UNANG PANGKAT:
Ang edukasyon ng mga Pilipino sa mga paaralan ay naisakatuparan sa tulong ng dalawang banyagang wika: ang Kastila noong ikalabimpito, ikalabinwalo at ikalabinsiyam na dantaon at ang Ingles noong ikadalawamnpung dantaon. Masasabi tuloy na halos lahat ng mga mahahalagang naisakatuparan o naisagawa ng mga Pilipino noong panahong iyon ay naganap sa tulong ng mga wikang Kastila at Ingles. Bagamat ang pagbuo ng pambansang wika ay nasimulan noong 1935 sa ating Konstitusyon, noon lamang pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na ang kilusan sa pagtuturo ng katutubong wika sa mga Pilipino ay napagtuunan ng atensyon.
Nalalaman ng mga mapag-isip na Pilipino ang kahalagahan ng wikang Ingles sa kanilang buhay; ngunit natatanto rin nila na hindi ito ang pangunahing wika ng mamamayan dahil sa ang makalidad na edukasuyon ay matatamo lamang sa antas tersyarya. Karamihan sa mga Pilipino ay di-matanggap-tanggap ang wikang Ingles. Kailangang magkaroon ng isang wikang makabubuti para sa lahat ng Pilipino. Ang wikang ito ay ang Filipino.
IKALAWANG PANGKAT:
Kamangha-mangha ang pagbabago sa ekspektasyon ng mga Pilipino sa istatus, tungkulin at gampanin ng Filipino. Nagsimula wari’y isang bungang-tulog noong 1935 ang pambansang wika ng lahat ng Pilipino. Noon una’y wala pa itong pangalan at nakikilala lamang bilang “pambansang wika”. Ipinakilala ito bilang isang asignatura sa ikaapat na taon sa mataas na paaralan gayon din sa mga magtatapos sa kursong edukasyon noong 1940.
Ginawa rin itong asignatura sa lahat ng mga paaralan noong 1946. Tinawag itong Pilipino noong 1959 ng kalihim ng Edukasyon (hindi sa batas ng Konggreso) upang maiba ito sa batayang Tagalog. Isa pang dahilan ay upang maging pambansang pagkakakilanlan din ito. Ang Kagawaran ng Edukasyon at Kultura ay siyang nagdeklara sa Pilipino na kapantay ng Ingles sa bisa ng Patakarang Edukasyong Bilinggwal. Ginamit itong midyum ng pagtuturo sa lahat ng asinatura maliban sa Agham aat Matematika sa lahat ng paaralan at pamantasan noong 1974.
IKATLONG PANGKAT:
Ang Konstitusyon ng 1973 ang nagdeklara sa Pilipino bilang opisyal na wika at hindi bilang pambansang wika. Ang pangyayaring ito’y naging kakaiba sa Pilipinas bilang bansang walang pambansang wika.
Noong 1987, isinaad sa Konstitusyon na tatawaging Filipino ang pambansang wika ng Pilipinas. Simula noong taong akademikong 1989-1990, ang pangunahing universidad sa Pilipinas – ang Universidad ng Pilipinas ay nagsimula sa kanilang limang taong programa upang gawing Filipino ang pangunahing midyum ng pagtuturo. Pinalitan nila ng Filipino ang Ingles bilang wikang panturo. Buong-puso at bukas-palad nilang tinanggap ang Filipino bilang wikang panturo.
Ang paglalagay sa Filipino bilang kapantay ng Ingles sa pagtuturo ay sinalubong ng susun-susong mga suliranin at mga pagtutol, na wari’y lampas-langit. Di naging katanggap-tanggap ang pangyayaring ito lalo na sa lebel tersyara. Nagtaingang kawali rin ang mga samahang pang-iskolar upang mag-ambag sa intelektwalisasyon ng Filipino. Sa 48 samahan, lima lamang ang regular na nagsulat sa Filipino. Karamihan sa kanila’y gumamit pa rin ng Ingles. Maging ang Kautusang Pampanguluhan na inilabas noong 1988 ng Pangulo ng Pilipinas na nagkumbinsing gamitin ang Filipino sa mga pakikipagtalas-tasang pampamahalaan ay di rin naging katanggap-tanggap at tinutulan ng maraming di-katutubong Tagalog. Ipinagwalang-bahala rin ito ng mga nasa byurukrasya. Ni pabalat-bunga ay di sila kinakitaan ng lubusang pakikiisa na ang Filipino’y ihanay na kapantay ng Ingles.
1 comments:
wala kayong "alpabetong Pilipino"
iyon ang unang dapat na mayroon kayo..sapagkat doon nagsimula ang wika ng Pilipino. kung wala ang alpabetong pilipino walang wika..
Post a Comment