Salin ni Rustica Carpio
Ang maputing ulap sa maaliwalas na langit ay matingkad na nakukulayan, parang bahaghari. Mabilis na papunta sa kanluran ang lumulubog na araw.
Dahil tapos nang magalaba, mabagal na tumayo si Lian-chiao sa tabi ng balon. Sandali siyang napapikit nang maramdamang tila may mga bituing lumilipad sa harap niya, gustong mawala ang mga bituing nakahihilo.
Si Siao-lan, ang anak niyang babae na tatlong taong gulang ay hubad na nakaupo sa tabi ng palanggana at naglalaro ng tubig.
“Inay, tapos na po ba kayong maglaba? Ako na ang magsasampay.” Si Ah Yue iyon na mas matanda kay Siao-lan nang mga tatlo o apat na taon. Nagdidilig siya ng mga gulay na Chai-sim sa kabilang gilid. Nang makitang tapos nang maglaba ang ina, mabilis siyang tumakbo para kunin ang mga labada at isampay sa alambreng nakatali sa dalawang poste sa loob ng kubong walang dingding.
Hindi sinagot ni Lian-chiao si Ah Yue. Tumango lamang siya, nakatayo pa rin at nakapikit—nagpipilit na mabawi ang lakas. Payat siya at maliit, mga biente-singko anyos, at naksuot ng kupas na asul na sam-fu. Medyo nakangiwi ang kanyang mga labi. May pangit at nagingitim na bukol sa kanyang noo. Halatang napalo siya ng isang matigas na bagay kamakailan lamang. Malaki ang kanyang tiyan. Madaling mapansing nagdadalantao siya at malapit nang manganak.
Nang dumilat si Lian-chiao, nakatayo na si Ah Yue sa isang bangkito at isa-isang isinampay ang mga damit sa alambre. Dahil mataas ang alambre, kailangang tumingkayad siya at tumingala. Habang minamasdan ang maliit na katawan niyon at ang alanganing paraan ng pagsasampay ng mga damit sa alambre, biglang nahabag si Lian-chaio. Mahina niyang sinabi, “Ah Yue, mag-iingat ka. Baka ka mahulog!”
“Opo!” sagot ni Ah Yue. Bigla iyong pumihit, nangangambang tumingin at nagtanong, “Inay, luto na ba ang hapunan? Kung hindi, kagagalitan at bubugbugin na naman tayo ni Itay!”
Nakapukaw kay Lian-chiao ang huling sinabi niyon. Bigla siyang kinabahan. Kahit mayroon pang kaning lamig na natira sa pananghalian, lulutuin pa ang mga gulay. Kapag walang nakain pag-uwi ng asawa niyang sugarol, tiyak na may mangyayari. Hindi sinasadya’y nahipo niya ang namamagang bahagi ng noo. Tumahip ang kanyang puso. Nagmamadali siyang naligo sa tabi ng balon at pagkatapos ay tinulungan si Siao-lan sa paglilinis ng katawan nito. Pinuno niya ang dalawang balde ng tubig at kinarga ang mga ito sa pingga pauwi.
Ang nakahilis na sinag ng lumulubog na araw ay tumama sa kanyang katawan, sa malaki at bilog na tiyan, sa dalawang umuugang balde ng tubig sa pingga, sa umiika niyang paa, at sa hubad na si Siao-lan na naglalakad sa kanyang likuran, palinga-linga.
Pagod na si Lian-chiao sa walng tigil na pagtatrabaho, ngunit hindi siya puwedeng magbagal ng kilos. Mabilis niyang sinidihan ang apoy sa pugon, hiniwa ang mga gulay, pakulo ang tubig, nilinis ang mga kawali at iba pang kasangkapan sa kusina.
Ang pugon ay yari sa luwad at may mga gatla na sa iba’t ibang bahagi. Sa tabi ng pugon ay may maliit na lalagyan ng panggatong. Wala na iyong laman. Kinakailangang isantabi muna ni Lian-chiao ang sipit ng kalan para manguha ng panggatong. Tumulong si Siao-lan at may dalang isa o dalawang piraso tuwing papasok, ikinakalat sa lahat ng lugar.
Abala sa gawain si Lian-chiao. Tinanglawan ng liwanag na nagmumula sa apoy ang mga guhit ng pagod at puyat sa kanyang mukha. Walang makasisisi sa kanya. Mula ala-sais ng umaga, nang bumangon siya para maghanda ng almusal, hindi na siya natigil sa paggawa hangga ngayon, maliban sa sandaling pahinga noong tanghalian. Noong umaga’y nanguha siya ng mga punla ng palay at itinanim sa bukid, at noong hapon ay nagsibak siya ng kahoy na panggatong at namitas ng ta-feng-ho isang damong panggamot na gagamitin niyang pampaligo pagkapanganak. Malapit nang isilang ang sanggol at hindi maaaring hindi siya handa. Kung hindi niya ihahanda agad ang mga kailangan, anong mangyayari sa bahay kung bigla na lang siyang ipasok sa ospital? Walang alam ang sugarol niyang asawa kundi humilata sa kama sa kuta ng opyo at magmadyong araw-araw sa Hsiang Chi Coffee Shop. Kung hindi niya aasikasuhin ang mga bagay-bagay ngayon, sino ang tutulong sa kanya? Bukod sa gawain sa bahay, kailangan niyang lagyan ng pataba ang mga gulay at pipino na nakatanim sa gilid ng bahay, at bunutin ang ligaw na damo. Kung hindi ay bubugbugin siya ng kanyang asawa kapag naging masama ang ani. Masakit pa nga ang kanyang noo dahil sa suntok nito dalawang araw na ang nakararaan dahil nagkamali siyang sagutin iyon.
“Sssst . . .” Inilagay niya sa kawali ang mga dahon ng kamote. Ang buong bahay ay napuno ng bango ng nilulutong gulay.
Nakaupo si Siao-lan sa loob ng bahay, dinidilaan ang mga labi at tinitingnan ang nakatatandang kapatid na nakatayo pa rin sa kuwadradong bangko sa labas.
Di kaginsa-ginsa’y isang tinig na tila tunog ng basag na kampanana nagbuhat sa labas ng pinto. “Ah Yue! Hindi ka ba natatakot mahulog diyan? Ang taas ng naaaakyat mo, ha? Gusto mo na bang dalawin ang hari ng kadiliman?”
“Itay . . . nagsasampay lang ako. . .” kiming sagot ni Ah Yue.
Halos kasimbilis ng kidlat, isang parang-kawayang lalaki ang pumasok sa bahay at sandaling tumayo, galit. “Lintik! Gabi na’y hindi pa luto ang hapunan. Umalis ka ba para hanapin ang kalaguyo mo?”
“Sandali na lang . . . maluluto na . . . Ipiprito ko na lang ang inasnang isda. Pagkatapos . . . pagkatapos ay puwede na tayong . . . maghapunan.” Walang lakas ng loob si Lian-chiao na tumingala man lamang. Inilagay niya sa isang palatito ang pinipritong talbos ng kamote at naglagay pa ng ilang patak na langis sa kawali. Bahagyang nanginginig ang kanyang mga kamay habang hinuhugasan ang inasnang isda. Hindi siya naglakas-loob na tumutol sa ingay ng kanyang asawa.
Si Li Hua, ang asawa ni Lian-chiao, ay larawan ng isang tunay na manghihitit ng opyo: payat at matangkad, may maiitim na ngipin at namumulang mga mata. Matapos nakapamaywang na sigawan ang bawat isa, nagsimula siyang maghubad, at marahas na nagtanong, “ Handa na ba ang tubig na pampaligo?”
“Ihahanda ko na ang tubig, ihahanda ko na . . .”
Mabilis niyang itinabi ang siyansi, ibinuhos ang isang kaldero ng kumukulong tubig sa isang balde na kauuwi lamang niya. Pagkatapos ay binuhat iyon nang dalawang kamay sa luma at sira-sirang banyo. Yukung-yuko siya dahil sa bigat ng tubig. Umaalog ang malaki niyang tiyan, at nakangiwi ang maputlang mukha, nagpapakita ng hirap at marahil ay kawalang pag-asa.
Sumagitsit sa kawali ang inasnang isda dahil sa init ng mantika.
“Masusunog na ang inasnang isda. Hindi mo ba naaamoy? Napakabagal mong kumilos. Wala kang alam kundi kumain!” Walang tigil sa pagmumura sa asawa si Li Hua habang ang babae’y papunta sa banyo.
Nagtago sa isang sulok ng bahay ang dalawang bata, nanginginig sa takot. Hindi sila nagkalakas-loob na magsalita. Kabisado na nila ang nangyayari, baka natalo na naman sa sugal si Li Hua.
Pagkatapos kumain at habang pinupunasan ang namamantikang nguso, kinuha ni Li Hua ang lalagyan ng tsa. Humigop siya ng kaunting tsa at pagkatapos ay, “pwe!” lumura sa lupa. Niligis ng kanan niyang paa ang malapot na laway sa sahig.
Inaakalang aalis na naman ang lalaki, mabilis na ibinaba ni Lian-chiao, na kumakain pa, ang mangkok at chopsticks, at nagkakandautal na , “Ama ni Ah Yue, aalis ka na naman? Ako’y . . .”
“Ano? Hindi ako aalis?” Napakalakas ng boses ni Li Hua. “Natalo ako ng beinte dolyar ngayong hapon sa Hsiang Chi Coffee Shop. Bakit hindi ako babalik para mabawi ang natalo sa akin? Pag hindi ako nanalo ngayong gabi, hindi ko na tatawagin ang sarili kong eksperto sa madyong!”
“Puwede bang bigyan mo ako ng ilang dolyar? Nag-order ako ng dalawampung itlog kay Ying… malapit na akong manganak. Kailangang bumili ako ng ilang itlog para lutuin sa luya at alak.” Minasdan ni Lian-chiao ang malaki niyang tiyan. Masyadong mahina at mababa ang kanyang boses.
Nang marinig na kailangan niya ng pera, biglang nagtaas ng kilay si Li Hua. Lalong pumula ang mga mata niyang dati nang namumula. Ibinuka niya ang bibig, ipinakikita ang dalawang hanay ng bungi-bungi at maiitim na ngipin. “Hindi! Hindi! Sinong may sabi sa iyong bumili ka ng masarap na pagkain kung wala kang pera? Kung kaya mong mag-order, bakit hindi mo kayang magbayad?”
Lumura na naman sa sahig ang lalaki at dinilaan ang nguso. Humakbang ang mahahaba niyang binti at lumabas ang tila-kawayan niyang katawan.
Nakatayo sa gitna ng bahay si Lian-chiao, nakabuka ang medyo laylay na bibig, natitigilan at hindi makakilos.
Mahangin at maginaw nang gabing iyon. Habang nakahigang walang tinag sa matigas na higaang kahoy, hindi makatulog si Lian-chiao. Naglalakbay ang kanyang isip. Kahit pagod na pagod siya at mabigat na ang mga mata pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho, gising na gising pa rin ang kanyang isip.
Ang mga lumipas na pangyayari ay parang ulap sa bundok na mabagal na pumapailanglang sa lambak, naaanod, naaanod – kasinggaan ng usok. Sa lahat ng mga taong patay na o buhay pa, ang larawan ng kanyang ina ang namumukod na lumalantad. Sa kagustuhang magkaapo kaagad, pinag-asawa nito ang tila bulaklak na anak niya – si Lian-chiao na kinse anyos pa lamang noon. At ang masama pa, sa kasabikang magkaroon ng mainam na buhay pagtanda niya, at laban sa payo ng mga kamag-anak at kaibigan nila, pinili niya para maging manugang si Li Hua, na anak ng noo’y isang mayamang negosyante. Lahat ng kanyang pag-asa ay nabigo. Isang taon pagkaraang makasal si Lian-chiao at lumipat ng bahay, ang ina’y namatay sa kanser sa dibdib. Paano niya malalaman na dahil sa ipinagkasundong kasal, mawawala sa kanyng anak ang katahimikan at kaligayahan sa buong buhay nito?
Nagbuntung-hininga nang malalim si Lian-chiao. Nanlabo ang kanyang mga mata dahil sa luhang napigil ang pagpatak. Ngayon, ang taong lumilitaw sa isip niya ay ang kanyang asawa, ang walang silbi at tila kawayang si Li Hua. Winaldas niyang lahat ang manang iniwan ng ama niya. Marami siyang bisyo: pagsusugal, paglalasing, paghitit ng opyo, pagpunta sa bahay-aliwan… eksperto siya sa lahat ng ito. Ang pinakamalakas na dagok kay Lian-chiao ay ang pagkamapamahiin ni Li Hua. Naniniwala ito sa manghuhulang nagsabi na pulos babae ang isisilang ni Lian-chiao at hindi ito kailanman maghahatid sa kanya ng yaman o suwerte. Sa madaling sabi, si Lian-chiao ang pinanggagalingan ng kasawiang-palad. Dahil dito, napakasama ng pakikitungo niya kay Lian-chiao.
Walang magawa si Lian-chiao kundi tahimik na pagtiisan ang hindi makatuwiran at kung minsan, ay malupit na pakikitungo nito sa kanya. Kung nagkaroon siya ng lakas ng loob na magmaktol at mangatuwira, mandidilat agad iyon, at luluran siya sa mukha mismo, humihiyaw, “ Ikaw ang sumpa ng pamilya! Sinong may sabi sa iyong magpakasal ka sa akin? Luka-luka! Kung gusto mong lumayas, puwede ka nang umalis ngayon din. Alis! Alis! Sinong pumipigil sa iyo? …”
Tumulo sa pisngi ang luha ni Lian-chiao. Dahan-dahan siyang bumaling.
Nasipa na nina Ah Yue at Siao-lan ang kumot, Mahimbing na natutulog ang dalawa, magkayakap. Kinuha ni Lian-chiao ang kumot at itinakip sa kanila. Pumikit siya ngunit hindi pa rin makatulog. Nag-aalala siya. Malapit na siyang manganak. Makukunan kaya siya? Mahirap sabihin. Sa kabila ng kanyang pagbubuntis, kailangan niyang magbuhat ng mabibigat na bagay – kasimbigat ng animnapu o pitumpung katies araw-araw. Mga ilang araw pa lang ang nakararaan ay bumagsak siya habang nagsisibak ng kahoy na panggatong. Sino ang gagarantiyang hindi naapektuhan ang bata sa loob ng kanyang tiyan? Halimbawang malaglag ang bata, at mamatay siya, sino ang mag-aalaga sa dalawa niyang anak na babae? At kung maayos siyang makapanganak, ano ang mangyayari kung iyo’y babae na naman? Hindi kaya siya palayasin ng kanyang asawa? Ang inam sana kung sa pagkakataong ito’y lalaki naman ang isilang niya. Sa gayon ay hindi na siya gaanong pagmamalupitan ng asawa niya. Kahit paano’t gaganda na ang hinaharap. Alam na alam niyang habang buhay nang magiging meserable ang kanyang buhay. Ang tanging pag-asa na lamang niya ay ang kanyang mga anak. Malupit ang buhay.
Unti-unti, nagdilim ang paningin ni Lian-chiao. Inaantok na siya. Pero biglang naging kakaiba ang pakiramdam niya sa kanyang tiyan. Sumasakit na iyon.
Natanto niyang lalabas na ang bata. Pero gabing-gabi na, at wala pa sa bahay ang asawa niya! Ano ang gagawin niya ngayon? Naisip niyang papuntahin si Ah Yue sa Hsiang Chi Coffee Shop para sunduin ang kanyang ama, ngunit nang makitang nahihimbing ng tulog si Ah Yue, nag-atubili siyang gisingin ang bata. Naisip niya: hindi ba si Ah Yue ay nagdaranas din ng hirap sa buhay tulad niya? Bagamat bata pa, si Ah Yue ay nagbubuhat na ng mabibigat na bagay at gumagawa ng trabahong para sa matanda lamang. Bakit hindi bayaang matulog muna siya? Bukod doon, mahangin sa labas. Kung gigisingin niya ito at palalabasin, tiyak na sisipunin ito. Kung magkasakit si Ah Yue, sino ang mag-aalaga sa kanya? Sino ang mag-aalaga kay Siao-lan? . . . Wala nang malamang gawin si Lian-chiao.
Tumitindi na ang hilab ng kanyang tiyan. Nanlalamig na sa pawis ang mga palad niya.
Wala na siyang magagawa. Nagpumilit siyang bumangon. Hawak ang isang gasera, nagpasiya siyang magtungo sa Hsiang Chi Coffee Shop para hanapin ang asawa.
Pagbukas niya ng pinto, nahagip siya ng malakas na hangin. Nanginig siya at halos mamatay ang ilaw niya. Isinara ni Lian-chiao ang pinto at mabagal na lumakad papunta sa kapihan.
Bagamat hindi kalayuan sa bahay nila ang Hsiang Chi, sa katayuan niya’y parang kung ilang milya ang layo noon.
Walang buwan nang gabing iyon, iilang bituin ang kumikislap sa langit. Napakadilim at walang makikita sa lampas sa sampung yarda. Basa ng panggabing hamog ang daan at madulas.
Idiniin ni Lian-chiao ang kaliwang kamay sa kanyang tiyan, umuusad ng mga dalawa o tatlong hakbang. Sa malamlam na ilaw, ang mukha niya’y ninenerbiyos sa sakit at butil-butil na pawis ang tumutulo mula sa kanyang noo.
“Kokak, Kokak….” Umiiyak ang mga palaka sa mga pilapil sa gawing kaliwa ng maliit na kalsada. Binasag ng malungkot nilang pagkokak ang katahimikan ng gabi.
Muling bumugso ang hangin. Tuluyan nang namatay ang ilaw sa gasera. Si Lian-chiao, at ang lahat ng bagay sa kanyang paligid, ay dagling nakulong ng kadiliman. Hindi siya makasulong at hindi rin siya makaurong. Ilang sandali siyang tumayo roon, walang tinag at hindi malaman ang gagawin. Parang hinihiwa ng isang matalim na kutsilyo ang tiyan niya. Natutuliro siya at nahihilo. “Kras”. Nalaglag ang gasera mula sa nanginginig niyang mga daliri, nagkapira-piraso. Hindi na maisip ni Lian-chiao kung ano ang nangyayari. Sinapo niya ng dalawang kamay ang kanyang ulo, nagpupumilit na manatili siyang nakatayo.
Pagkalipas ng ilang sandali, medyo nanumbalik ang lakas ni Lian-chiao, at unti-unting nasanay ang mga mata niya sa dilim. Lumakad siyang muli, mabagal, hindi matatag. Kung ilang beses na halos madapa siya dahil sa madulas na kalsada. Madalas siyang huminto dahil sa sumusumpong na sakit. Tatayo siya, yuyuko nang mababa hanggang ang sakit ay humupa… ngunit ilang sandali lamang.
Narating din sa wakas ni Lian-chiao ang Hsiang Chi Coffee Shop. Napakaliwanag sa loob at maingay: ang kalantog ng mga pitsa ng madyong sa mesa, ang maingay na boses ng mga sugarol, umuungol o tumatawa. . . .
Nanghihinang itinaas ni Lian-chiao ang kaliwang kamay at kumatok sa pinto.
Marahil ay buhos na buhos ang isip ng mga tao sa pagsusugal, o baka naman napakahina ng katok niya. Walang lumapit para buksan ang pinto. Hindi na matiis ni Lian-chiao ang sakit, at kumatok uli siya nang buong lakas.
Isang matabang babae ang nagbukas ng pinto. Iyon ang may-bahay ng may-ari ng kapihan. Si Lian-chiao na nakasandal nang husto sa pinto, ay bumagsak sa loob.
Noong una ay nagulat ang matabang babae sa biglang pagpasok niya. Ngunit nang matanto niya kung sino ang babae, maliksi niya iyong tinulungan at inakay papasok.
Si Li Hua, na dadampot na lamang ng pitsa, ay namangha rin sa biglang pagdating ni Lian-chiao. Ngunit nakapagpigil siya at mabagsik na nagtanong, “Anong nangyari? Bakit gabing-gabi na’y narito ka pa? Pung! Teka, teka! Red Centre ba ‘yon? Ha! Maganda!” Magaganda ang pitsa niya at medyo ninenerbiyos siya, matamang nakatingin sa mesa.
Tinulungan ng maybahay ng towkay si Lian-chiao na maupo sa silyang rattan. Sapo ng dalawang kamay ni Lian-chiao ang kanyang tiyan, humahalinghing, “Ang tiyan ko … masakit… dalhin agad… dalhin ninyo ako sa ospital…”
“Ano? Ngayon na? Mananalo ako sa larong ito. Sandali. Pung! Ang galing! Ang gandang pitsa nito. Ito talaga ang kailangan ko. Ha, ha! Quadruple! Unang apat, pangalawang apat… Isang libo dalawang daan at walumpu at dalawang libo limang daan at animnapu!”
Malaki ang panalong iyon. Nagsimula siya sa ilang chips lamang, ngunit ngayon ay isang bunton na ang nasa harap niya. Tuwang-tuwa si Li Hua at hindi niya mapigil ang katatawa, maluwang na maluwang ang nangingitim na bibig. Habang sinasamsam at inaayos ang mga chips, ngumiti siya sa taong nakaupo sa harap niya. “Ha, ha, Lumpong Chun! Napakagaling nitong siyamnapung libong galing sa iyo! Napakagaling! Ha, ha. . .”
“Ai-yo… yo…”
“Hoy lumakad ka na. Manganganak na ang misis mo!” may humimok kay Li Hua.
Walang magawa si Li Hua kundi hilingin sa isang miron na maglaro para sa kanya. Galit na tiningnan niya si Lian-chiao at nag-aatubiling tumayo. Pumayag ang maybahay ng towkay na ipaarkila sa kanya ang Morris Minor nito sa dalawang dolyar bawat oras, at dodoblehin sa gabi.
Tinulungan ng maybahay si Lian-chiao na makasakay sa kotse. Si Li Hua, na umuungol pa, ay nagpunta sa kasilyas sa likod ng kapihan.
Bagamat hindi na gaanong humihilab ang tiyan niya, balisa si Lian-chiao. Bigla siyang nakakita ng ilaw na mabilis na papalapit sa dako nila. Bahagyang kumislap ang munting ilaw, dahil marahil sa hangin. Habang papalapit iyon, ay nakita niya si Ah Yueng pangku-pangko ang nakababatang kapatid. Kapwa sila umiiyak at namumula na ang kanilang mga mata.
“Ah Yue, Ah Yue! Bakit dinala mo rito ang kapatid mo? Sisipunin kayo!” Lumabas sa kotse si Lian-chiao, nilapitan ang maliliit na batang babae, hindi malaman kung ano ang gagawin.
Humagulgol ng iyak si Siao-lan…. Kaagad siyang inaliw ni Lian-chiao.
Habang pinapahiran ang luha at ilong, marahang nagsalita si Ah Yue, “Nagising ako sa iyak ni Siao-lan. Hianahanap niya ang Nanay. Hindi ko makita si Nanay sa bahay. Naisip kong baka narito kayo, kaya dinala ko siya rito…”
Nang malaman ni Ah Yue na papunta sa ospital ang kanyang ina, kumibot nang kaunti ang ilong niya at ang bibig niya ay lumaylay sa mga sulok. Luhaan ang mga mata niya.
“Ah Yue, huwag kang umiyak. Mabait ka di ba? Alagaan mong mabuti ang kapatid mo. Uuwi ang Nanay pagkaraan ng dalawa o tatlong araw. Pagkahatid sa akin sa ospital, uuwi ang Tatay ninyo…” Habang inaaliw si Ah Yue, napaiyak na rin si Lian-chiao. Hindi niyang makayang isipin na aalis siya ng mga ilang araw, iiwan ang dalawang munting bata sa bahay na walang mag-aalaga sa kanila.
Ibinaba ni Ah yue ang nakababatang kapatid, at sa pagitan ng mga hikbi, “Inay, dadalawin ko kayo bukas, kasama ang kapatid ko. Sasabihin ko kay Itay na isama kami roon. May isa pang dolyar sa aking lata ng sigarilyo. Dadalhin ko iyon para magamit mo muna…”
Magiliw na hinawakan ni Lian-chiao ang munting ulo ng anak. Hindi siya makapagsalita dahil sa pag-aalala.
Lumabas si Li Hua. Kinagalitan ang dalawang bata gaya ng dati. Pagkatapos ay pumasok sa kotse, binuhay ang makina at pinatakbo.
Patuloy ang madyong sa Hsiang Chi. Ang gabi ay ginulo ng mga tunog ng pitsa, “Khe-ta…khe-ta…” at paminsan-minsan, ng malakas ng pung!
Malamig na kumislap ang mga bituin sa langit. Malakas ang hihip ng hangin. Isang munting ilaw ang mabagal na kumikilos sa daan. Si Ah Yue, pangko sa likod ang umiiyak at inaantok na kapatid, mabagal at atubiling naglalakad patungo sa kanilang luma at hungkag na bahay. . . .
1 comments:
Pede po ba humingi ng magandang katapusan tungkol po dun sa dalwang bata na pauwi na
Post a Comment