Karapatan ng isang bansa ang maging malaya upang umunlad. Katulad ng tao, hindi rin sila magkakaroon ng pagkakataong umunlad kung walang mga karapatang ipagkaloob sa kanila.
Ang kababaihan, tulad din ng ibang mamamayan ay kinakailangang mahango sa isang mahirap na kalagayan upang malayang makalahok at makipag-ugnayan sa pambansang gawain. Ito ang naging simula upang sa kauna-unahang pagkakataon ay pagkalooban sila ng karapatang bumoto at maiboto.
Sang-ayon sa ika-5 Artikulo ng Konstitusyon ng 1935, ang karapatan ng mga babaing bumoto ay ipagkakaloob sa kanila kung sa plebisitong isasagawa sa loob ng dalawang taon matapos na mapagtibay ang konstitusyon ay hindi kukulangin sa 300,000 babae ang boboto nang ayon sa karapatan nilang bumoto. Maraming kababaihan noong panahong yaon ang natuwa sapagkat napansin din ng pamahalaan ang kanilang karapatan. Kaya nang sumapi ang ika-30 ng Abril, 1937 ay ginawa ang plebisito. Mahigit sa 450,000 kababaihan ang masayang nagpunta sa kani-kanilang presinto upang ipahayag ang pagsang-ayon sa karapatang ibinibigay sa kanila nang lubusan. Bagama’t humugit-kumulang sa 44,000 ang sumalungat, nakuha rin ng mga kababaihan ang karapatang bomoto at maiboto sapagkat lumampas sa hinihinging bilang ng Konstitusyon.
Ang bahaging ito ng kasaysayan ay naging hudyat upang maluklok sa iba’t ibang tungkuling pampamahalaan ang mga kababaihang itinuring na walang lakas sa mahabang panahon. Bukod dito’y kanilang napatunayang sila man katulad ng mga kalalakihan ay mabubuting lingkod ng bayan at hindi lamang anino sa likod ng tagumpay ng kanilang kabiyak kundi instrumento sa pagkakaroon ng mga mapayapa, maunlad, malaya at marangal na bansa.
0 comments:
Post a Comment