Thursday, November 25, 2010

BAYAN MUNA, BAGO ANG SARILI



Bayan muna, bago ang sarili, isang paksang napakalawak. Isang ideolohiyang kailangang-kailangan ng bansang Pilipinas sapagkat kailangang makaahon sa kasalukuyang kalagayan at umunlad sa hinaharap. May pagkakaisa ba tayo sa pagiging Pilipino? Wala tayong matatawag na isang pilosopiya bilang Pilipino datapwat ayaw natin ng karahasan.

Ayon sa iba, ang Pilipino raw ay tulad ng alimangong kung nauunahan ay pilit na naghahatak paibaba upang mapigil sa pagsulong ang nauuna sa kanya. Sabi naman ng ibang kababayan natin, tayong Pilipino ay mahilig mambato ng isang punong manggang hitik sa bunga.

Ito'y pinatutunayan ng maraming Pilipinong naririto sa atin at maging nasa ibang bansa. Kapuna-puna ang sakit ng kababayan natin sa paninira o pagpapahamak sa kapwa nilang nagsisikap na umunlad sa buhay. Tila sila nahihirapang makitang umaasenso ang buhay ng kapwa Pilipino. Tunay kayang di na maalis ito sa atin?

Dumating sa ating bansa ang mga Amerikano at sa kanilang impluwensya, tayo ay naging Amerikanisado. Lumala ang kaisipang kolonyal bagamat hindi lubusang nawala ang pag-asang pagpapaka-Pilipino para sa sariling karangalan, sariling identidad, at sariling pag-unlad.

Kapag nababasa ninyo ang "Bayan Muna, Bago ang sarili," makapagbibitiw kayo marahil ng tanong na "Bakit ngayon lamang ito? Dapat ay matagal na ito!"

Malaon na nating nabasa o narinig ang diwang ito. Sa pahayag ni Rizal sa kanyang El Filibusterismo sa pamamagitan ng tauhang si Isagani, nasabi niya ang ganito: "Kung nagkaroon na ako ng mga ganyang uban, Ginoo….at pag nilingon ko ang aking paningin sa nakaraan at nakita kong wala akong ginawa kundi ang ukol sa mga mamamayang tumutulong sa aking kabuhayan, ay hindi ko sila ikararangal bagkus ikahihiya.:" Totoong lahat ang mga kaisipang binanggit.

Batay naman sa pahayag ni Apolinario Mabini: "Pagsumikapan mo ang kaligayahan ng iyong bayan muna kaysa sa sarili mo; gagawin mo siyang maging kaharian ng katwiran, ng katarungan, at ng paggawa; pagkat ang bayan mo'y maligaya, ikaw at sampu ng iyong pamilya ay magiging maligaya rin."

Makabuluhan ang lohika sa isang Pilipino sapagkat ito ay makatutulong sa pagpapaunlad ng buhay tungo sa pagsulong ng bansa. Sa hangarin nating mapagbago ang ating kalagayang pambansa, makabubuti marahil na magkaroon tayo ng pagsusuri ng ating sarili, paglilimi o pagmumuni-muni, pagpapabuti ng media, pagkakaroon ng malinaw na konsepto ng ating sarili, at iba pa. Samakatwid huwag nating hintaying mahuli tayo sa ating kamay nakasalalay ang ating bayan, kaya itanong sa sarili, alin ang aking uunahin - ang bayan o ang sarili?

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved