Friday, November 26, 2010

PATRICIO G. MARIANO



(1977-1935)

Si Patricio G. Mariano ay isinilang noong Marso 7, 1877 sa Sta. Cruz, Maynila. Sa mga panahong inilagi niya sa daigdig, siya ay nakilala bilang isang mandudula, kwentista, manunulat, makata, pintor, biyolinista at iba pa.

Nagsimula siya ng pag-aaral sa isa sa mga pampublikong paaralan sa Maynila. Bagama’t sa Ateneo de Municipal na pinamamahalaan ng mga Pareng Hesuwita siya nagsimula ng una hanggang ikatlong taon sa mataas na paaralan, sa San Juan de Letran naman niya ito tinapos. Pagkaraang makapagtapos ng mataas na paaralan, nag aral naman siya ng iba’t ibang gawaing-kamay sa Escuela de Artes de Officios. Nag-aral din siya ng estergotipograpiya sa pamamahala ni G. Jose Kison, isa sa mga kababayan nating magigiting at makabayan at kapanahon ng bayaning si Emilio Jacinto. Nag-aral din siya ng pagpipinta. Bagama’t taglay na ang iba’t ibang natutuhan, nahumaling din si Patricio sa pag-aaral ng pagtugtog ng biyolin. Kumuha din siya ng bookeeping at nang lumaon ay naging isang manananggol. Ang huling kurso ay kinuha sa Unibersidad ng Rizal.

Dahil sa panahon ng digmaan, si Patricio, kasama ng kanyang nunong si Ambrosio Rianzares Bautista ay sumapi sa isang hukbong mapanghimagsik. Naglingkod siya bilang kanagng-kamay ng kanyang lolo subalit dala ng angking kahusayan sa paghawak ng sandata, siya ay pinagkatiwalaan ng pinuno ng hukbo na manungkulan bilang tinyente ng isang pangkat. Bukod sa pagiging magaling na sundalo, kinakitaan na ang kagalingan sa panulat ang batang si Patricio. Bukod sa pagsulat niya sa El Heraldo de la Revolucion, isang pahayagan ng himagsikan, pinamahalaan din niya ang Imprenta de Malolos, isas pa ring lingguhang pahayagan.

Pagkatapos ng himagsikan, si Patricio ay nagbalik sa Maynila. Mula noon ay hinarap na niya ang pagsusulat. Namahala siya sa iba’t ibang pahayagan tuld ng Los Obreros, Renacimiento Filipino, Katarungan at Lunas ng bayan, La Vanguardia at Taliba.

Siya ang tinaguriang “Anak ng Pahayagan” ni G. Artigas y Cuerva. Sadyang karapat-dapat ang ganitong taguri sa kanya dahilan na rin sa walang kapagalan niyang pagsusulat ng mga nobela, tula, kwento, at dula. Sa larangan ng dula niya higit na naipakita ang kanyang kahusayan hindi lamang bilang manunulat at direktor kundi bilang isa ring artista. Sa kanyang panahon, tinawag siyang “Puno ng Mandudulang Tagalog” dala na rin ng mga dulang kanyang naitanghal. Kabilang sa mga ito ay ang “Ang Sampaguita” na itinanghal sa Dulaang Zorilla noong Nobyembre 17, 1901 at ang Anak ng Dagat na siyang itinuturing na pinakamainam niyang dula. Ito rin ang dulang nagdala sa kanyang pangalan sa tugatog ng tagumpay at tumanggap ng iba’t ibang papuri mula sa mga timpalak-panitik.

“Si Mariano ay tunay na matapat”, ang sabi ni G. Manuel Artigas y Cuerva. “Kapag siya ay nangako ay sapilitan niyang tutuparin. Siya ay magiliwin at masaya. Ang kanyang pag-ibig sa bayang kinamulatan ang unang-unang umakay sa kanya upang makiisa sa pagtatag ng “Association Pro Patria”.

Noong Enero 28, 1935, sa gulang na 57 ay inulila ng matalinong mandudula ng kanyang mga kababayan at tagahanga. Siya ay nagbalik na sa sinapupunan ni Bathala.

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved