Thursday, November 25, 2010

ANG BATAS NG BUHAY



Sa gitna ng napakaraming suliraning kinakaharap ng Pilipinas sa kasalukuyan lalo na sa pagpapairal ng kaayusan at katahimikan, ang batas ay hindi maaaring ipagwalang-bahala na lamang. Ang batas ay binuo at isinatitik para sa kapakanan at kagalingan ng mga mamamayan ng isang estado.

Sa bawat batas na nililikha at ipinatutupad ay isang libo’t isang laksa ang nagaganap na deliberasyon sa mababa at mataas na kapulungan, ganoon ang maririnig na pagtutol ng mga mamamayan. Halimbawa ang batas na ipinatutupad na kaugnay ng karapatang pantao at pang-aabuso sa kabataan o “child abuse”. Ano ang larawan ng tunay na karapatang pantao? ng “child abuse?” Naniniwala ako at pinaniniwalaan din ng maraming mamamayan na tila hindi malinaw sa mamamayan ang mga batas na ito. Nariyan na sila’y pagtrabahuhin ng mabigat na gawain at bayaran sa maliit na halaga lamang. Di-katumbas ng kanilang pinagpapaguran. Ngunit bakit nakakapangyayari ito? May batas bang susugpo rito? Kaawa-awang kabataan! Sa murang edad pa lamang ay nararanasan nang magbanat ng buto sa halip na matamasa ang ginhawa sa buhay at makamit ang edukasyong pinakamimithi ng bawat nilalang. Sino ang dapat sisihin? ang magulang ba? ang pamahalaan? O ang mismong kabataan?

Ah! kaawa-awang kabataan! Anong bukas ang sa iyo’y naghihintay? Kilos kabataan! Ikaw’y makialam!

Itinatadhana ng ating Saligang Batas ang tiyak na taon kung kailan nararapat maghanapbuhay ang isang kabataan. Hindi sila nararapat isabak sa gawaing hindi kayang batahin ng kanilang murang katawan. Hindi sila dapat kinakasangkapan ng kanilang mga magulang sa paghahanapbuhay o sila ay pinaghahanapbuhay. Sa ganitong kalagayan, tila dumarami ang ating mga batang lansangan. Kung ang batas lamang ay maayos na maipatutupad, walang kabataan ang makikitang palaboy sa lansangan, namamalimos, nagraragbi o pumapasok sa bahay-aliwan.

Kung ang batas sa karapatang pantao naman ang pag-uusapan, maraming “violations” ang ating naririnig sa radyo, napapanood sa telebisyon o nababasa sa mga pahayagan. Ang simpleng paglabag sa batas-trapiko ay humahantong sa hukuman o kamatayan. Ang batas na pinaiiral sa mga parliamentaryo ng lansangan kung sila’y pinagbabawalang magmartsa sa lansangan upang iparating ang impit na karaingan. Nararanasan nilang hambalusin ng batuta ng mga maykapangyarihan hanggang sa sila’y maging duguan. May paglilitis bang nagaganap? Saan sila humahantong? Hindi ba’t sa kulungan lalo na kung sila’y napagbibintangang makakaliwa o kalaban ng pamahalaan? Gising Juan? May sarili kang pag-iisip at paninindigan! Batas ay huwag mong hayaang mayurakan! Ito’y dapat ipatupad at sundin ng bawat mamamayan.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved