Thursday, November 25, 2010

PILIPINAS – BANSANG AGRIKULTURAL?



Ang Pilipinas ay bansang agrikultural. Katunayan, tinataya na 45 bahagdan ng sukat ng lupain sa ating bansa ay akma para sa pagsasaka. Tingnan natin ito. Kung ihahambing ang lupain ng bansang Hapon sa mga lupain sa Pilipinas, makalalamang tayo sa kanila. Paano’y 26 bahagdan lamang ng lupain sa Hapon ang maaaring gamitin bilang agricultural. Ito’y dahilan sa ang kanilang lupain ay bulubundukin at maty matatarik na mga dalisidis na mahirap pagtamnan. Isa pa, maliit na bahagi lamang ng kanilang lupain ang nalalatagan ng mabababang lugar. Dahil dito, 57,120 kilometro kuwadrado lamang ng kabuuang sukat nitong 357,000 kilometro kuwadrado ang magagamit para sa produksyong agrikultural.

Samantala, ang Pilipinas ay may kabuuang sukat na 300,000 kilometro kuwadrado subalit mga 135,000 kilometro kuwadrado lamang nito ang magagamit sa agrikultura. Lumalabas na mahigit na dalawang beses ang laki ng sukat na ito sa lupain ang napagtatamnan sa bansang Hapon. Samakatwid, sa pagkakaroon ng Pilipinas ng 45% sa kabuuang sukat napagtatamnan, masasabi na ang mga anyong lupa sa ating bansa ay magaling para sa kaunlarang pangkabuhayan. Kasi nga dito sa atin, walang gaanong matataas na bundok na may matatarik na dalisdis. Alam naman nating ang pinakamataas nating bundok ay ang Bundok Apo na ang elebasyon ay umaabot sa 2,930 metro. Iyon ng lang, di gaanong malawak ang mga patag na lugar natin. Ang mga di-patag na lupa ay nakasagabal sa pagsasakang ginagamitan ng makinarya.

Kung susuriin, malaki ang pagkakataon nating maging maunlad na bansa kung pahahalagahan at pagyayamanin natin ang lupaing kaloob sa ating ng Maykapal. Bungkalin natin ang matatabang tila mag-aanyayang siya’y linangin. Sa halip na lumuwas tayo sa kabayanan at lalo na sa kalunsuran na wala naming tiyak na mapagkakakitaan, bakit di natin pagtuunan ng pansin ang malawak at tiwangwang na lupaing naghihintay lamang na ating pagyamanin? Makakamtan natin ang kabuhayang pag-uunlad, basta masipag at matiyaga lamang tayo.

Kung ang bansang Hapon ay nagawang umunlad sa kabila ng pagkakaroon nito ng mga lupaing bulubundukin at matatarik na dalisdis, gawin natin silang huwaran. Higit na magaling ang mga anyong lupa ng ating bansa para sa kaunlarang pangkabuhayan. Kailangan lamang nating patunayang may kakayahan tayo na higitan ang kahit na sino pa mang bansa.

Tingnan natin ang Banawe Rice Terraces. Hindi ito patag pero nagawa ng mga katutubo na gawin itong kapaki-pakinabang sa pamamagitan ng pagtatanim dito ng palay. Bukod sa naging pinagkukunan ito ng kabuhayan, nakilala at nabantog ito sa buong mundo at itinanghal bilang isa sa 8th “Wonders of the World. Hindi ba’t ito’y kahanga-hanga? Patunay lamang na anumang kalagayan ng anyong-lupa ay maaaring pakinabangan at maging sandigan ng kaunlaran ng bansa.

1 comments:

Char Lene on December 14, 2011 at 3:13 AM said...

Very nice:) Thank you for this information :)

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved