Ni Ildefonso Santos
Marahang – marahang
Manaog ka, Irog at kata’y lalakad
Maglulunoy katang
Payapang-payapa sa tabi ng dagat;
Di na kailangang
Sapinan pa ang pang binalat-sibuyas,
Ang daliring garing
Sa sakong na wari’y kinuyom na rosas!
Manunulay kata
Habang maaga pa, sa isang pilapil
Na nalalatagan
Ng damong may luha ng mga bituin;
Patiyad na tayo
Ay maghahabulang simbilis na hangin,
Ngunit walang ingay,
Hanggang sumapit sa tiping buhangin.
Pagdating sa tubig,
Mapapaurong kang parang nangingimi,
Gaganyakin kata
Sa nangaroong mga lamang-kati;
Doon ay may tahong
Talaba’t halaang kabigha-bighani,
Hindi kaya natin
Mapuno ang buslo bago tumanghali?
Pagdarapit-hapon
Kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
Sugatan ang paa
At sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon;
Sa dagat man, Irog, ng kaligayahan,
Lahat, pati puso,
Ay naaagnas ding marahang-marahan.
3 comments:
anung sagot?
..........sagot sa batikan ung hinahanap d ung tula meron na kami nyan!
tsms.. hshs
Post a Comment