Perlas ng Silangan kung siya’y tagurian
Mga bundok at dagat, siya’y napapaligiran;
Masasayang mamamayan ang sa kanyang nananahan,
Pilipinas na aming bayan, ikaw’y dapat itanghal.
Maraming hirap ang iyong naranasan
Sa kamay nitong mga dayuhan
Mga agila’t buwaya ang sa iyo’y sumagpang;
Sinugatan kang tunay na di mo malilimutan.
Sa krus at espada nitong mga Kastilaloy
Binusabos ang mga anak mo nang mahigpit na tatlong daang taon,
Pinagsamantalahan, hinamak, siniil ng mga kukong mapanugat
Kaya’t damdaming makabayan ay nasumpungan
Nitong mga bayaning nagbuwis ng buhay.
Sa taguring Indiyo, mga Propagandista’y nag-alimpuyo
Pangalang Rizal, del Pilar, Jaena ay pumailanlang sa langit-langitan ng
Tahimik na digmaan
Kahilinga’y ipinaaabot sa nagbibingi-bingihan
Hinanakit at galit sa panulat isinatitik.
Sa “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo” ni Rizal
Ating natunghayan kung pagpapalaganap nga ng Kristiyanismo
Ang kanilang pakay,
Saan ka nga ba nakasaksi na ang prayle’y nagsusugal
Naninilip, nagkaanak bunga ng makamundong kaasalan.
Sa matalim na tilamsik na panulat ni M. H. del Pilar
Pagkatao ng mga Kastila’y kanyang niluran,
Nag-aalimpuyong galit kanyang nilabanan
Sa “Dasalan at Tocsohan” kanyang inilarawan mga prayleng
Sa abito’y nagkukunwari lamang.
Subalit’t aking Ina, ito’y nawalan ng saysay
Erehe at pilibustero’y ibinintang kay Rizal,
Itinapon sa Dapitan, ipiniit sa kulungan
Buhay nilagot sa makasaysayang Bagumbayan.
Pagal na katawan, patuloy na nanupaypay
Subalit isang Bonifacio ang nagbigay-buhay
Sa kabiguan at kaapihang bumabalot sa Katagalugan,
Isinilang ang Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga
Anak ng Bayan.
Sa taglay na tapat at kawalang pag-asa
Umusbong ang hangarin maghimagsik na,
Hawak ang tabak at pagpunit ng cedula
Sugod mga kapatid,kanyang paanyaya.
Nalugmok ang bayan, pakikipaglaban ay nawalan ng saysay
Kalayaang pinakamimithi ay pinagkakitaan,
Dating Panginoon ipinagbili sa bagong makapangyarihan
Na angkan nitong sina Uncle Sam.
Demokrasya’y tinamasa subalit kulang pa
Kahit pa sabihing ang Tagalog ang naging daluyan ng
Pakikipagtalastasan
Wala pa ring KALAYAAN
Dahil ang lahat ng mga gawain sa kanila’y pinararaanan.
Sa sarap at tamis nitong tsokolate
Makukulay na aklat – A – B – C
Mga THOMASITES nangaturp dine,
Salamat sa “repeat after me – A – A – Apple – Apple”
Mahal kong Ina kung ating babalikan
Mga hirap, dusa, at pighating iyong naranasan,
Hindi kayang bayaran libong salapi man
Ang pakikihamok ng mga anak mong tunay.
Kaya’t sa iyong ikaisandaan taong kalayaan
Aking dinarasal, pinakamimithi at inaasam-asam
Dalawang paa mo’y pakatatagan at mga kamay huwag huhulagpos
Sa pagkakatangan
Nang di na madagit ng mga lawing nagliliparan.
0 comments:
Post a Comment