bakasyunan ng mga tagalunsod. Mararating ang lunsod Baguio sa pagdaan sa sigsag ng Daang Kenon mula sa Rosario, La Union o di kaya’y sa pagdaan sa Daang Naguillan na tinatalunton ang mga tagaytay ng mga bundok mula Bauang, La Union o kaya’y mula Daang Marcos na mula rin sa La Union. Bukod sa lunsod ng Baguio, ang iba pang atraksyong panturismo sa rehyon ay ang mga talon (waterfalls) at mga bukal sa Abra, ang Lambak ng Trinidad na may 200 piye ang kababaan sa Lunsod Baguio, ang Lungga sa Sagada, at ang itinuturing na isa sa 8th Wonders of the World na mga Terada ng palayan sa Banawe o ang Banawe Rice Terraces. Halina po kayo sa aming rehyon.

Kinatawan ng Batanes: Kung nais ninyong masaksihan ang isang lugar na katatagpuan ng kapaligirang tunay namang maipagmamalaki ay tayo na sa Batanes. Ang pulong-lalawigang ito ng rehiyon ay nasa pinakahilagang bahagi. Nabubuo ito ng dalawang pangunahing pangkat ng mga pulo – ang mga pulo ng Babuyan at Batan. Ang Babuyan Channel ang naghihiwalay sa mga pulo ng Batanes at Babuyan. Ang kabisera ng Batanes ay ang Basco, ang tanging bayan na di pa nalilinang sa larangan ng kalakalan. Ang mga bahay sa mga pulo ng Batanes ay mababa at yari sa bato pagkat ito’y daanan ng bagyo na nanggagaling sa Dagat Pasipiko. Ang populasyon dito ay umaabot lamang sa 15,000 (ayon sa tala noong 1990). Kung nais ninyong makita ang mga punong tunay na luntian, kapaligirang di pa nasisira ng kabihasnan, bulubunduking kagubatang sagana pa sa iba’t ibang uri ng hayop, sariwang hanging mula sa kapaligirang tila malapit sa kalangitan, tahimik na lugar na walang hibo ng populasyon, yan ang aming ipinagmamalaking Batanes.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved