Mahalaga sa isang bansa ang Saligang Batas sapagkat dito ibinabatay ang batas na sinusunod ng mga mamamayan. Napapaloob dito sa Saligang Batas ang panuntunan ng pagkatatag ng isang pamahalaan. Ang layunin nito ay magtatag ng balangkas ng pamahalaan, protektahan ang mamamayan laban sa pagmamalabis ng pamahalaan at pag-ugnayin ang lahat ng sangay ng pamahalaan. Subalit may pagkakataon na ito ay nasusuway lalo na sa panahon ng eleksyiyon at pamumulitika ng ilang pinunong-bayan.
Sa Saligang Batas ng 1987 Artikulo II, nasasaad dito na ang kataas-taasang kapangyarihan ay taglay ng mamamayan at lahat ng kapangyarihan ng pamahalaan ay galing sa mamamayan. Samakatuwid malakas ang boses ng mamamayan subalit kadalasan, hindi siya naririnig ng pamahalaan o sadyang hindi pinapakinggan.
Ang pagkamamamayan sa isang estado ay kasing-halaga ng pagiging miyembro sa isang pamilya. Nangangahulugan ito ng pakikilahok sa tagumpay, mithinn, tradisyon, at kaugalian. Bilang kasapi ng isang pampulitikang pangkat, hindi dapat umiral ang makasariling damdmin na walang pakialam sa kapwa at sa mga pangyayaring nakaaapekto sa kapakanan ng lahat.
Itinatadhana naman ng Saligang Batas, Artikulo III ang kalayaan at karapatan ng mga tao na dapat igalang at tangkilikin ng estado. Napapangkat sa talo ang mga karapatan ng tao sa isang demokratikong estado. Una, ang karapatang likas – ito’y karapatang taglay ng tao kahit itinadhana ng Saligang Batas o ng alin mang batas. Halimbawa, karapatan ng tao ang mabuhay ngunit sa kasalukuyan may pagkakataon na hindi na nabibigyang pagkakataong mabuhay ang isang sanggol gawa ng aborsyon. Ikalawa, karapatang konstitusyonal – ito’y ang mga itinatadhana ng Saligang Batas, samakatuwid hindi ito maaaring masaklaman, mabago, matanggal ng batasan ng bansa. Ang halimbawa nito ay karapatan sa buhay,kalayaan at ari-arian. Hindi kailanman dapat alisan ng buhay, kalayaan o ari-arian ang sinumang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas. Kalayaan mula sa paghalughog at pagsamsam sapagkat labag ito sa karapatan ng tao na magkaroon ng kapanatagan sa sarili at pamumuhay. Kung gayon dapat ay may warrant of arrest sa pagdakip ng isang pinaghihinalaang kriminal. Tahasan bang masasabi na ito’y naisasagawa? Bakit marami at dumarami pa ang kaso ng paglabag sa karapatang pantao?
Nakapaloob naman sa karapatang takda ng batas o tinatawag na karapatang statutory ay yaong mga tadhanang pinagtibay ng kongreso ng bansa. Sapagkat likha ito ng batasan, maaaring baguhin o alisin ito ng batasan din.
Ang mga batas ay nilikha para sa tao upang siya’y makapamuhay ng maayos at mapangalagaan niya ang kanyang mga karapatan. Subalit ang pagtatamasa ng mga karapatan ay hindi nangangahulugan na ito ay walang hangganan. Dapat lamang na ito ay nasa ilalim ng makatwirang pagganap kaugnay nito, ang pansariling kapakanan ng bawat tao ay nararapat lamang na nasa ilalim ng kapakanan ng nakararami.
1 comments:
nakatulong talaga ito sa aking takdang aralin... :) tnx
Post a Comment