Friday, November 26, 2010

Bughaw … ang Panata ng Bayan


Nasyonalismo


Higit na malalakas na tinig ang dinadaluyan ng dugong makabayan. May matatayog na paninindigang naghari sa puso. Sinikap na di magbulagbulagan sapagkat di nais makita ang kawalang karunungang umiiral sa lipunan. Hindi nais na masaksihan nang susunod na henerasyon ang dinanas sa sariling lupa. Nais na kapag binigkas ang Pilipinas naging tunay nga itong lupang di lamang tahanan ng lahi manapa’y mapagkupkop at handang tumulong sa kanyang mamamayan sa pagkamit ng lakas ng sipag at ng dangal.

Sa pagitan ng mga Isla …. ng ihip ng hanging habagat at hampas ng alon sa dagat nalupig ni Lapu-lapu ang hukbo ni Magellan. Di sila nagpauto sa kinang ng pangako. Pinatunayang tagumpay ang tabak sa lahing nagkakaisa. Di kayang lupigin . Kagitingan sa pamamagitan ng katapangan ang kanyang ipinamalas kasama ng higit na makikisig ng Lahing Kayumanggi.

Sa pagitan ng mga rehas na bakal at ilaw ng lampara nagawang isatitik ng isang lumpo ang La Revolucion Filipina. Ginising nito ang makabayang damdamin ng mga Pilipino. Hindi inisip ang kanyang kalagayang – pisikal. Kagitingang ipinamalas ng Dakilang Lumpo na si Apolinario Mabini sa kaparaanang diplomatiko.

Sa kasaysayan, isang dakilang inang may katauhang kumilala sa batas ng Diyos, ng tao at ng lipunan ang nagsumikap sa tungkuling lumikha ng isang malusog na bukas. May tuntuning itinuro sa mga anak upang makaagapay sa mundong lubhang masalimuot at mapanganib. Itinatak sa puso ng mga anak ang matayog na pagpapahalagang ispiritwal, moral at sosyolohikal ng isang napagmalasakit na ina. Donya Teodora Alonzo, kabalikat ang pamilyang Rizal na maging matatag ang pagkatao ng mga anak kabilang si Jose sa pag-ukit ng mga pangarap hindi lamang sa sariling kapakanan ngunit higit sa lahat sa bayan. Kagitingang ipinamalas ng isang inang may pusong makabayan.

Sa pagdating ng mga ideyang liberal, kilusang sekularisasyon at pagpatay sa tatlong paring martir na sina Padre Gomez, Burgos at Zamora nagbigkis ng may kasiglahan ang mga Pilipino. Ipinakitang may simulain, tradisyon at mithiing makamit ang kalagayan ng bansa. Ang walang katwirang pagpatay kay Dr. Jose Rizal ay nagpagalit sa mga Pilipino lalo na sa mga katipunerong humanga sa pambansang bayani sapagkat hindi itinatwa na isang repormador. Kagitingang nagpapatunay na hindi lahat ay tulog sa nagbabagang kasaysayan ng lahi.

Ang malubhang kalagayan ng Pilipino ay nagsilbing mitsa upang ilunsad ang Kilusang Propaganda. Ipaglaban ang mga makatwirang mithiing Pilipino tungo sa pagtatamo ng demokrasya. Ipinakita ng mga Pilipinong bayani noon ang kahalagahan ng pagkakaisa at nasyonalismo. Ginawang pintakasi ng kanilang buhay ang kalayaan.

Marami na ang pumanaw na hindi namalas ang kalayaang pinangarap … mga pag-asang nalibing sa ulap sapagkat sa dilim hinanap ang kalayaan. Sa gitna ng dilim sila’y nangabuwal. Higit sa sanlibong makabayang paninindigang ipinamalas. Ang binhi ng kagitingan ay naisalin sa mga supling ng kahapon kaya’t may binhing bayani. Nagbuklod sa EDSA upang maipamalas na bughaw pa rin ang sagisag ng kagitingan na lalong umiigting sa gitna ng dilim at kawalang pag-asa. Bughaw pa rin ang simbolo ng kagitingan ng mga Pilipinong hindi hinayaang malagas ang tangkay ng panahong mapatunayan lamang ang kahalagahan ng panata sa bayan.

1 comments:

Anonymous said...

nakapaganda ng iyong pag sulat.. naradama ko ang bawat mensahe

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved