Thursday, November 25, 2010

ANG EDUKASYON SA PANAHON NG MGA AMERIKANO



Ang edukasyon ng Pilipino sa panahon ng mga Amerikano ay naiiba sa edukasyon sa ilalim ng mga Kastila. Kung sa panahon ng mga Kastila ay tanging mga mamamayan, maykaya at makapangyarihan lamang ang nakapag-aaral, ang sa Amerikano ay demokratiko. Nangangahulugang bukas-palad ang paaralan sa lahat ng nais matuto. Ang mga batang Pilipino ay pinipilit na pamasok sa paaralan, paano’y urong-sulong sila kung mag-aaral o hindi. Upang mahikayat ang mga batang pumasok sa paaralan nang sila’y matuto ng Ingles, binibigayan sila ng lapis at papel at may libre ring pagkain. Isa pang ikinaiiba ay ang edukasyong Amerikano ay hindi nakasalig sa relihiyon. Ang tuon nila ay sa mga paraang gagawin upang maging mabuting mamamayan ang Pilipino. Ang layunin ng edukasyong Kastila ay gawing mabuting mamamayan ang mga Pilipino para sa kabilang-buhay samantalang ang sa Ameikano ay gawing mabuting mamamayan para sa buhay dito sa lupa.

Kung pilit ng mga Kastila na magsaulo ang mga batang Pilipino, pinilit naman ng mga Amerikano na ituro ang wikang Ingles sa lahat ng paaralang-bayan. Ang Kastila ay hindi inalis sa mga paaralang Kastila ang ginagamit na wika. Gaya ng San Juan de Letran, Ateneo de Manila at iba pa. Ang puno’t dulo nito’y marami sa ating kababayanng Pilipino ay natuto ng wikang Ingles. Isa pang insentibo na ibinigay ng mga Amerikano upang maging “Kayumangging Amerikano” o “Amerikanong Kayumanggi” ay ang pagpapadala sa Amerika ng mga Pilipinong “may berdeng utak” upang magpakadalubhasa sa larangang kanilang napili. Masasabing ang lahat ng ito’y tagapagbandila ng sibilisasyong Amerikano. Ang mga Pilipino ay nagpilit magsalita ng Ingles bagamat nagkakabuhul-buhol ang kanilang mga dila.

Ang kurikulum na ipinasok ng mga Amerikano sa mga paaralang-bayan ay sipi sa kurikulum sa Estados Unidos. Ang naging bunga nito’y higit na naunawaan ng mag-aaral na Pilipino ang mga salitang Ingles at kulturang Ingles kaysa mga bagay na katutubong Pilipino. Maging ang mga aklat na ginamit ay pawang galing sa Amerika. Dahil dito, ang lahat ng natutuhan ng ma Pilipinong mag-aaral ay mga bagay na palasak sa Amerika ngunit di kilala sa Pilipinas. Ito marahil ang pinagmulan ng “colonial mentality” ng mga Pilipino.

Ang nagaganap na ito sa mga paaralang-bayan ay nababatid ni Quezon kaya’t nang naging pangulo siya ng Makasariling Pamahalaan ay pinalitan niya ang mga aklat at ginawang Pilipino ang diwa’t kaluluwa. Sinimulang ituro ang talambuhay ng mga bayaning Pilipino. Upang makasunod sa itinatadhana ng Konstitusyon na ang edukasyong primarya ay libre. Nagpanukala si Quezon sa Asamblea na lakihan ang badyet ng Kagawaran ng Pagtuturong Pambayan. Ang badyet noong 1939-40 na 30,000 milyong piso ay ginawang 35.5 milyon. Nilikha rin ni Quezon ang batas ukol sa mga Paaralang Pribado at ang Tanggapan ng Edukasyong Pribado sa Pilipinas. Ang layunin nito’y mapagbuti ang istandard ng mga paaralang pribado gayon din ang mga unibersidad. Sa panahon din ni Quezon naganap ang pagtuturo sa mga matatandang di marunong bumasa’t sumulat. Noong 1936 ay itinatag ang Tanggapan ng Edukasyon ng Matatanda na ang mga layunin ay ang mga sumusunod: 1.) ituro sa matatanda ang pagiging mabuting mamamayan; 2.) pagtuturo ng karunungang bokasyonal; 3) pagtuturo ng pagbasa at pagsulat sa mga di-marunong bumasa’t sumulat; 4.) pagtuturo sa mga babaeng wala sa paaralan; at 5.) pagpapalaganap ng mga gawain ng tanggapan. Bunga nito, bago sumiklab ang digmaan noong 1941, ang bilang ng mga paaralan para sa matatanda ay umabot na sa 2,457 na may 148,000 humigit-kumulang na mag-aaral.

2 comments:

sarah on February 19, 2011 at 8:16 PM said...

thank you po sa info na ito...malaking tulong po para sa assignment ko :)

Anonymous said...

Thanks Po�� I learned a lot then I hope prosperity Po sa inyo��

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved