(Tula/Pampango)
Salin ni Oliva P. Dantes ng
“PABANUA” ni
Diosdado Macapagal
Isang taon ngayon ng iyong pagpanaw
Tila kahapon lang nang ikaw’y lumisan;
Subalit sa akin ang tanging naiwan,
Mga alaalang di-malilimutan.
Kung ako’y nasa pook na limit dalawin
Naaalala ko ang ating paggiliw;
Tuwa’y dumadalaw sa aking paningin
Kung nagunita kong tayo’y magkapiling.
Kung minsan sadya kong dalawin ang bahay
Na kung saan unang tayo’y nag-ibigan;
Sa bakura’t bahay, sa lahat ng lugar,
Itong kaluluwa’y hinahanap ikaw.
Sa matandang bahay napuno ng saya
Sa araw na iyo’y pinagsaluhan ta;
Ang biyayang saglit, kung nababalik pa
Ang ipapalit ko’y ang aking hininga.
Bakit ba, mahal ko, kay-agang lumisan
At iniwan akong sawing – kapalaran
Hindi mo ba talos, kab’yak ka ng buhay
At sa pagyaon mo’y para ring namatay?
Marahil tinubos ka ni Bathala
Upang sa isipa’y hindi ka tumanda;
At ang larawan mo sa puso ko’t diwa
Ay manatiling maganda at bata.
Sa paraang ito, kung nagkaedad na
Ang puting buhok ko’y di mo makikita:
At ang larawan kong tandang-tanda mo pa,
Yaong kabataan taglay na tuwina.
At dahil nga rito, ang pagmamahalan
Ay hanggang matapos ang kabataan;
Itong alaala ay lalaging buhay,
Lalaging sariwa sa kawalang, hanggan.
Kaya, aking mahal, sa iyong pagpanaw
Tayo’y nagtagumpay sa dupok ng buhay;
Ang ating pagsintang masidhi’t marangal
Hindi mamamatay, walang katapusan.
Ang kaugalian ng ninuno natin
Isang taon akong magluluksa mandin;
Ngunit ang puso ko’y sadyang maninimdim;
Hanggang kalangitan tayo’y magkapiling.
3 comments:
ang ganda ng tula..
wala po ba kau ng tulang babang luksa na ang gamit ay sa wikang pampango?
hmp..ganda ng tula na napaka haba ^_^
Post a Comment