Tuesday, November 23, 2010

WALANG SUGAT



(Ni Severino Reyes)

Unang Bahagi

I TAGPO

(Tanggapan ng bahay ni Julia. Si Julia at ang mga bordador Musika)

Koro : Ang karayom kung iduro

ang daliri’y natitibo,

kapag namali ng duro

burda nama’y lumiliko.

Julia : Anong dikit, anong inam

ng panyong binuburdahan,

tatlong letrang nag-agapay

na kay Tenyong na pangalan.

Koro : Ang karayom kung itirik

tumitimo hanggang dibdib.

Julia : Piyesta niya’y kung sumipot

panyong ito’y iaabot,

kalakip ang puso’t loob,

ng kaniyang tunay na lingkod.

Si Tenyong ay mabibighani

sa dikit ng pagkagawa

mga kulay na sutla,

asul, puti at pula.

Panyo’y dito ka sa dibdib,

sabihin sa aking ibig

na ako’y nagpapahatid

isang matunog na halik

Koro : Ang karayom kung iduro

ang daliri’y natitibo.

Hoy tingnan ninyo si Julia

pati panyo’y sinisinta,

kapag panyo ng ibig

tinatapos na pilit

nang huwag daw mapulaan

ng binatang pagbibigyan:

ang panyo pa’y sasamahan

ng mainam na pagmamahal.

At ang magandang pag-ibig

kapag namugad sa dibdib

nalilimutan ang sakit

tuwa ang gumigiit.

Mga irog natin naman

sila’y pawang paghandugan

mga panyong mainam

iburda ang kanilang pangalan.

Julia : Piyesta niya’y kung sumipot

panyong ito’y iaabot

kalakip ang puso’t loob

ng kaniyang tunay na lingkod.

Koro : Nang huwag daw mapulaan

ng binatang pagbibigyan

ang panyo pa’y sasamahan

ng mainam na pagmamahal.

Salitain

Julia : Ligpitin na ninyo ang mga bastidor at kayo’y mangagsayaw na. (Papasok ang magsisikanta.) (Lalabas si Tenyong).

II TAGPO

(Tenyong at Julia…)

Salitain

Tenyong: Julia, tingnan ko ang binuburdahan mo…

Julia : Huwag na Tenyong, huwag mo nang tingnan, masama ang pagkakayari, nakakahiya…

Tenyong: Isang silip lamang, hindi ko hihipuin, ganoon lang?…ay…

Julia : Sa ibang araw, pagkatapos na, oo, ipakikita ko sa iyo.

Tenyong: (Tangan si Julia sa kamay) Ang daliri bang ito na

hubog kandila, na anaki’y nilalik na maputing garing,

ay may yayariin kayang hindi mainam? Hala na, tingnan ko lamang.

Julia : Huwag mo na akong tuyain, pangit nga ang mga daliri ko.

Tenyong: (Nagtatampo) Ay!…

Julia : Bakit Tenyong, napagod ka ba? (Hindi sasagot). Masama ka palang mapagod.

Tenyong: Masakit sa iyo!

Julia : (Sarili) Nagalit tuloy! Tenyong, Tenyong… (Sarili) Nalulunod pala ito sa isang tabong tubig!

Tenyong: Ay!

Julia : (Sarili) Anong lalim ng buntong hininga! (Biglang ihahagis ni Julia ang bastidor).

(Sarili) Lalo ko pang pagagalitin!

Tenyong: (Pupulutin ang bastidor at dala). Julia, Julia ko. (Luluhod) Patawarin mo ako; Hindi na ako nagagalit…

Julia : Masakit sa aking magalit ka at hindi. Laking bagay!

Tenyong: Lumalaganap sa dibdib ko ang masaganang tuwa, narito at nakikita ko na minarapat mong ilimbag sa panyong ito ang pangalan ko.

Julia : Hindi ah, nagkakamali ka, hindi ukol sa iyo ang panyong iyan…

Tenyong: Sinungaling! At kaninong pangalan ito? A. Antonio; N. Narciso, at F. ay Flores.

Julia : Namamali ka, hindi mo pangalan iyan.

Tenyong: Hindi pala akin at kanino nga?

Julia : Sa among! Iya’y iaalay ko sa kanya ngayong kaarawan ng pasko.

Tenyong: Kung sa among man o sa demonyo, bakit ang letra’y A, N, at F?

Julia : Oo nga sapagkat ang A, ay Among, ang N, Natin at ang F, ay Frayle.

Tenyong: Among Nating Frayle, laking kaalipustaan! Huwag mo akong aglahiin nang tungkol sa mga taong iyan at madaling magpanting ang tainga ko.

Julia : Nakaganti na ako! (Dudukutin ni Tenyong sa kanyang bulsa ang posporo at magkikiskis maraming butil at nang nag-aalab na magsasalita.)

Tenyong: Julia, magsabi ka ng katotohanan, para sa kura nga ba? Kapag hindi ko sinilaban, ay ….sinungaling ako…mangusap ka. Susulsulan ko na? (Anyo nang sisilaban).

Musika No. 2

Julia : Huwag mong silaban ang tunay mong pangalan.

Tenyong: Sa pagkakasabi mong sa kurang sukaban nagising ang galit at di mapigilan.

Julia : Hindi maghahandog sa lahi ni Satan, ang panyong iyan ay talagang iyo, sampu ng nagburdang si Juliang iniirog mo.

Tenyong: Salamat, salamat, Juling poon ko.

Julia : Oh, Tenyong ng puso, Oh, Tenyong ng buhay ko.

Tenyong: Pag-iibigan ta’y kahimanawari lumawig na tunay at di mapawi paglingap mo sa akin kusang mamalagi huwag malimutan sa tuwi-tuwi…

Tenyong: Julia ko’y tuparin adhikain natin.

Julia : Tayo’y dumulog sa paa ng altar.

Tenyong: Asahan mo.

Sabay : Di mumunting tuwa dito’y dumadalaw, ano pa’t wari di na mamamatay sa piling mo oh! (Tenyong) niyaring buhay (Julia) di na maalaalang may kabilang buhay…. (Lalabas si Juana).

III TAGPO

(Tenyong, Julia, at Juana mamaya’y Lukas)

Salitain

Juana : Julia, Julia, saan mo inilagay ang baro kong makato? (Nagulat si Julia at si Tenyong)

(Lalabas si Lukas)

Lukas : Mamang Tenyong, Mamang Tenyong…!

Tenyong: Napaano ka, Lukas?

Lukas : Dinakip po ang Tatang mo ng Boluntaryo ng Santa Maria.

Tenyong: Diyatat dinakip si Tatang?

Lukas : Opo.

Tenyong: Saan kaya dinala?

Lukas : Sa Bulakan daw po dadalhin.

Tenyong: Tiya, ako po paparoon muna’t susundan si Tatang.

Juana : Hintay ka sandali at kami’y sasama. Julia, magtapis ka…(Magsisipasok sina Juana, Julia, Magtapis ka… (Magsisipasok sina Juana, Julia, at Lukas).

Tenyong: Oh, mundong sinungaling! Sa bawat sandaling ligayang tinatamo ng dibdib, ay tinutungunan kapagdaka ng matinding dusa! Magdaraya ka! Ang tuwang idinudulot mo sa amin ay maitutulad sa bango sa bulaklak, na sa sandaling oras ay kusang lumilipas!

(Telong Maikli)

Kalye

IV TAGPO

(Musika)

Koro at Lukas

Lukas : Tayo na’t ating dalawin mga tagarito sa atin.

Koro : Dalhan sila ng makakain at bihisan ay gayundin.

Isang Babae: Naubos na ang lalaki.

Lahat ng Babae: Lahat na’y hinuhuli mga babae na kami.

Lukas : Marami pang lalaki.

Lahat ng Lalaki: Huwag kayong malumbay…kami’y nasasa bahay at nahahandang tunay, laan sa lahat ng bagay….

Lahat ng Babae: (Sasalitain) Mga lalaking walang damdam, kaming babae’y pabayaan, di namin kayo kailangan.

Isang Lalaki: Makikita ko si Tatang.

Isang Lalaki: Kaka ko’y gayundin naman.

Isang Babae: Asawa’y paroroonan.

Isang Babae: Anak ko’y nang matingnan.

Lahat : Tayo na’t sumakay sa tren bumili pa ng bibilhin at sa kanila’y dalhin masarap na pagkain.

Mga Babae: Tayo, tayo na.

Lahat : Sumakay sa tren.

Mga Lalaki: Doon sa estasyon.

Lahat : Ating hihintin. (Papasok lahat)

(Itataas ang telong maikli)

V TAGPO

(Bilangguan sa Bulakan, patyo ng Gobyerno, maraming mga bilanggong nakatali sa mga rehas.)

(Ang mga prayle at si Marcelong Alkalde.)

Salitain

Relihiyoso 1.0.: Ah, si Kapitan Luis! Ito tagaroon sa amin; masamang tao ito…

Marcelo : Mason po yata, among?

Relihiyoso 1.0: Kung hindi man mason, marahil filibustero, sapagka’t kung siya sumulat maraming K, cabayo K.

Marcelo: Hindi po ako kabayo, among!

Relihiyoso 1.0: Hindi ko sinasabing kabayo ikaw, kundi, kung isulat niya ang kabayo may K, na lahat ng C pinapalitan ng K. Masamang tao iyan, mabuti mamatay siya.

Relihiyoso 2.0.: Marcelo, si Kapitan Piton, si Kapitan Miguel, at ang Juez de Paz, ay daragdagan ng rasyon.

Marcelo: Hindi sila makakain eh!

Relihiyoso 1.0: Hindi man ang rasyon ang sinasabi ko sa iyo na dagdagan, ay ang pagkain, hindi, ano sa akin kundi sila kumain? Mabuti nga mamatay silang lahat. Ang rasyon na sinasabi ko sa yo ay ang palo, maraming palo ang kailangan.

Marcelo: Opo, among, hirap na po ang mga katawan nila at nakaaawa po namang mangagsidaing; isang linggo na pong paluan ito, at isang linggo po namang walang tulog sila!

Relihiyoso 2.0: Loko ito! Anong awa-awa? Nayon walan awa-awa, duro que duro-awa-awa? Ilan kaban an rasyon? Ang rasyon nan palo, ha.

Marcelo: Dati po’y tatlong kaban at maikatlo sa isang araw na tinutuluyan, ngayon po’y lima ng kaban, at makalima po sa isang araw.

Relihiyoso 2.0: Samakatwid ay limang beses 25, at makalimang 125, ay Huston 526 (binibilang sa daliri). Kakaunti pa! (bibigyan si Marcelo ng kuwalta at tabako).

Marcelo: Salamat po, among!

Relihiyoso 1.0: Kahapon ilan ang namatay?

Marcelo: Walo po sana, datapwa’t nang mag-uumaga po ay pito lamang.

Relihiyoso 1.0: Bakit ganoon? (gulat).

Marcelo: Dahil po, ay si Kapitang Innggo ay pinagsaulan ng hininga.

Relihiyoso 1.0: Si Kapitan Inggo pinagsaulan ng hininga! Narito si Kapitana Putin, at ibig daw makita si Kapitan Inggo na asawa niya. Kung ganoon ay hindi na mamamatay si Kapitan Inggo?

Marcelo: Mamamatay pong walang pagsala: wala na pong laman ang dalawang pigi sa kapapalo, at ang dalawang braso po’y litaw na ang mga buto, nagigit sa pagkakagapos.

Relihiyoso 1.0: May buhay-pusa si Kapitan Inggo! Saan naroroon ngayon?

Marcelo: Nariyan po sa kabilang silid, at tinutuluyan uli ng limang kaban.

Relihiyoso 1.0: Mabuti, mabuti, Marcelo huwag mong kalilimutan, na si Kapitan Inggo ay araw-araw papaluin at ibibilad at bubusan nang tubig ang ilong, at huwag bibigyan ng mabuting tulugan, ha?

Marcelo: Opo, Among

(Sa mga kasama niya) CompaƱeros, habeis traido el dinero para el Gobernador?

Relihiyoso 2, 3, 4: Si, si, hemos traido.

Relihiyoso 1.0: Marcelo, dalhin dito si Kapitan Inggo.

Marcelo: Hindi po makalakad, eh!

Relihiyoso 1.0: Dalhin dito pati ang papag.

Relihiyoso 2.0: Tonto.

Tadeo: Bakit ka mumurahin?

Juana: Kumusta po naman kayo, among?

P. Teban: Masama, Juana, talaga yatang itong pagkabuhay namin ay lagi na lamang sa hirap, noong araw kami ay walang inaasahan kundi kaunting suweldo dahil sa kami’y alipin ng mga prayle; ngayon nga, kung sa bagay ay kami na ang namamahala, wala naman kaming kinikita; wala nang pamisa, mga patay ay hindi na dinadapit; ngayon ko napaglirip na ang mga kabanalang ginawa ng mga tao noong araw ay pawang pakunwari at pakitang-tao lamang alinsunod sa malaking takot sa mga prayle.

Juana: Totoo po ang sabi mo.

P. Teban: Kaya, Juana, di-malayong kaming mga klerigo ay mauwi sa pagsasaka, tantuin niyong kaming mga pari ay hindi mabubuhay sa panay na hangin.

Juana: Bakit dami mo pong mga pinakakaing mga pamangking dalaga?

P. Teban: Siya nga, ulilang inaampon ko.

Miguel: Ay! Aling Julia…ay..ma…ma…malapit na po….

Julia: Alin po ang malapit na?

Miguel: Ang…ang…ang…

Julia: (Sarili) Ano kaya ang ibig sabihin nito?

Tadeo: Miguel, tayo na’t nagkayari na kami ng kaniyang ina.

Miguel: Ay…salamat (tuwang-tuwa)

Julia: (Sarili) Ipinagkayari na pala ako ni Inang?

Tadeo: Ano ba ang sinabi mo?

Miguel: Sinabi ko pong… ay Julia! Ay, Aling Julia! Ay, Julia ko!

Tadeo: Wala ka nang nasabi kundi pulos na “ay”? Hindi ka nagpahayag ng pagsinta mo?

Miguel: Sinabi ko pong malapit na….

Tadeo: Malapit na ang alin?

Miguel: Itinatanong nga po sa akin kung alin ang malapit na eh, hindi ko po nasagutan…

Tadeo: Napakadungo ka! Ay Ige, tayo na’t baka ka pa mahalata….

Relihiyoso 1.0: Kapitana Putin, mana dalaw, parito kayo.

(Magsisilabas ang mga dalaw).

VI TAGPO

(Mga Relihiyoso, Putin, Juana, Julia, Tenyong at mga dalaw, babae at lalaki.)

Salitain

Relihiyoso 1.0: Kapitana Putin, ngayon makikita mo na ang tao mo, dadalhin dito, at sinabi ko sa Alkalde na huwag nang papaluin, huwag nang ibibilad at ipinagbilin ko na bibigyan na ng mabuting tulugan…

Putin: Salamat po, among.

Relihiyosa 1.0: Kami ay aakyat muna sandali sa Gobernador, at sasabihin namin na pawalan, lahat ang mga bilanggo, kaawa-awa naman sila.

Putin: Opo, among, mano na nga po…. Salamat po, among. (Mangagsisihalik ng kamay, si Tenyong ay hindi at ang mga ibang lalaki.)

Relihiyoso 1.0: (Sa mga kasama) Despues de ver el Gobernador..a Manila, cogemeros el tren en la Estacion de Guiguinto, es necesario deciral General que empiece ya a fusilar a los ricos e ilustrados de la provincia, porque esto va mal.

Relihiyoso 2.0: Ya lo creo que va mal.

Los 3: Si, si a fuislar, a fusilar.

(Papasok ang mga pare.)

VII TAGPO

(Sila rin, wala na lamang ang mga relihiyoso.)

Salitain

Putin: Tenyong, kaysama mong bata, bakit ka hindi humalik ng kamay sa among?

Tenyong: Inang, ang mga kamay pong….namamatay ng kapwa ay hindi dapat hagkan, huwag pong maniniwalang sasabihin niya sa Gobernador na si tatang ay pawalan, bagkus pa ngang ipagbibiling patayin na ngang tuluyan. (Sarili). Kung nababatid lamang ng mga ito ang pinag-usapan ng apat na lilo! Nakalulunos ang kamangmangan!

(Ipapasok si Kapitang Inggo na nakadapa sa isang papag na makitid.)

Putin: Inggo ko!

Tenyong: Tatang!

Julia: Kaawa-awa naman!

Tenyong: Mahabaging Langit!

Musika

Tenyong: Ang dalawang braso’y gitgit na ang laman, naglabas ang buto sa mga tinalian, lipos na ang sugat ang buong katawan, nakahahambal! Ay! Ang anyo ni amang! Ang lahat ng ito’y gawa ng pari na sa Pilipinas siyang naghahari lalang ni Lusiper sa demonyong lahi kay Satang malupit nakikiugali…Ah, kapag ka namatay oh, ama kong ibig, asahan mo po at igaganting pilit kahit na ano ang aking masapit, sa ulo ng prayle isa sa kikitil.

Salitain

Tenyong: Tatang, ikaw po’y ititihaya ko nang hindi mangalay…

Inggo: Huwag na….anak ko….hindi na maaari…luray luray na ang katawan…Tayo’y maghihiwalay na walang pagsala! Bunso ko, huwag mong pabayaan ang inang mo!

Putin, ay Putin…Juana-Julia…kayo na lamang ang inaasahan kong kakalinga sa kanila….Ang kaluluwa ko’y inihain ko na kay Bathala.

Tenyong: Diyos na may kapangyarihan! Ano’t inyong ipinagkaloob ang ganitong hirap? (Dito lamang ang pasok ng kantang “Ang dalawang braso’y…”)

Musika No. 2

Tenyong: Ang dalawang braso’y gitgit na ang laman, naglabas ang buto sa mga tinalian, lipos na ng sugat ang buong katawan, nakahahambal, ay! Ang anyo ni Amang! Ang lahat ng ito’y gawa ng pari na sa Pilipinas siyang naghahari, lalang ni Lucifer sa demonyong lahi kay Satang malupit nakikiugali. Ah! Kapag namatay ka, oh, ama kong ibig, asahan mo po’t igaganting pilit kahit na ano ang aking masapit sa ulo ng prayle, isa sa kikitil.

Julia: Taya ng loob ko at binabanta-banta mga taong iya’y tadtarin man yata lahat niyang laman, buto sampung taba, di makababayad sa utang na madla.

(Mga babae’t lalaki)

Di na kinahabagan kahit kaunti man, pariseos ay daig sa magpahirap.

Tenyong: Oo’t di matingnan puso ko’y sinusubhan sa ginawa kay amang ng mga taong hunghan…..Ang awa’y nilimot sa kalupitan….

Lalaki’t babae: Wari mukha nang bangkay….

Salitain:

Tenyong: Inang, masdan mo po….at masama ang lagay ni tatang,,,Inang, tingnan mo’t naghihingalo….Tatang, tatang….

Putin: Inggo ko..Inggo…

Tenyong: Patay na!

(Mangagsisihagulgol ng iyak)

(Telong Maikli)

VIII TAGPO

(Sila ring lahat , wala lamang si Kapitang Inggo, ang Alkalde, at mga bilanggong nangakagapos.)

Salitain.

Putin: Tenyong, hindi yata ako makasasapit sa atin! Julia, nangangatal ang buong katawan ko! Nagsisikip ang aking dibdib! Ang sakit ay taos hanggang likod! Ay, Tenyong, hindi ako makahinga! Ang puso ko’y parang pinipintpit sa palihang bakal!

(Si Putin ay mapapahandusay).

Tenyong: Langit na mataas!

(Papasok lahat)

IX TAGPO

(Tenyong at mga kasamang lalaki, mamaya’y si Julia.)

Salitain.

Tenyong: Mga kasama, magsikuha ng gulok, at ang may rebolber ay dalhin.

Isa: Ako’y mayroong iniingatan.

Isa pa: Ako ma’y mayroon din.

Tenyong: Tayo na sa estasyon ng Guiguinto.

Isa: Nalalaman mo bang sila’y mangagsisilulan?

Tenyong: Oo, walang pagsala, narinig ko ang salitaan nila, at nabatid ko tuloy nasasabihin daw nila sa Heneral na tayo’y pagbabarilin na.

Isa: Mga tampalasan.

Isa pa: Walang patawad!

(Nang mangagsiayon, si Tenyong ay nakahuli sa paglakad, sa lalabas si Julia)

Julia: Tenyong, Tenyong!

Tenyong: Julia!

Julia: Diyata’t matitiis, na ina’y lisanin mo sa kahapishapis na anyo? Di ba nalalaman mong sa kaniya’y walang ibang makaaaliw kundi ikaw, at sa may damdam niyang puso, ay walang lunas kundi ikaw na bugtong na anak? Bakit mo siya papanawan?

Tenyong: Julia, tunay ang sinabi mo; datapwa’t sa sarili mong loob, di ba si inang ay kakalingain mong parang tunay na ina; alang-alang sa paglingap mo sa akin? Sa bagay na ito, ano ang ipag-aalaala ko?

Julia: Oo nga, Tenyong, nguni’t hindi kaila sa iyo na ang maililingap ng isang lalaking kamukha mo ay di maititingin ng isang babaing gaya ko. Tenyong, huwag kang umalis!

Tenyong: Julia, hindi maaari ang ako ay di pasa-parang; ako ay hinihintay ng mga kapatid, Julia, tumugtog na ang oras ng pananawagan ng naaaping ina, sa pinto ng nagpaubayang anak; ang ina natin ay nangangailangan ng tunay nating pagdamay; dito sa dibdib ko’y tumitimo ang nakalulunos niyang himutok, ang nakapanlulumo niyang daing: “Mga anak ko,” anya, “ngayo’y kapanahunang ako’y ibangon na ninyo sa pagkalugami. Oras na, Julia ko, ng paglagot ng matibay na tanikalang mahigpit sa tatlong daang taong sinasangayad; hindi dapat tulutang…mga iaanak natin ay magising pa sa kalagim-lagim na kaalipin.

Julia: Wala akong maitututol, tanggapin na lamang ang huling tagubilin! (Huhubarin ang gargantilyang may medalyita; tangnan at isusuot kay Tenyong ang gargantilya;) Ang larawang ito’y aking isasabit sa tapat ng puso’y huwag iwawaglit at sa mga digma, kung siya’y masambit ipagtanggol ka sa mga panganib. /Kung saka-sakaling irog ko’y masaktan, pahatid kang agad sa aking kandungan. Ang mga sugat mo’y aking huhugasan ng masaganang luhang sa mata’y nunukal.

Tenyong: Sa Diyos nananalig.

Julia: Puso ko’y dinadalaw ng malaking hapis.

Tenyong: Huwag mamanglaw. Huwag ipagdusa ang aking pagpanaw.

Tenyong: Huwag mamanglaw. Huwag ipagdusa ang aking pagpanaw.

Julia: Mangungulimlim na ang sa matang ilaw.

Tenyong: Ang ulap Julia ko’y di mananatili. Darating na ibig, ang pagluluwalhati.

Julia: Tenyong na poon ko’y kahimanawari. Magliwayway uli’t dilim ay mapawi.

Tenyong: Huwag nang matakot, huwag nang mangamba. Ako’y tutupad lang ng aking panata sa pakikianib sa mga kasama. Aming tutubusin, naaliping ina. Ikaw irog ko’y aking itatago sa loob ng dibdib, sa tabi ng puso. Nang hindi malubos ang pagkasiphayo sa mga sakuna, ikaw’y kalaguyo. (Titigil) Yayao na ako!

Julia: Ako’y lilisanin? Balot yaring puso ng matinding lumbay, bumalik ka agad nang di ikamatay.

Tenyong: Juling aking sinta!

Julia: Oh, Tenyong ng buhay!

Tenyong: (Anyong aalis) (Sarili) Kaawa-awa! (Tuluyang aalis.)

Julia: (Biglang lilingon) Te…! Yumao na! (Papasok)

X TAGPO

(Tugtuging nagpapakilala ng damdamin. Pagdating ng bahaging masaya ay maririnig ang sigawan sa loob. Mga prayle at mga kasama ni Tenyong at si Tenyong.)

Sa loob.

Mga lahi ni Lucifer! Magsisi na kayo’t oras na ninyo! Ikaw ang pumatay sa ama ko-Perdon! Walang utang na di pinagbayaran! (Hagaran at mapapatay ang mga prayle, isa ang mabibitin na sasama sa tren.)

(Telon)

Wakas ng Unang Bahagi

Ikalawang Bahagi

I TAGPO

(Bahay ni Julia)

(Julia at Juana)

Salitain

Juana: Julia, igayak ang loob mo; ngayon ay paparito si Miguel at ang kanyang ama, sila’y pagpapakitaan nang mainam.

Julia: Kung pumarito po sila, ay di kausapin mo po!

Juana: Bakit ba ganiyan ang sagot mo?

Julia: Wala po!

Juana: Hindi naman pangit, lipi ng mabubuting tao, bugtong na anak at nakaririwasa, ano pa ang hahangarin mo?

Julia: Ako po, inang ko, ay hindi naghahangad ng mga kabutihang tinuran mo, ang hinahangad ko po ay….

Juana: Ay ano? Duluhan mo, sabihin mo at nang matalastas ko.

Julia: Ang tanggapin pong mahinusay ng puso ko.

Juana: (Natatawa) Julia, ako’y natatawa lamang sa iyo, ikaw ay bata pa nga – anong pusu-puso ang sinasabi mo? Totoo nga’t noong unang dako, kapag may lalaking nangingibig , ay tinatatanggap ng mga mata at itinutuloy sa puso, at kung ano ang kaniyang tibok ay siyang sinusunod datapwa’t gayo’y iba na, nagbago nang lahat and lakad ng panahon, ngayo’y kung may lalaking nangingibig ay tinatanggap ng mga mata at itinutuloy sa puso, at kung ano ang kaniyang tibok ay siyang sinusunod datapwa’t ngayo’y iba na, nagbago nang lahat ang lakad ng panahon , ngayo’y kung may lalaking nangingibig ay tinatanggap ng mga mata at itinutuloy dito (hihipuin ang noo) dito sa isip at di na sa puso; at kung ano ang pasya ng isip ay siyang paiiralin: ang puso sa panahong ito ay hindi na gumaganap ng maganda niyang katungkulan, siya’y nagpapahingalay na…

Julia: Nakasisindak, inang ko, ang mga pangungusap mo!

Juana: Siyang tunay!

Julia: Ako po’y hindi makasunod sa masamang kalakaran ng panahon, dito po ako makatatakwil sa tapat na udyok ng aking puso.

Juana: Julia, tila wari . . . . may kinalulugdan ka nang iba.

Julia: Wala po!

Juana: Kung wala ay bakit ka sumusuway sa aking iniaalok? Nalaman mo na, ang kagalingan mong sarili ang aking ninananais. Ang wika ko baga, ay bukas-makalawa’y mag-aasawa ka rin lamang… ay kung mapapasa-moro, ay mapasa-Kristiyano na!

(Papasok)

Julia: (Sarili) Moro yata si Tenyong!

II TAGPO

(Julia at Monica)

Salitain

Julia: Monicaaaaaaaaaa, Monicaaaaaaaaaa

Monica: (Sa loob) Pooo!

Julia: Halika-Lalabas si Monica)

Pumaroon ka kay Lukas, sabihin mong hinihintay ko siya;

madali ka…..

Monica: Opo (Papasok)

III TAGPO

(Julia-mamaya’y Miguel, Tadeo, Pari Teban, at Juana)

Musika

Dalit ni Julia

Oh, Tenyong niyaring dibdib,

diyata' ako’y iyong natiis

na hindi mo na sinilip

sa ganitong pagkahapis.

Ay! Magdumali ka’t daluhan,

tubusin sa kapanganiban,

huwag mo akong bayaang

mapasa ibang kandungan.

Halika, Tenyong, halika,

at baka di na abutin

si Julia’y humihinga pa…

papanaw, walang pagsala!

At kung patay na abutin

itong iyong nalimutan

ang bangkay ay dalhin na lamang

sa malapit na libingan.

Huling samo, oh! Tenyong,

kung iyo nang maibaon

sa malungkot na pantiyon,

dalawin minsan man isang taon.

Salitain

P. Teban: (Pumalakpak) Mabuti ang dalit mo Julia…

datapwa’t na pakalumbay lamang…

Julia: (Gulat) Patawarin po ninyo at hindi ko nalalamang kayo’y nangagsirating…Kahiya-hiya po.

P. Teban: Hindi; hindi kahiya-hiya, mainam ang dalit mo. Ang inang mo?

Julia: Nariyan po sa labas: tatawagin ko po. (Papasok).

P. Teban: Magandang bata si Julia, at mukhang lalabas na mabuting asawa….Marunong kang pumili, Miguel.

Tadeo: Ako, among, ang mabuting mamili, si Miguel po’y hindi maalam makiusap. (Lalabas si Juana).

Juana: Aba, narito pala ang among! Mano po, among.

P. Teban: Ah, Juana, ano ang buhay-buhay?

Juana: Mabuti po among.

Tadeo: (Kay Miguel) Lapitan mo.

Miguel: Baka po ako murahin ah!

4 comments:

jhanice said...

this site save my day!!! <3

Anonymous said...

thanks for this site

this site will save my grade hehehe!



danica is my nym

DANICA said...

THANKS

micksz renolla said...

woahh... thanks... laking ginhawa ei ;)

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved