Friday, November 26, 2010

Kakaibang Kagandahan



Palibot ang Pilipinas ng naggagandahang tanawin. Mga tanawing tila nililok ng isang eskultor. Mga tanawing nilikha ng Panginoon para sa Kanyang mga nilalang. Dahil sa mga kagandahang natural na nakita, napagkaisahan ng angkang Escudero na ang kanilang Villa Escudero ay gawing isang lugar na panturismong makatutulong sa Ekonomiya ng bansa.

Isang malawak na pribadong plantasyon ng niyog na ang isang bahagi nito’y ginagawang resort at ibinukas sa publiko. Matatagpuan ito sa hangganan ng San Pablo, Laguna at Timog Quezon.

Sa pagbisita sa Villa Escudero, ipadarama na espesyal ka dahil sasalubungin ka ng mga karetelang hinihila ng kalabaw para ipasyal sa mga magagandang lugar nito. Habang nakasakay sa ginayakang fiesta-hitsura ng karitela, kakantahan ng mga katutubong awitin sa saliw ng gitara.

Isang museo na naglalaman ng mayamang koleksyong pangkasaysayan, pangkultura at personal na yaman ng pamilyang Escudero ang nakapagbabalik – gunita sa kaalamang pangkasaysayan ng ating bansa. Mayroon ding mga istatwang bato na naglalarawan ng mga tagpo sa mga alamat o sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga taganayon, mga upahang bahay na yari sa kawayan at nipa, kakaibang talon na inayos upang ang pagbagsak ng tubig ay haplos sa paanan habang kumakain sa mga mesang dito’y nakahilera at magagandang paliguan. Mga pagkaing – angkop sa panlasa ng mga Pilipino at tiyak na magugustuhan din ng mga banyaga ang dito’y inihahanda.

Hindi makukumpleto ang pagdalaw sa Villa Escudero kung hindi mapapanood ang isang pagtatanghal na nagpapakita ng kulturang Pilipino. Ipinakikita ito sa paraang pasayaw at paawit sa saliw ng mga tugtuging Pilipino. Kamangha-mangha ang kapaligiran. Animo’y isang baryo noong unang panahon. Mararamdamang tunay ang buhay lalawigan. Lugar na mararanasan ang kapayapaan ng loob at tunay na kasiyahan.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved