Friday, November 26, 2010

May Ginto sa Kapaligiran



Tumingin sa paligid. Tumingala sa kalawakan. Damhin ang hanging dumadampi sa balat. Tingnan ang lupang tinatapakan…. Pansinin ang lawak at masasabing “Kayganda ng kapaligirang ipinagkaloob ng Maykapal sa kanyang nilikha!’ Malalawak ang kabukiran, kagubatan at karagatang nagtataglay ng makukulay na kaanyuan. Paraisong kaysarap tirahan!

Hindi mapipigilan ang mabilis na pag-inog ng mundo. Mabilis din ang pagdami ng kanyang nilalang na may taglay na talinong paunlarin ang buhay. Hindi tumigil sa paghanap ng mga paraan upang mailagay ang buhay sa magandang kalagayan.

Lingid sa kaalaman, nabulabog ang kalikasan. Sa mga interaksyong nagaganap, napipinsala ang pisikal na kapaligiran. Oo ang tahimik na biktima. Hindi ito kataka-taka… Nilikha ang kapaligiran upang magsilbi at mapakinabangan ng tao.

Masdan ang kapaligiran. Ang mga bukiring malalawak ay lumiliit na dahil sa mga gusaling itinayo. Maging ang halaman at hayop ay naaapektuhan ng mga pagbabagong ginagawa ng tao sa kanyang paligid.

Maliwanag sa atin ang katotohanang ang kapaligiran ay para sa tao at ang tao ay para sa kapaligiran. May tungkulin ang taong pangalagaan ang mga ito para rin sa patuloy niyang kapakinabangan.

Dahil sa mga pang-aabuso at kapabayaan sa kapaligiran, nagiging sanhi ito ng pagkamatay ng iba’t ibang bahagi ng kalikasan. Ito ang dahilan kung bakit may polusyon ng hangin, tubig at lupa sa maraming lugar sa daigdig.

Ang polusyon ay nagdudulot ng iba’t ibang uri ng sakit. Palasak na senaryo ngayon ang maraming taong naoospital. Hindi tuloy nagiging epektibong mamamayan. Nakapipinsala rin ito sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda kayat nakaaapekto sa ekonomiya ng bansa.

Maraming senaryo na tayong nasaksihan kung paano nilapastangan ang paraisong kaloob ng maykapal. Napaluha na rin tayo sa mga nasabing senaryo.

Magkatuwang ang tao at kapaligiran sa pagkamit ng kaunlaran. May kakayahan ang taong harapin ang suliranin at kakayahang lumutas sa mga suliranin sa kapaligiran. Pagyamanin at di patayin ang likas na yamang kaloob ng Diyos sa atin. Laging isaisip may ginto sa paligid na dapat pahalagaan.

2 comments:

julie Ruth said...

:)) gling ni kuya.... sana patuloy u pa po ung paggawa ng mga ganan.... ^_^

john enrico comia on January 3, 2011 at 4:23 PM said...

uu,.salamat,.pagpa2loy ko pa,. ^^

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved