Tuesday, November 23, 2010

MABUHAY KA, ANAK KO



Ni Pin Yathay

Salin ni Ruth Elynia S. Mabanglo

Ginising ako ng ingay ng digmaan, ng sipol at ugong ng mga tingga. Habang nakahiga’y namalayan ko ang iba pang ingay; ngalngal ng mga kotseng nagliligid, ingit ng mga karetang hila ng baka, mga manaka-nakang sigaw. Tiningnan ko ang aking relo. Alas singko ng umaga. Bumangon ako, dumungaw sa bintana at minasdan ang paligid nang buong pagtataka. Ang kalye ay bumabaha sa tao at sasakyang mabagal na naglalakbay sa maputlang liwanag ng bukang-liwayway. Waring lumuwas na sa bayan ang buong bansa. Abril 17, 1975 noon, napagtanto kong patapos na ang digmaang-bayan.

“Thay, dear?” Gising na si Any, tahimik na nakahiga sa dilim. Siguro’y pinanonood niya ako, naghihintay ng reaksiyon ko.

“Dali ka, Any.” Hindi ako nakaramdam ng takot, bagkus ay tensiyon na pinatitindi ng kaalamang oras na para kumilos. Kailangang kumilos kami agad para maiwasan ang labanan. “Katapusan na ito. Ilang sandali na lang at darating na ang Khmer Rouge.”

Naintindihan agad ni Any ang sinabi ko. Mabilis siyang tumayo’t nagbihis; maliksi ngunit malamyos ang kanyang kilos at sa isang wagwag ng kanyang ulo’y naiayos ang buhok niyang hanggang balikat. “Ano’ng mangyayari?” tanong niya.

“Huwag kang mag-alala,” sabi kong nagmamadaling pumunta sa sala para kunin ang mga gamit namin. “Mahihirapan tayo sa umpisa, pero magiging normal din ang lahat.” Nagising sa boses namin ang mga bata. Nagsimulang maghabulan ang dalawang nakatatanda – ang siyam-na-taong si Sudath at si Nawath na limang taon – sa loob ng dalawang kuwartong apartment na bumubuo ng lugar namin sa bahay ng aking biyenan. “Kailangang mabihisan muna ang mga bata at pumunta na tayo agad sa bayan bago makarating dito ang sundalo.”

“Nawath!” tawag ni Any. Narinig ni Nawath ang tawag dahil nakikipagbuno ito kay Sudath sa kama. “Nawath, lalapit ka pag tinatawag ka!” muling taway ni Any na lalong nilakasan ang boses. Kung minsa’y iniisip kong medyo mabagsik sa mga bata, pero talagang malilikot ang dalawa kaya kailangang higpitan nang kaunti. Nahagip niya ang papatakbong si Nawath at binihisan, hindi iniintindi ang pag-angal nito. Naghihikab na bumangon ang beybi pang si Staud, at saka inaantok na nagpalinga-linga. “Sige na, Sudath,” sabi ko sa panganay na lalaki. “Magbihis ka na. Hindi mo ba nakikitang nagmamadali tayo?”

Hindi naman mahirap balutin ang kakaunting kailangan namin. Isang linggo na naming alam, mula nang mag-alisan ang mga Amerikano noong Abril 12, na halos tapos na ang limang taong lumalaganap na labanan sa pagitan ng mga rebeldeng Khmer Rouge ng Cambodia at ng gobyernong Republikano ni Marshal Lon Nol. Hinihintay na lang namin kung saan magmumula at kailan darating ang Khmer Rouge. Dalawang araw bago ito, nagbanta na ang ingay ng papalapit na giyera para maghanap na kami ng pansamantalang malilipatan sakaling tamaan ang bahay. Pinuntahan ko ang aking mga magulang at nakipagkasundong magkita-kita ang buong pamilya sa bahay ng pinsan kong si Oan na nakatira sa malapit sa bayan, sakaling lumubha ang sitwasyon. Pinuno na namin ng gasolina ang lahat ng kotse. Wala na kaming dapat gawin ngayon kundi mag-empake ng dalawang maletang damit, kasama ang mga alahas ni Any, ang mga naipon namin at ang aking mga dolyar – talong libong lahat na puro tig-iisang daan. Dinala ko ang isang maliit na radyo para makarinig ng mga balita – at isang casette recorder na may kasamang reserbang baterya. Nagtangay din ako ng ilang bagay na magagamit ko sa propesyon – mga librong teknikal ukol sa irigasyon at pagbabai-baitang ng lupa, isang diksiyunaryong French-English, at mga bolpen at papel.

Sipa ng sipa si Nawath habang pilit siyang sinasapatusan ni Any. Nang mga sandali ring iyon, pumasok si Anyung na nakatatandang kapatid na babae ni Any. Sinabi nitong handa na sa pag-alis ang kanilang mga magulang. Habang binibihisan ni Anyung si Staud ng t-shirt at shorts, nagbalot naman si Any ng mga biskwit at kendi para sa mga bata. Sinisiyasat ko ang aking dadalhin – mga libro, relo, pera, mga papeles na mapagkikilanlan, radyo – at minsan ko pang tiningnan ang paligid, iniisip kung mas mabuti kaya kung pinaalis ko ng bansa ang aking pamilya. Hindi, katulad ng lahat, ayokong-ayoko sa bulok na rehimen ni Lon Nol. Wala akong dapat ikatakot sa Khmer Rouge.

Inapura ko ang aking pamilya para sumama na sa mga magulang ni Any na noo’y sakay na ng kanilang Austin. Ikinarga ko ang mga bagahe namin sa aking Fiat, habang isinisigaw ang mga habilin sa kabila ng kaguluhan sa siyudad – ratatat ng machine gun, pagsabog ng mga bomba sa malayo, at patuloy ba andar ng mga sasakyan.

Ang kalyeng iyon, na isa sa maluluwang na lansangan sa Phnom Penh ay isang agos ng mga tao, kotse, kareta, bisikleta, trak, motorsiklo, at ilang karetang puno ng tao at kagamitan, nag-uunahan sa maputlang liwanag ng madaling-araw. Ang ilang pamilya’y naglalakad; inaakay ng mga ama ang mga bisikletang puno ng mga kagamitang pambahay, may kilik namang bata ang mga ina. Kitang-kitang balisa ang lahat, malungkot ang mga mukha, ngunit kakatwang tahimik. Waring hindi natural ang pagkapasensiyoso ng mga nagmamaneho ng kotse, sumasabay sa lakad ng mga tao nang hindi man lang bumubusina, isang bagay na hindi mangyayari noong nagsisikip ang trapik sa Phnom Penh, ilang araw pa lang ang nakararaan. Mayroon pang ilang grupo ng mga sundalo ng bumagsak na Republika na naglalakad nang tatlu-tatlo o apat-apat, nakasakbat sa balikat ang mga riple, walang takot na nagbibiruan pa, natutuwang tapos na ang giyera.

May isandaang yarda na ang nalalakad namin, mga taong parang duming lumulutang sa ilog, nang makarinig ako ng isang pagsabog. Sa gawing kanan ko, sa may kantong malapit sa aming bahay, isang balumbon ng usok ang lumabas. Ilang minuto pa’y dumating ang mga ambulansiya at bumbero, nagtutunugan ang mga kampana at nagkikindatan ang mga ilaw. Humarang sila sa aming daraanan at wala kaming nagawa kundi tumigil muna.

Sa kabila ng pagmamadali ng mga taong nakapalibot sa amin, sa kabilang kalapitan ng labanan, nadama kong malayo kami sa panganib. Kahit tapos na ang maraming taon ng digmaang-bayan at sa kabila ng mga babala ng aking ama ukol sa kalikasan ng Khmer Rouge, naniniwala akong babalik din sa dati ang lahat, gaya ng nakilala kong Cambodia bago nagkaroon ng digmaang-bayan.

Buhat ako sa Oudong, isang nayong may dalawampu’t limang milya ang layo sa hilaga ng Phnom Penh. Doon namuhay ang ama kong si Chhor bilang isang maliit na negosyante. Hindi siya mayaman – tatlo lamang ang kuwarto ng bahay naming may bubong na pulang tisa at sahig na matigas na lupa – ngunit mataas ang pangarap niya at ng aking inang si Loan para sa akin, ang panganay sa limang magkakapatid. Ipinadala nila ako sa Phnom Penh para magkaroon ng magandang edukasyon sa haiskul. Magaling akong estudyante. At nang ako’y edad disisiete, ako ang pinakamahusay sa matematika sa buong bansa.

Hindi ko iniisip ang pulitika noon. Maituturing na karurukan ng katatagan ang mga taon ng aking kabataan kung ikukumpara sa mga sumunod na panahon. Walang kinikilingan ang Cambodia, popular ang aming pinunong si Prinsipe Sihanouk, tila walang kahirap-hirap na umuunlad ang bansa, at waring napakalayo ng digmaan sa Vietnam. Wala ring usap-usapan tungkol sa pakikisangkot ng Amerika sa Southeast Asia.

Bilang isang matalinong estudyante, naging karapat-dapat akong iskolar ng gobyerno sa ibang bansa. Nakaugalian nang papag-aralin sa France ang estudyanteng Canbodian, ngunit naging sentro ng oposisyon laban kay Sihanouk ang France, kaya sa Montreal ako ipinadala kasama ng iba. Doon ako nag-aral ng inhenyeriya.

Bumalik ako sa Cambodia noong 1965, sa isang bagong buhay. Nagtrabaho ako sa Ministry of Public Works, at nagpakasal sa una kong asawa, si Thary. Tulad nang karaniwang nangyayari sa mga bagong kasal, tumira kami sa bahay ng mga magulang ni Thary. Malaking bahay iyon dahil isang mayamang opisyal sa Ministry of Finance ang kanyang amang si Mr. Khem. Ipinanganak ang panganay naming si Sudath noong 1967. Mukhang patungo na kami noon sa isang magandang kinabukasan.

Gayunman, kung babalikan ko ang nakaraan, mangilan-ngilan nang palatandaan ng kawalang-kasiyahan sa paligid. Itinuring ni Sihanouk ang sarili bilang ama ng bansa. Hindi nagtagal at umugong ang usapan tungkol sa nepotismo at kabulukan. Sumabay dito ang lumulubhang digmaan sa Vietnam. Dahil masigasig si Sihanouk na panatilihin ang magandang pakikipag-ugnayan sa kanyang makapangyarihang kapitbahay, lihim siyang nakipagkasundo na magagamit ng mga North Vietnamese ang malalayong lugar sa silangang bahagi ng Cambodia sa paghahatid ng mga sundalo at armas sa South Vietnam. Naging dahilan ito ng pagtuligsa ng Estados Unidos. Nalagay sa alanganin ang tradisyunal na niyutralidad ng Cambodia.

Bilang reaksiyon sa mga pangyayaring ito, sinuportahan ng mga di-nasisiyahang Cambodian ang maliit na grupo ng mga rebeldeng Khmer Rouge, na ang karamiha’y pinangungunahan ng mga intelektuwal na nag-aral sa France.

Hindi ito gaanong nakaapekto sa aming buhay. Ako mismo’y maraming problemang pansarili. Dumating sa buhay ko ang isang trahedya noong 1969. Habang hinihintay namin ang pagsilang ng aming pangalawang anak, nagsakit ng hepatitis si Thary na noo’y beinte kuatro anyos lang. Hindi na siya gumaling. Namatay sila kapwa ng aming anak nang manganak siya. Isang taon ko siyang ipinagluksa. Umasa na lamang ako sa dalawang nakababatang kapatid ni Thary: si Anyung, beinte uno, at lalo na kay Any, disinuebe, sa pag-aalaga kay Sudath habang ako’y nasa trabaho.

Nang lumaon, at parang iyon na ang pinakanatural na mangyayari, umibig ako kay Any. Maganda siyang babae, maitim ang buhok na hanggang balikat at balingkinitan ang katawan. Sa edad na beinte, naging kaligayahan na niyang balikatin ang trabahong-bahay at minahal niya si Sudath na parang sariling anak. Nagpakasal kami. Noong 1971, ipinanganak ang aming anak na lalaki, si Nawath. At noong 1973, si Staud naman.

Noong mga unang taon ng dekada sitenta, nataas ako ng puwesto at naging direktor ng Department of New Works and Equipment sa ministri. Ang posisyong ito ang nagbigay sa akin at sa aking pamilya ng proteksiyon laban sa kahirapang pampulitika at pangkabuhayan na bunga ng lumalaganap na digmaang-bayan. Walang nalalaman si Any kundi ang nangyayari sa bahay ng kanyang mga magulang, hindi rin niya inuusisa ang aking mga paniniwalang pampulitika. Sa aking palagay, masyado kaming kampante, tulad ng iba panag kakilala ko.

Naging kapansin-pansin na ang pagkawala ng niyutralidad nang panahong ito dahiil sa naging patakaran ni Sihanouk na bigyang kasiyahan ang lahat. Dumami ang mga North Vietnamese sa bansa – humigit-kumulang sa apatnapung libo – kaya ipinag-utos ni Presidente Nixon na bombahin ang mga ito, isang lihim na ekstensiyon ng dimaang sa huli’y makakasira sa kanya at sa amin. Taliwas sa inaasahan ang naging epekto ng mga pagsalakay – lalo nitong inakit ang pagpasok ng mga komunista sa Cambodia.

Noong 1970, pinabagsak ni Lon Nol, na Punong Ministro at pinuno ng armi, si Sihanouk. Nangako itong lilinisin ang kabulukan at palalayasin ang mga Vietnamese. Tumakas si Sihanouk patungong Peking, at ang nakapagtataka, nagpahayag siya ng suporta sa mga gerilyang Khmer Rouge na dati niyang kalaban. Tinawag niyang tagapagpalaya ang mga rebelde na karamiha’y binubuo ng mga magsasaka, at hindi na niya binigyang-halag ang ideolohiyang komunista ng mga ito.

Sa simula’y malaki ang pag-asa namin kay Lon Nol. Ngunit sa pagdaraan ng panahon, naging malinaw na hindi niya kayang gampanan ang tungkuling ipinataw niya sa sarili. Inatake siya at naparalisado ang kalahati ng kanyang katawan. Nagpatuloy sa kabulukan at pagwawalambahala ang administrasyon at sandatahang lakas. Nabigo ang arming sugpuin ang alinman sa mga North Vietnamese at Khmer Rouge sa kabila ng tulong ng Estados Unidos. Walang nakinabang kundi Khmer Rouge na tinatangkilik ng mga Intsik. Bumagsak ang bansa sa isang pangkalahatang digmaang-bayan. Sinabayan ito ng nakasasakal na inflation na pumuwersa sa aming mga maaaring mangibang bansa na magtago ng salaping dayuhan, lalo na ng dolyar. Noong 1970, umabot sa 60 riel ang kapalit ng isang dolyar, at 2,000 naman noong 1975.

Kakatwang kaming mga propesyonal at intelektuwal sa Phnom Penh ay naniwala rin sa palagay ni Sihanouk na makabayan at hindi komunista ang mga rebelde. Dahil na rin ito sa mga hindi maikakailang pagkukulang ni Lon Nol. At totoo namang ang kanilang programa, na itinataguyod din ng United Front of Kampuchea ni Sihanouk na nakabase sa Peking, ay hindi bumanggit ng komunismo. Sa halip, gumagamit sila ng mga nakapagpapahinahong salita gaya ng “Ang mga mamamayang Cambodian,” “Pambangsang Kalayaan,” “Kapayapaan,” “Niyutralidad,” “Kalayaan,” at “Demokrasya”.

Ako ma’y sumapi na rin sa oposisyon kay Lon Nol. Nagtatag ako ng organisasyong tinawag naming Bees Club, isang propesyonal na may magkakaparehong kaisipan – mga opisyal ng mga gobyerno, propesor sa unibersidad, mga opisyal, at ilang oposisyonistang pulitiko. Laban kami sa mga diktador, mga komunista at sa rehimen ni Lon Nol, ngunit wala kaming tinatangkilik. Itinuturing naming ang mga Amerikano ay magkahalong biyaya – laban sila sa komunista pero sinusuportahan nila ang bulok at walang-silbing si Lon NoI. Ibig naming magkaroon ng isang pamahalaan na may pambansang pagkakaisa, at kung posible, isang koalisyong pamahalaan, kasama na ang Khmer Rouge.

Naniniwala akong higit sa lahat, bayani ang Khmer Rouge dahil marami akong kilalang nagtataguyod sa kanila at sumapi sa kanila. Ulit-ulit na sinabi ni Ama na nagkakamali ako dahil nakita at nakausap niya ang di mabilang na nagsitakas bago sila lumipat sa siyudad, kasama ang buong pamilya, noong 1972. Madalas kong siyang sabihan noon na huwag mawalan ng pag-asa; iginigiit ko pang nabubulagan lang siya sa propaganda ng pamahalaan. Tutal, sabi ko pa, may sarilingtauhan sa mga gerilya si Sihanouk at tiyak na hindi nila susuportahan ang mga taong pumapatay ng mga kababayan at naninira ng mga pagoda. Maaaring komunista ang iba, sabi ko, pero higit sa lahat, Cambodian silang gaya namin.

Noong mga unang araw ng Marso 1975, nagkaroon ng pala-palagay na mababago ang pamahalaan; na pupuwersahin ng Khmer Rouge si Lon Nol na magbitiw, at inisip naming susundan ito ng maayos na pagtatatag ng isang bagong rehimen. Kahit papaano, inakala kong magiging isa si Sihanouk sa solusyong pulitikal, kung ano man iyon. Ngunit noong ika-isa ng Abril, nahikayat umalis si Lon Nol, at nawala ang huling sagabal sa pagkakaroon ng maaayos na kasunduan. Naiwanan ang pamumuno ng gobyerno sa mga kamay ni Long Boret. Alam kong wala na akong dapat ikatakot nang bumagsak ang dating rehimen. Isa lamang akong karaniwang inhinyero. Hindi namin kailangang umalis nang bansa. Hinintay ko ang pagtatapos ng digmaan at umasang magkakaroon ako ng bahagi sa pagbubuo ng bagong Cambodia.

* * *

Sa kakapalan ng tao, inabot ng dalawang oras bago namin nalakbay ang dalawang milyang distansiya papunta sa Psar Silep, isang residensiyal na lugar malapit sa ilog. Ito ang sentro ng siyudad, ang pinakamagandang bahagi ng Phnom Penh – malalapad ang mga kalyeng natatamnan ng mga puno at magkakahiwalay na mga villa na istilong French colonial. Malaki ang pook na ito, may sapat na lugar para sa mga puno at halaman. Dito nakatira ang pinsan kong si Oan. Dalawang palapag ang bahay niya, protektado ng mataas na bakod na yari sa tisa at may pintuang bakal. Magandang tagpuan iyon dahil nag-iisa si Oan sa malaking bahay. May ilang linggo nang nakaalis ng bansa ang asawa’t anak niyang lalaki, kasama ng kanyang mga biyenan.

Nang makapunta sina Anyung at mga biyenan ko sa bahay ng isang tiyahin, ipinasok ko naman ang Fiat sa kalsadang kinatatayuan ng bahay ni Oan. Nagulat ako pagkakita sa marami kong kamag-anak – si Oan at ang dalawa niyang kapatid na babae kasama ang kani-kanilang pamilya, ang aking dalawang kapatid na babae, dalawang lalaki at mga pamilya nila, at ang aming mga magulang – tatlumpo lahat. Naglapitan ang lahat sa amin, tuwang-tuwa nang makita kami. May isang oras na sila roon at nag-aalala na sa amin.

Nang nakikipaglaro na sa mga pinsan nila ang mga bata, naghanda ng pagkain ang mga babae. Gumagawa ang lahat maliban kay Vuoch na nakikipaghuntahan sa mga lalaki. Si Vouch, dalawampu’t isa, ang intelektuwal ng pamilya. Nasa ikatlong taon na siya sa unibersidad, nag-aaral ng inhinyeriya na pambihira para sa isang babaing Cambodian. Nakahiligan niya ang simpleng pananamit at mabigat na pagsasalita, wari’y determinadong takasan ang tradisyunal na papel ng babae at igiit ang sarili sa daigdig ng mga lalaki. Magiliw siyang gaya ng nakatatandang kapatid na babaeng si Keng kung nakikipag-usap sa aming ina, kay Any o sa mga bata, pero madaling mapako ang atensiyon niya sa mga usapang pampulitika.

May bukas na radyo sa isang mesa, pero walang balita, puro tugtog militar. Tinanong ako ng kapatid kong lalaking si Theng kung ano sa palagay ko ang nangyayari sa bayan. Dalawang taon lang ang kabataan sa akin ni Theng, may asawa siya at tatlong anak, dalawang lalaki at isang sanggol na babae. Medyo bilib siya sa akin sa mga usaping pampulitika, hindi lamang dahil nakatatanda ako sa kanya, kundi dahil sa posisyon ko sa ministri. Titser siya sa primarya, nakatira sa mga magulang namin, at mas interesado sa basketbol kaysa pulitika. Bagay naman iyon sa katawan niya kaya mas napakikinabangan siya kung mabigat na trabahong dapat gawin. A, sabi kong nakatitiyak, pag-uusapan siyempre ‘yan ng mga opisyal ng magkabilang panig…

“E bakit hindi pa nila ibalita sa radyo?” sabat ni Vouch.

“Nakapagtataka nga,” sabi kong hindi tumitingin sa kanya para makaiwas. “Pero wala namang dapat ipag-alala. Hindi magtatagal at magkakaroon ng isang bagong gobyerno at muling mamumuno si Prinsipe Sihanouk. Makikita mo.”

“At makabubuti sa kanyang huwag na niyang ulitin ang mga dating pagkakamali niya.”

Bahagyang katahimikan ang nagdaan. Para maputol ito, may isang nagsabi: “ Ano sa palagay mo, Sarun?”

Nagkatinginan kaming lahat. Kawawang Sarun. Titser siya noon bago maaksidente sa isang motorsiklo na ikinabagok ng kanyang ulo, dalawang taon na ang nakararaan. Hindi na siya katulad ng dati. Dati’y masayahin siya at mapaglaro, ngayo’y lagi siyang malungkutin at mainisin. Kadalasan ay mahiyain siya na pang bata, pero minsa’y galit na galit o nagsasalita ng mga bagay na walang kaugnayan sa pinag-uusapan. Sabihin pa’y naalis siya sa eskuwela, pero hindi maunawaan kung bakit. Ang hindi nagbago sa kanya’y ang pagmamahal niya sa asawang si Keng at sa limang-taong anak na babaing si Srey Rath.

“Ano sa palagay ko?” ani ni Sarun sa dating matamlay na ngiti. “ewan ko. Pero kung mababalik si Sihanouk, siguro makukuha ko uli ‘yung dati kong trabaho. Ano sa palagay mo Thay?”

Naniniwala siyang naging biktima siya ng isang sabwatan at hindi makabubuting pag-usapan pa ang tungkol doon. Ngumiti ako’t nagkibit-balikat.

“Ano ang inginiti-ngiti mo riyan, Thay?” tila nanunumbat ang boses ni Keng mula sa kusina. “Siguradong mababalik sa trabaho si Sarun pag maayos na ang lahat. Sarun, dear, puwede bang tawagin mo na si Srey? Maghahain na kami.”

Bilib kaming lahat kay Keng. Mapalad si Sarun dahil sa kanyang katapatan at pangangalaga.

Noon dumating ang pinsan kong si Sim. Nakangisi siya na para bang kababalik mula sa pamamasyal sa buong bayan.

“Sim!” tawag ni Oan na gulat na gulat. “Ba’t nag-iisa ka? Nasa’n ang mga magulang mo?”

“Wala pa ba sila dito? Akala ko’y …” napahinto siyang nakasimangot.

“Halika na, Sim,” sabi ng tatay ko ko na kilalang-kilala si Sim mula pagkabata. Disiotso na si Sim at nasa haiskul, pero hindi siya matalino. Wala siyang ginawa kundi maglakwatsa kasama ng mga kaibigan.

“Akala ko’y naririto na sila, tiyong. Nanood ako ng nasusunog na bahay, tapos, hindi ko sila makita kaya nagpunta na ‘ko rito. Aalis uli ako’t hahanapin ko sila.”

“Loko ka ba, tumigil ka na lang dito. Hindi sila maaano. Peligroso nang lumabas uli.”

Doon nga kami pumirmi, paupu-upo kahit saan, pakain-kain ng kanin, ulam at prutas na inihanda ni Any at ng iba pang nasa kusina. Pinag-usapan namin ang mangyayari sa kabila ng ingay ng mga nagsisitakas sa labas at ng tugtog ng radyo. Inulit ko ang paniniwalang magkakaroon ng solusyong pulitikal. Karaniwang umaayon o nananahimik lang ang iba. Kapag tutol si Theng, lalong maraming angal ang isa ko pang kapatid na si Thoeon. Hindi siya lumaki sa amin, Nakisama siya sa kanyang mga biyenan, kaya medyo malayo ang kanyang loob. Sumasali rin sa usapan si Vouch. Samantala’y nanonood lang si Any, tahimik at minamasdan kung sino ang nagsasalita, na karaniwan niyang ginagawa kapag maraming tao. Bahagya ring sumasali si Oan kahit nasa bahay niya kami. Mayaman nga siya pero hindi siya gaanong matalino. Sinuwerte siyang makapag-asawa ng may-kaya – may-ari ng ilang sinehan ang biyenan niyang lalaki.

Ngunit hindi madaling papaniwalain ang aking ama. Paulit-ulit ang babala niyang komunista ang Khmer Rouge. Mataas siya, malakas at may matatag na pagkatao, gayundin sa pangangatwan. Hindi siya masalita at inirerespeto siya sa kanyang paniniwala. Pero naiinis ako sa mga prediksiyon niya. Narinig ko noon. Paulit-ulit ko nang nasabi sa kanyang walag dapat ipag-alala.

“Tsismis lang ‘yan, ‘tay, propaganda,” sabi kong hindi ipinahahalata ang pagkainis. “Wala namang binabanggit tungkol sa komunismo ang kanilang programa. Kaibigan ko ang ilan sa mga taong iyon. Hindi sila magsisinungaling. Bakit pa? Mayaman ang ating bansa. Hindi nila kailangang gumawa ng kalupitan para pakainin ng taumbayan.”

Tumahimik ang aking ama. Ang aking naman ang nagsalita. Mukha siyang mahina, maliit, kung ikukumpara sa mga anak niyang babae. Buong buhay niya’y nagugol sa pag-aalaga sa pamilya sa nayon. Pero kung narinig mo siyang magsalita, mahuhulaan mong sa kanya nagmana si Vouch.

“Igalang mo naman ang tatay mo, Thay,” aniyang mahina pero matigas. “Nakausap namin ang mga taong nagsisitakas, napatay ang kanilang pamilya, sinunog ang kanilang mga bahay. Malupit ang Khmer Rouge. Komunista sila, gaya ng mga tauhan ni Mao sa China. Kapag sila ang namuno, katapusan na ng relihiyon natin. Kalimutan mo na ang kaligayahan.”

“Ang inay naman!, sabi ko. “Anong komunista ang sinasabi n’yo? Iyong iba sa kanila siguro, pero alam nilang napakarelihiyoso ng mga Cambodian at mapagmahal sa buhay para tanggapin ang komunismo. Makabayan muna sila bago komunista. Susundin nila ang gusto ng mga tao.” Alam kong tama ako. Mga tanging impormasyon ang ibinibigay sa akin ng mga kakilala ko. Isa pa’y nakapangibang-bansa na ako’t may malawak na pananaw. At ano’ng nalalaman ng mga magulang ko, na simpleng negsyante lang, tungkol sa tunay na sitwasyon?

May isang oras kaming nag-usap-usap. Maya’t maya’y natitigil kami dahil sa sigaw ng mga bata at manaka-nakang pagsabog sa may kalayuan. Pagkatapos, nang bandang alas diyes, isang boses na noon lamang namin narinig ang nagpatigil sa tugtog-militar sa radyo: “makinig kayo! Abangan ang isang importanteng pahayag!” napatigil ang lahat at tinawag ang mga kamag-anak na nasa kusina at bakuran. Kinawayan ko si Any na mabilis namang pumasok matapos tingnan si Nawath na nakikipaglaro sa kanyang mga pinsan.

Namayani ang katahimikan.

Narinig sa radyo ang mahinang boses ng Patriarkong Budhista na si Huot Tat. Nagkatinginan kaming lahat at tiwalang napangiti. Hindi lamang siya ang may pinakamataas na awtoridad na panrelihiyon, ang simbolo ng katatagan; miyembro rin siya ng aming pamilya, amain ng aking ama.

Malapit ako sa kanya. Sinubaybayan niyang mabuti ang aking pag-aaral at dahil na rin dito kung bakit nakatagpo ako ng lakas sa mga aral ng Buddhismo noong estudyante pa ako. Waring angkop iyon sa aking mga aspirasyon at pagkatao. Nakasalalay sa sarili ang kaligtasan, turo ni Buddha.

Walang magagawa ang Diyos kung di ka magkukusa. Lahat ng kabutihan at kasamaan ay magbubunga, maaaring sa buhay na ito o sa susunod, ngunit laging malaya ang taong paunlarin ang sarili, magpakabuti, pagandahin ang ugali, sa pamamagitan ng pagdarasal na patnubayan siya at bigyan ng malinaw na pananaw, sa paggawa ng mabuti, at mahusay na paggamit ng kakayahan at talinong kaloob sa kanya. Natitiyak kong nagawa ko ang pinakamabuting magagawa ko, maraming salamat sa impluwensiya ni Huot Tat.

Kaya tulad ng iba’y sabik akong marinig ang sasabihin ng matanda, -- marahil ay mas sabik pa – at makatagpo ng katiyakan sa sasabihin ng kagalang-galang na matandang hindi mapag-aalinlanganan ang kalagayan, na ang patnubay ay tiyak na kakailanganin ng bagong rehimen.

“Huwag kayong mag-alala,” sabi niya. “Itigil na ang labanan. Darating na ang kapayapaan. Nakaraan na ang ating bansa sa isang mahirap na pagsubok. Kailangang muli natin itong itayo.” Iyon lamang, at iyon lamang naman ang kailangan.

Pagkaraa’y isa pang boses ang narinig. Kay Heneral Mey Sichan iyon, ang puno ng sandatahang lakas ng Republikano. “Dapat nang sumuko ang lahat ng sundalo,” sabi niya, “para maiwasan ang pagdanak ng dugo samantalang ipinagpapatuloy ang pakikipagnegosasyon sa ating mga kapatid.”

Tapos na ang lahat, naisip ko. “Mabuti,” bulong ko kay Any sabay yakap. Lumuwag ang pakiramdam naming lahat.

Ngunit ilang sandali lang at natabunan ang boses ng heneral ng di maunawaang ingay. Pagkaraa’y isa pang boses ang sumingit, mas malakas, parang may umagaw sa mikropono.”Ang digmaan ay naipanalo sa pamamagitan ng sandata, hindi ng negosasyon! Sumuko na ang mga puwersa ng gobyerno! Nanalo ang mga rebelde! Tapos na ngayon ang digmaan!”

Pagkaraa’y nakatatakot na katahimikan. Walang musika, lahat ay natigil. Nawala ang mga ngiti namin. May nagpatay at muling nagbukas ng radyo, tinetesting. Wala. Naglalakihan ang mga matang nagkatinginan kami.

Sa katahimikan, namalayan ko ang tinig ng mga tao sa kalye, at ang ingay ng mga makina. Panatag kaming nakakulong sa bahay, gayundi ang mga kapitbahay. Pero sa labas, libu-libong mga tao ang nagsisiksikan patungo sa sentro ng Phnom Penh. Saan sila pupunta? Naipalagay ko lang na tutuloy sila sa mga pagoda, sa mga unibersidad o sa bakuran ng mga gusaling pampubliko, hanggang sa matapos ang labanan.

Isang oras ang lumipas. Patuloy na naglaro ang mga bata samantalang mahinang nag-usap-usap ang matatanda. Pagkaraa’y narinig namin ang sigaw ng pagsasaya sa kalayuan. Tumalong palabas ng bakod si Sim para alamin kung ano ang nangyayari, pagkatapos ay mabilis siyang bumalik at sumigaw, “Ang mga Khmer Rouge!”

Talaga nga palang tapos na. Nagmamadali naming binuksan ang pinto para manood.

Sa buong paligid, nagbitin ang mga puting tuwalya, kumot, damit, at anumang puting maiwawagayway ng mga tao. Nagsimulang dumami ang mga tao sa kalye, palayo sa amin. Isang uri ng prusisyon ang wari’y panonoorin nila sa Preah Monivong, isang pangunahing kalyeng nagmumula sa timog at kumukrus sa tabing kalye namin, may ilang yarda ang layo. Matapos isenyas kay Any na bantayan ang mga bata, nakipagsiksikan ako sa mga taong nasa harap kasama ng iba pa. Noon ako unang nakakita ng mga sundalong Khmer Rouge.

Malinis ang kalye, lahat ng tao ay nakatayo sa bangketa. Sa gitna ng kalsada, isa-isang naglalakad ang mga sundalong noon ko lamang nakita, nahahati sa pangkat ng tiglilimampu. Lahat sila ay nakaunipormeng itim na tila padyama ang yari, walang dekorasyon pero maayos na nakabutones. Nakasumbrerong Intsik sila at sandalyas ng Ho Chi Minh na yari sa gulong ng kotse. Ang ilan ay may dalang AK47, ang iba nama’y mga rocket launchers. Lahat sila’y may tsekerd na kramar – mga bandanang nakapulupot sa kanilang leeg o sumbrero. Hindi sila nagmamartsa ngunit hindi sila mukhang nanlalata. Nakatitig lamang sila sa unahan ng linya, walang kangiti-ngiti. Lahat sila’y mukhang wala pang disiotso anyos. Ang tanawing ito ay magiging pamilyar pagkaraan sa buong mundo sa pamamagitan ng mga retrato at pelikula, ngunit ni wala kaming babala kung ano ang itsura nila.

Hindi ako nabigla o nangamba; gayunma’y nakadama ako ng pag-aalala sa katigasan ng mukha ang mga kabataang sundalo, lalo na ng makita ko ang magandang pagtanggap sa kanila ng mga tao. Nagpapalakpakan at walang takot na sinundan ng mga tao ang hanay ng mga sundalo, ngunit ang kasabikan at kasiglahan nila’y walang epekto sa mabalasik na mga kabataan. Nakatanaw lamang sila sa malayo, walang damdamin, blangko, parang mga robot.

Ngunit masyado kaming nasisiyahan para bigyang pansin ang kanilang inuugali. Tapos na ang giyera. Ni hindi kami nasaktan. Kaya nagyayakapan ang mga tao at nagwawagaywayan ng mga puting tela. Sa halip na matakot, kaming lahat ay nagtiwala sa kawalang – pakialam ng Khmer Rouge.

Minsan lang akong ninerbiyos. Isang trak ng militar na minamaneho ng isang sundalong Republikano ang biglang lumitaw sa daan, pauwi na siguro at natutuwang tapos na ang labanan. Isang Khmer Rouge ang sumenyas at nag-utos na siya’y bumaba. Mabilis na tumalon at tumakbong palayo ang lalaki ngunit maagap siyang hinabol at nahuli ng isang Khmer Rouge na may kipkip na baril. Isinalya nito sa pader ang sundalo at tinutukan ng riple. Pagkaraa’y mahinahon nitong inutusan ang sundalong hubarin ang kanyang uniporme at iwan ang sasakyan. Sumunod naman ang lalaki at lumayo na ang Khmer Rouge. Muli akong nakahinga, mas nakasisigurong maaayos ang lahat.

Masaya kaming bumalik sa bahay ni Oan, nagbibiruan, nagkukuwentuhan, nagpaplano. Sabi ko’y iuuwi ko na ang aking pamilya. May ibang nagsabing pupunta sila tabing-dagat at magsaya. Mukhang pabalik na sa normal ang lahat. Sakay ng kanilang Austin, dumaan sa bahay ang mga magulang ni Any para sabihing babalik na sila sa kanilang bahay. Kami man ay paalis na ng sabihin ni Oan, “Bakit hindi pa kayo rito mananghalian?” Bakit nga ba hindi. Matitingnan naman ng mga biyenan ko ang bahay namin habang wala pa kami. Naglalaro ang mga bata sa bakuran. Mag-aalas onse pa lamang, walang dahilan para magmadali. Naiwan kami, masayang nag-uusap.

Nanananghalian kami at nag-iisip ako kung papasok na ako sa trabaho kinabukasan, nang isang lalaki ang dumating. Halos hindi makahinga. Siya ay katiwala sa bahay ng mga biyenan ni Oan na nakatira may isang milya ang layo, sa gawing dinaanan ng Khmer Rouge. Ipinagkatiwala nila sa taong iyon ang bahay nang umalis sila sa Cambodia kasama ang asawa at nag-iisang anak ni Oan. Nakatayo ito ngayon sa may pintuan, takot na takot at gulung-gulo ang ayos. “Pinalayas kami ng mga Khmer Rouge sa aming mga bahay! Pinagsabihan kaming umalis ng siyudad!” sabi nitong halos hindi makapgsalita. “Ano’ng gagawin ko?”

Agad nagbago ang pakiramdam namin. Nahinto kami sa pagkain at pinagtatanong siya:

“Sigurado ka ba?”

“Bakit?”

“Baka nagkamali ka lang ng pag-intindi?”

“Wala kaming narinig na sinabi nilang gano’n.”

Nagbibiro ba siya? Mag-alisan kami, parang hindi kapani-paniwala!

Kailangang malaman namin ang totoo kaya nagtanong kami sa mga kapitbahay para malaman ang mga pangyayari. Sila ma’y nakarinig ng mga usap-usapan ukol sa ebakwasyon. Pero walang balita sa radyo parang nakabubuhay ng loob ang kawalan ng opisyal na babala.

Hindi namin alam ang ang gagawin. Aalis ba kami sa bahay ni Oan? Desperado na kaming makasagap ng impormasyon para makapagplano. Iminungkahi kong konsultahin namin ang aming amain, ang Patriarkang si Huot Tat na nakatira sa Onalon Pagoda sa tabi ng ilog dalawang milya ang layo. Tiyak na alam niya kung ano ang nangyayari. Hihingi kami ng payo sa kanya, makakukuha rin kami ng proteksiyon.

Wala nang makaisip kung ano ang mas mabuting gawin. Sumakay kaming lahat sa tatlong kotse – sa aking Fiat, sa Puegeot ng aking kapatid na si Theng, at sa Mercedez Benz ni Oan. Muli, napasama kami sa mabagal na prusisyon ng mga tumatakas. Nagsisikip pa rin ang mga kalye. Napasama na sa mga papunta sa sentro ng bayan ang mga taong pinalayas sa kanilang mga bahay. Tila tulala ang lahat ngunit walang kaguluhan o ingay, isang pulutong lamang ng mabagal na umuusad patungo sa kung saan, mga taong naglalakad, nagbibisikleta, sakay ng trishaw, at mga kotse. Paminsan-minsa’y isang putok ang naririnig mula sa kalayuan. Ang mga ganitong pagunita na labanan ay nagpaalisto sa amin dahil hindi namin alam kung sino ang binabaril nino. Kakatwang agad-agad ay naging masunurin at magalang ang lahat, maingat na sinusunod ang tuntunin sa daan, takot waring makaaksidente, takot waring mapansin.

Nang sumunod na na isang oras, minsan lamang akong nakakita ng Khmer Rouge, nang lumabas sa katabing kalye ang tatlumpu sa kanila, tahimik na nagmamartsa sa isang hanay sa gitna ng daan, hindi alintana ang mga taong nakapaligid sa kanila. Pinaraan sila ng mga kotse at mga taong nagdaraan. Nagmartsa sila nang hindi kami pinapansin, wari’y iniiwasang mahawa sa amin.

May sariling bakuran ang pagoda ng Patriarka. Isa iyong mataas, dalawang-palapag na templong may bubong na tisang kulay dilaw. Nakatayo iyon sa tabing-ilog, tumutunghay sa pinagtatapuan ng ilog ng Mekong at Tonle Sap. Sa paligid niyon, kasama ng mga puno at hardin ng mga bulaklak, ay ang tirahan ng mga monghe. Ipinarada namin ang mga kotse, dinala ang mga bata at nagpunta sa bahay ng Patriarka. Matapos kaming ituro sa isang malaking bulwagang puno na rin ng may isandaang katao, ilan sa amin – ang mga magulang ko, ako, si Oan, at ang mga kapatid kong lalaki – ang nagpunta sa tanggapan ng Patriarka.

Kakatwang malakas pa ang Patriarka sa kanyang walumpu’t limang taon, matatag na nakataas ang ulo niyang ahit, at mukhang bata pa ang malapad niyang mukha. Nakasuot siya ng robang dilaw na hantad ang isang balikat, at napaliligiran ng mga monghe at sibilyan. Malinaw na maraming tao ang nag-isip nang katulad namin, ang magpunta sa pagoda para malaman kung ano ang nangyayari at hinginang proteksiyon ng Patriarka. Agad kong nakilala ang dalawang lalaki, si Heneral Chhim-Chhuon, dating aide-de-camp ni Marshal Lon Nol, at si Heneral Mao Sum Khem, Chief Operations Co-ordinator ng sandatahang lakas ng Republikano. Ngunit parang mapagpakumbaba na at nag-aalinlangan ang dalawang ito na dati’y palaban. Halatang badigard nila ang ibang lalaking nakasibilyan. Lumuhod kaming kasama ng iba pang naroon at ginawa ang tatlong ulit na pagpupugay na ang mga kamay ay magsalikop sa may noo. Pagkaraa’y magkakrus ang mga binting naupo kami at nakinig ng mga usapan.

Dalawang pangunahing tanong ang lumilitaw: paano kikilos ang mga opisyal na Republikano sa harap ng mga Khmer Rouge? At bakit pinaaalis sa mga bahay nila ang mga mamamayan – dahil lumalabas sa mga report na pinalilikas ang mga tao sa siyudad. Iginigiit ng Pariarka na maging mahinahon ang lahat. Marahil ay wala namang pangkalahatang ebakwasyon, sabi niya. Walang binabanggit na pangkalahatang deportasyon ang programa ng Khmer Rouge. “Hindi makatwiran, kung gayon, na magkaroon ng ebakwasyon.” Narinig kong sinabi niya, “Manatili kayong mahinahon at maghintay ng utos.”

Isang monghe ang inutusan ng Patriarka na tumelepono sa presidente ng Cambodian Red Cross at kay Chau Sau, ang sekretaryo-heneral ng Opposition Democratic Party. Dapat sanang makapagbigay ng impormasyon ang dalawang ito, pero tila wala silang nalalaman kundi ang deklarasyon ng Red Cross na niyutral ang Hotel Le Phnom at ang French Embassy.

May isang nagpatahimik sa lahat at itinuro ang transistor na nasa mesang katabi ng Patriarka. Buhay na naman ang istasyon ng gobyerno at may maikling mensaha. Tinatawagan ang lahat ng ministro at nakatataas na opisyal ng sandatahang lakas sa Ministry of Information sa ganap na alas kuwatro ng hapon. “Alam na ninyo ngayon ang gagawin,” sabi ng Patriarka, “magpapadala rin ako ng sarili kong kinatawan.”

Makaraang umalis ang mga heneral at isang monghe, nagpalakad-lakad kami, nagtatanungan kung ano ang ibig sabihin ng lahat ng iyon, iniisip kung pupunta kami sa French Embassy o sa hotel Le Phnom. Nanatiling nakaupo ang Patriarka sa kanyang bangko, mahinahong naghihintay.

Naging lalong kainip-inip ang paghihintay habang humahapon. Nagtatalo ang loob ko kung aalis kami, ngunit waring nakatatakot ang kawalan ng katiyakan, ang posibilidad na mahuli kami habang lumilikas, ang kaimposiblehan ng pagpaplano. Sa isang pagkakataon, humingi ako ng permiso sa Patriarka na matawagan ang French Embassy. Nang humingi ng asylum, sinabi ng nakausap ko na imposible para sa sinumang Cambodian ang pumasok sa French Embassy dahil guwardiyado ng mga Khmer Rouge ang pintuan. “Kahit na Patriarka mismo ang dumating,” sabi ng kausap ko, “hindi siya papasukin ng Khmer Rouge.” Ibinaba ko ang telepono, gulat na gulat na may Cambodian na hindi kumikilala sa awtoridad ng Patriarka. Sa kauna-unahang pagkakataon, napagtanto kong naipit kami.

Tinangka kong tawagan ang mga biyenan ko at si Anyung sa bahay. Walang sagot. Wala kaming magawa kundi maghintay. Nagpalakad-lakad ako, pilit na pinapayapa ang loob ni Any sa pagsasabi ng tungkol sa mga tawag at sa pamamagitan ng bahagyang pakikipag-usap sa mga bata. Masasaya naman ang mga anak ko, nakikipaglaro sa mga kasing-edad nila.

Nang magtakip-silim, mga alas sais, dumating ang kinatawan ng Patriarka. Sinundan ko siya habang nakikipagsiksikan sa karamihan ng mga tao patungo sa Patriarka, na nagtaas ng kamay para patahimikin ang lahat. Pinilit kong basahin kung may magandang mensahe sa kanyang mukha, ngunit blangko iyon.

Sabi niya’y maraming mga nakatataas na opisyal na Republikano at mga ministro sa miting; naroon din ang Prime Minister na si Long Boret. Naupo ang monghe sa tabi ng isang opisyal ng khmer Rouge na nakipag-usap naman sa kanya nang buong galang. Pinuri ng opisyal ang mga kabutihan ng Khmer rouge at sinabing maisasagawa na ang muling pagtatatag ng bansa sa tulong ng mga dating opisyal, intelektuwal at teknisyan. Nang itanong ng isang monghe ang tungkol sa ebakwasyon, umiling ang opisyal. Wala raw kabuluhan ang ganoong utos. Bakit daw iuutos ang pagpapalikas ng mga taong may malakas na pangangatwan gayong kakailanganin sila sa pagsasaayos ng ekonomiya.? “Sabi niya sa akin: nasa iyo ang aking palabra de honor, wala akong narinig na ganoong utos. Isa lamang iyong maniobra ng imperyalista. Ibig lamang nilang matakot ang mga taumbayan.”

Nakahinga ako nang maluwag at ibinalita ko kay Any na hindi totoo ang usap-usapan ukol sa ebakwasyon, ngunit marami pang nagsisilikas ang dumating sa pagoda at nagsabing patuloy pa rin ang pagpapaalis sa mga tao. Tumindi ang aking pag-aalala. Alinman sa nagsisinungaling o walang nalalaman ang opisyal. Tumanggi ang monghe nang tanungin ni Oan, hindi raw maaaring magsinungaling ang opisyal. Ngunit maaari ring wala siyang nalalaman.

Sumapit ang gabi. Muli kong tinawagan ang mga biyenan ko pero wala pa ring sagot. Nakikini-kinita ko ang pangit na larawan: ang mga magulang ni Any at ang kapatid niyang si Anyung, kasama ng agos ng mga nagsisilikas, hindi malaman kung saan patungo. Sinulyapan ko siya para pumayapa ang kanyang loob.

Dahil sa matinding pagod at pag-aalala, nakatulog kami sa mga banig na inilatag sa baldosang sahig ng pagoda – lahat kaming tatlumpu na nahahati sa iba’t ibang pamilya. Kakatwang pati ang mga bata, pati na si Nawath, ay naging masunurin sa aming kakaibang kalagayan at kalituhan. Ibinalot ko ang aking sa ilang damit at binuksan sa Voice of America sa Cambodian para makibalita. Wala. Pinatay ko ang radyo, pero hindi ako makatulog. Manaka-naka ang dating at alis ng mga taong naghahanap ng matutulugan, at bawat dumating ay nagpapatotoong patuloy ang ebakwasyon. Daan-daan ang nagsisiksikan sa pagoda at sa bakura nito, habang libu-libo naman ang mabilis na papalabas ng bayan.

Nang natutulog na kaming lahat – mga alas nuwebe siguro ng gabi – isang opisyal ng Khmer Rouge na may hawak na pistola ang pumasok. Mga kasing-edad ko siya, mga treinta anyos. Sa masakit na liwanag ng mga bombilya, naghihinalang tiningnan niya kami, nakatutok ang baril sa mga natutulog na parang may inaasahang lalaban sa kanya. Pagkaraa’y nakita niya ang anim na bisikleta at tatlong motorsiklong nakaparada sa may pintuan.

“Kanino ang motorsiklong ito?” sigaw niya. Walang sumagot. Isinuksok niya ang baril at pinuntahan ang mga bisikleta. Isang asul na Honda na mukhang bagung-bago ang kinuha niya. Nakakadena ito sa dalawa pang motorsiklo. Dalawang bese niyang sinabi: “sino ang may-ari ng motorsiklong ito?” At pagkaraan, “Kailangan ito ng Angkar!”

Angkar – ang Organisasyon: iyon ang kauna-unahang pagkakataon na narinig kong ginamit sa ganoong paraan ang salitang iyon.

Wala pa ring nagsalita. Inihiga ng opisyal ang motorsiklo, inilabas ang kanyang baril at itinutok sa kadena. Dalawang beses siyang nagpaputok, magkasunod. Naputol ang kadena. Nakatatakot ang pagpunit ng mga putok sa katahimikan, lalo’t iisiping may mga batang natutulog. Nagising ang mga bata, nagpalinga-linga, natulala. Ilang saglit pa, sakay ng motorsiklong umalis ang opisyal, iniwan kaming natitigilan. Tiningnan ko si Any. Sinenyasan ko siyang manahimik.

Makailang sandali’y ibnulong sa akin ni Any, “Paano niya nagawa ang gano’n?”

“Ano’ng magagawa natin?” sagot ko.

Isang matagal na tingin ang ipinukol sa akin ng aking ama.

“Siguro naman, hindi lahat sila’y gano’n,” nagtatanggol na sabi ko sa kanya, pabulong din.

Labinlimang minuto pagkatapos, dalawa pang sundalo ang dumating at walang imik na kinuha ang dalawa pang motorsiklo.

Naging maliwanag sa akin at sa lahat ng naroon, na hindi pagnanakaw o pang-aangkin lamang ang mga kilos na iyon. May kahalagahan ang Patriarka na higit pa sa kanyang kalagayang panrelihiyon. Iginagalang siya, maging sa pinakamalalayong kanayunan sa Cambodia, ngunit dito, sa isang iglap ay napanoog namin ang tatlong taong parang hindi alam kung saan sila naroon, wala ni paggalang para sa Patriarka. Iyon ang unang babala na mawawasak na ang mabubuting kaugaliang taglay namin sa loob ng maraming dantaon.

Bago muling nakatulog, itinanong ng panganay naming si Sudath, “Kailan tayo uuwi, itay?” Hindi ako nakakibo. Si Any ang sumagot, “Matulog ka na anak, uuwi na tayo bukas.” Hindi ko na iyon mapaniwalaan, at siya man, sa palagay ko.

8 comments:

Anonymous said...

hay salamat talaga ng marame
thanks god i found it ;D

john enrico comia on December 14, 2010 at 10:47 AM said...

^_^

Anonymous said...

.., kuA again maRami poNg tHank yOu!!!

.., we lOve yOu!!

Miaka on November 5, 2011 at 12:00 AM said...

kuya bk8 p0h dLwa me0ng eksistensyalismo tp0z me0n dn na naturalism0?

SabrinaGale on November 15, 2011 at 3:22 AM said...

thanks po ng sobra sobra

joyce :) said...

Ang dami kong nakuha na kwento/nobela sa site n2..thankyou so much! :) Godbless! ..

Anonymous said...

` ok thankyou marame ,>

Anonymous said...

Saan ba pwedeng kumuha ng mga pictures sa bawat paragraph? need ko please ang mga larawan.

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved